1| Chapter 8: I Know Your Secret

2.2K 75 0
                                    

NAMAYANI sa akin ang pangamba at labis na pagtataka dahil sa mga binitawan niyang mga salita. Paano niya nalaman ang pangalan ko? Alam niya rin ba kung sino ako? Bakit ako? Iyan ang nais kong itanong pero ngayong nasa harapan ko na siya, ang tangi kong nagawa ay tumitig sa sahig.

"Are you afraid of me?"

Napaangat ako ng tingin dahil sa narinig. Hindi ko inaasahan na magtatama ulit ang aming mga paningin kaya dali-dali kong iniwas ang tingin ko at hindi siya sinagot.

Matapos niyang magsalita at biglain kanina ang buong hall ay pumili na rin ang iba pa niyang kasama ng tuturuan nila. Isang babae na maikli ang buhok ang napili ni Flea Heberts. Isang lalaki naman ang napunta kay Yllor Friere. At ang huling lalaki naman ay napunta kina Ash at Zic. Pinaalala sa akin kanina ni Demi ang mga pangalan ng Class A kaya ngayon alam ko na.

Matapos din nu’n ay pinahiwalay na kami sa iba. Habang sila Sir Ron at Sir Senji ay tinuturuan ang ibang estudyante roon sa kabilang bahagi ng hall, kami naman ay kaharap ngayon ang Class A na magtuturo sa amin. Briefing pa lang ngayon para sa aming mga baguhan sabi ng guro namin kaya medyo gumaan ang loob ko. Hindi pa kasi ako handa na mag-ensayo.

"Are you afraid of me, Ellis?"

Sa pagtawag niya sa pangalan ko ay sinalubong ko na ang mga mata niya at mabilis na umiling.

Noong una, oo, nakaramdam ako ng takot dahil sa presensya niya. Pero ngayong kaharap ko na siya, nasa malapitan, hindi ko alam kung bakit hindi na ako natatakot sa kanya. Ang kinatatakutan ko lang ngayon ay ang posibilidad na alam niya ang pagkatao ko at ang abilidad ko. Pakiramdam ko rin kasi na marami siyang alam tungkol sa akin at dapat ko siyang layuan dahil mapanganib ang elementong hawak niya.

"Hindi ako natatakot sa ‘yo. Nagtataka lang ako kung bakit alam mo ang pangalan ko," mahina kong turan. Walang pag-aalinlangan ko siyang tiningnan. Nais ko ng kasagutan ngunit nagkibit balikat lang siya at tumingin sa akin sa walang emosyon niyang mga mata, tulad noong una ko siyang nakita noon sa cafeteria. Napaiwas na lang ako ng tingin.

Mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Nakakabingi. Kahit na maingay ang hall dahil nag-eensayo na ang iba, pakiramdam ko'y nabibingi ako sa katahimikan.

Ibinaling ko na lamang ang atensyon ko sa kumpol nina Demi. May hawak ngayong dalawang pirasong kahoy ang lalaking kaklase ko at hinahampas niya ito kay Demi, na siya namang naiilagan ng huli. Mabibilis ang mga galaw nila na kung hindi mo titingnan nang mabuti ay hindi mo makikita ang bawat galaw ng kamay at katawan nila. At habang pinapanood ko sila ay napansin kong nakakonekta pala sa kamay ng lalaki ang dalawang kahoy na ginagamit niya. Isang material shifter! Nakakamangha!

Napatingin naman ako sa kanan ni Demi. May hawak na pana si Taylor at naka-focus lang ang mata niya sa isang parisukat na tabla na may pulang bilog sa gitna. Ilang metro ang layo nito mula sa kanya. Pinagmasdan ko siya nang tuluyan niyang binitiwan ang pana at tuloy-tuloy itong lumipad patungo sa target niya. Napangiti ako nang sumapol ito sa gitna. Nakipag-apir pa siya kay Cheska na kasalukuyan ay nagpapahinga. Siya naman ay nakita ko kanina na nakikipagbunuan sa isa ko pang kaklase.

Hindi ko mapigilan ang aking pagkamangha. Hindi ko inaasahan na ang lalakas pala nila pagdating dito. Kasi kung titingnan mo sila ay para silang salamin na nakakatakot hawakan dahil parang kung mangangahas kang hawakan ay tila mababasag. Hindi nga dapat hinuhusgahan ang isang tao base sa panlabas na anyo.

‘You’re interesting.’

Halos mapahawak ako sa puso ko dahil sa gulat.

“Bakit ka ba nanggugulat? Tsaka bakit mo binabasa ang isip ko?!” Sa sobrang gulat ko ay tuluy-tuloy kong nasabi ang dapat ay nasa isipan ko lang. Huli na nang mapagtanto ko kung ano ang pinagsasabi ko. Tumaas pa medyo ang boses ko. Nakakahiya.

Napayuko ako dahil sa inasal ko at mahinang humingi ng tawad. Narinig ko naman ang tawa niya. Hindi ito gaanong kalakasan ngunit sapat na para marinig ko at maagaw nito ang atensyon ko.

Ba’t siya tumatawa? Nangti-trip ba siya?

"No, I'm not," daglian niyang sagot. 'You are different,' dugtong niyang sabi sa isip ko.

Wala sa sariling pinagmasdan ko siya.

Tres Cole.

Ano bang alam mo sa akin? Bakit parang kilalang-kilala mo ako? Nagkita na ba tayo dati? O dahil ba ito sa abilidad mo? Sino ka ba talaga? Kaaway ka ba o kaibigan? Kung tutuusin ay mapanganib ka dahil sa elemento ng dilim na dumadaloy sa katawan mo. Pagkasira at kamatayan ang dulot ng abilidad mo. Pero bakit pakiramdam ko ay may kakaiba sa’yo at ang tunay mong pagkatao ay nakakubli sa dilim na bumabalot sa’yo? Sino ka ba talaga, Tres Cole? Bakit ikaw ang nangunguna sa Class A? Ano pa ba ang alam mo tungkol sa akin?

"I can’t read your mind. You know how to do that trick now, huh?"

Napatawa naman ako sa isip ko dahil sa tanong niya. Kahit na walang emosyon siyang nakikipag-usap sa akin ay nararamdaman ko pa rin ang emosyong tinatago niya.

Nginitian ko lang siya bilang sagot. Pansamantala kong tinakpan ang isip ko para hindi niya mabasa ang daloy ng iniisip ko at ang mismong laman ng isip ko. Makakapagsalita pa naman siya sa isip ko ngunit tanging ang mga iniisip ko lang na gusto kong ipabasa sa kanya ang maaari niyang mabasa mula rito. Nalaman ko ang teknik na ito na kayang gawin ng mga element controller kahit hindi sila mind controller mula sa librong nabasa ko noon. Hindi ko nga inaasahang magagamit ko ito at tatalab ito, lalo na kapag kaharap ang mga taong mind controller at element controller— na may kakayahang makapagbasa ng isipan ng ibang tao kung susubukan nila at nanaisin nila. Nasubukan ko nang magbasa ng isipan ng ibang tao matapos kong malaman ang tungkol doon, sa isa kong kaklase na kasama ko sa library ng dati kong paaralan. Pero matapos kong subukan at matagumpay kong nabasa ang isipan niya, binagabag naman agad ako ng konsensya ko dahil mali ang ginagawa ko. Parang pinagkakaitan ko siya ng privacy niya. Kaya simula noon, hindi ko na sinubukan pang magbasa ng isipan ng ibang tao.

Muli kong pinagmasdan ang paligid. Ang ibang Class A ay abala sa pagpapaliwanag at pag-uusap-usap sa mga gagawin nila sa training nila. Ilang metro lang ang layo nila sa amin kaya kahit papaano ay naririnig ko ang usapan nila. Binalik ko naman ang tingin ko kay Tres Cole na ngayon ay abala sa paglalaro ng maliliit na bolang itim habang nakaupo sa sahig. Nais ko sanang magtanong tungkol sa magiging training ko at kung kailan mag-uumpisa ang pag-eensayo ko pero nahihiya akong kausapin siya.

'Let's start tomorrow. Condition your body first before you step inside the hall. Get it? And oh, it's gonna be tough. No excuses,' sabi niya sa isip ko, pero sa pagkakaintindi ko’y pinagbabantaan niya ako.

Tumayo siya at lumapit sa akin. Napaatras naman ako dahil doon. Humakbang pa siya papalapit sa akin ngunit ngayon ay nanatili ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung bakit ayaw gumalaw ng mga paa ko. Inilapit niya ang mukha niya sa akin. Dahil hindi hamak na mas matangkad siya sa akin ay yumuko siya hanggang nagkalebel ang mga mukha namin. Napatitig naman ako sa kanya, sa mga mata niyang walang buhay. Ano bang ginagawa niya? Ba’t ang lapit-lapit niya?

Bigla niyang kinanan ang ulo niya at bumulong sa akin. . .

"I know your secret, Ellis," tahimik niyang wika at bahagya siyang ngumisi.

Tuluyan na akong napaatras at nanlamig ang nanginginig kong mga kamay.

Paano? Nais ko sanang itanong iyan ngunit walang lumalabas na salita sa bibig ko.

Hindi ko namalayan na naglalakad na pala siya palabas ng hall at naiwan akong nakatayo habang nakahawak sa kaliwang braso ko.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon