2| Chapter 15: Failed Plan

192 10 0
                                    


NAGING mabisa ang gamot na ibinigay ni Perce. Naghilom na nang tuluyan ang hiwa sa tiyan ni Bryan Wale kaya tuloy na tuloy ang plano naming pasukin ang academy ngayong ala una ng madaling araw, ikalawang araw ng Nobyembre. Kahapon lang nagsimula ang sembreak namin.

Kararating lang ni Perce sa dating bahay nila Kael. Kanina pa kami naghihintay nina Kael at Bryan Wale sa pagdating niya. Lumalalim na lalo ang gabi kaya ito na ang tamang oras para isagawa ang plano namin.

Hindi sumang-ayon si Perce sa planong ibinahagi ko sa pagpasok sa Void Dimension. Nagpresenta siyang tumulong para mapadali ang pagpasok namin sa Void Dimension at pagbalik doon kapag nakuha ko na ang libro sa academy.

"Handa na kayo?" tanong ni Perce matapos bigkasin ang isang spell at nagkaroon ng malaking bilog na puno ng itim na hibla ng enerhiya sa harapan namin. Gumawa siya ng isang portal papasok sa Void Dimension.

Napansin kong tumango si Bryan Wale bilang tugon. Gumapang naman ang kaba sa loob ko. Parang ngayon lang nag-sink in sa akin ang panganib na haharapin ko sa gagawin ko. Napalunok na lang ako habang pinapalakas ang loob ko.

"Oo, handa na," sagot ko kay Perce bago binalingan si Kael na manghang-mangha sa nakikita sa harapan niya. "Kael, babalik din ako kaagad." 

Nilingon ako ni Kael at nginitian niya ako. Kumpara sa naging pagtutol niya kanina nang sabihin kong papasok ako sa academy, ngayon, nang makitang totoo ngang sasamahan ako ni Perce, parang nawala ang pag-aalala niya. Sa ngiti niyang iyon, kahit papaano nabawasan ang kaba ko. Sa kabila ng mga nangyari noong nakarang araw sa pagitan naming dalawa, siya pa rin ang nagpapakalma sa akin. Nagbibigay ng lakas ng loob. Tulad ng dati. Palaging tulad ng dati.

"Hihintayin kita rito, Ellis," sagot ni Kael. “Mag-iingat kayo.”

Tinanguan ko siya bago ibinalik ang tingin sa portal. Humugot muna ako ng malalim na hininga bago humakbang patawid sa portal. Nang tuluyan akong nakatawid, binati ang paningin ko ng purong kadiliman at nakabibinging katahimikan.

Nanatili akong nakatayo sa kinatatayuan ko at hindi gumalaw. Wala akong makita, at hindi ko maramdaman ang presensya ni Perce o ni Bryan Wale. Pati si Caberios, ni hindi ko naririnig ang malalim niyang boses na palaging unang bumabati sa akin kapag napupunta ako rito. Hindi na ako nag-abalang gamitin ang kapangyarihan ko para magkaroon ng liwanag sa lugar na ito. Sinubukan ko itong gamitin noong pumunta ako rito para humingi ng kasagutan sa nangyari kay Bryan Wale pero hindi ito gumana. Hindi ko rin alam kung bakit.

May bigla na lang humawak sa balikat ko. Sisigaw na sana ako dahil sa gulat nang takpan ng kung sinuman ang bibig ko.

"Ako 'to," sabi ng taong lumapit sa akin. Nang makilalang si Perce ang may-ari ng tinig, nakahinga ako nang maluwag.

Inalis na rin niya ang pagkakatakip sa bibig ko saka hinawakan ang braso ko. Nagsimula na siyang maglakad kaya sumusunod lang ako sa kanya. Parang nakikita niya ang nilalakaran niya, maging si Bryan Wale na naramdaman kong nakasunod lang sa amin.

"Hi, Ellis!"

Napahinto ako nang marinig ang malalim na boses na iyon. Mukhang malapit lang sa amin si Caberios kasi napakalakas ng boses niya. Napangisi na lang ako nang mapagtantong nahuli siya sa pagbati sa akin ngayon.

"Caberios," tugon ko at nagpatuloy na sa paglalakad, pati si Perce na gumigiya sa akin.

Narinig ko na lang ang malakas na pagtawa ni Caberios. "Alam mo na ang pangalan ko, binabati kita!" tuwang-tuwang sabi niya at muling tumawa.

"Manahimik ka nga, Caberios. Nakaririndi ang boses mo," sabat ni Bryan Wale.

"Galit ka pa rin ba sa akin, kaibigan? Masama ang magtanim ng galit sa taong tumulong sa iyo!"

She is the Light (BOOK 1-3)Where stories live. Discover now