1| Chapter 7: She is Mine

2.2K 85 1
                                    


'HMM. INTERESTING.'

Muli kong inilibot ang paningin ko sa kabuuan ng cafeteria. Lahat ay may kanya-kanyang ginagawa. Wala namang kahina-hinala at wala rin namang nakatingin sa akin.

"Tara na sa room. Baka ma-late tayo." Naagaw ni Cheska ang atensyon ko nang magsalita ito. Kaya tumayo na kami at lumabas ng cafeteria.

Bigla namang lumapit sa akin si Demi at bahagyang ibinigkis ang braso niya sa braso ko. Sandali akong naguluhan sa inakto niya pero may hinala na ako sa kung ano ang gusto niyang sabihin. "Ahm, Ellis. Tutal teleportation naman ang ability mo, pwede bang mag-teleport na lang tayo? Ang init kasi at ang layo ng room natin. Please…" Pinagdikit pa niya ang mga palad niya at ngumiti na parang bata.

"‘Wag mong pakinggan ‘yan, Ellis—"

"Oo nga, Ellis. Please?" gatong ni Cheska sa pangungulit ni Demi at binalewala ang pamimigil ni Taylor. Natawa ako sa inasal nila. Para silang mga bata.

Tumikhim ako. "Mahihilo kayo nang kaunti 'pag nag-teleport tayo. Ayos lang ba sa inyo?"

Ngunit parang walang narinig si Demi at tumango-tango lang siya.

Hay, bahala sila, binalaan ko na sila.

Naghawak kamay kaming apat. Pumikit ako at ilang segundo lang pagdilat ko ay nandito na kami sa harapan ng room namin. Si Demi ang unang bumitaw at nangangapang napatukod sa pader. Sumunod naman sina Cheska at Taylor.

"Ayos lang ba kayo?" nag-aalala kong tanong. Gusto ko sanang matawa kasi hindi na maitsura ang mga mukha nila pero pinigilan ko ang sarili ko baka mabatukan nila ako nang wala sa oras. Binalaan ko sila kaso hindi sila nakinig kaya ayan ang nangyari.

"Parang umikot saglit ang paligid... Grabe ka, Ellis! Sana sinabihan mo man lang kami na may side effect pala 'yong teleportation," nakangusong reklamo ni Demi habang ibinabalanse ang katawan sa pagtayo. Maging sina Cheska at Taylor. Ginawaran ko na lang sila ng maliit na ngiti at humingi ng tawad.

Hindi ko pa kasi nahahasa itong abilidad ko. Noong minsang nag-teleport kami ni Kael ay panay rin ang pagreklamo niya dahil sa nakakahilong pakiramdam na epekto nu’n kahit maikli lang ang distansya ng tineleport namin. At dahil apat kaming nag-teleport ngayon kaya mas malakas ang epekto ng pagkahilo. Ngunit sila lang ang makakaramdam nu’n dahil may sariling resistance ang katawan ko sa epekto ng abilidad ko. Base sa mga nabasa kong libro, ang mga may abilidad ay may sari-sariling body resistance mula sa epekto ng mga sarili nilang abilidad kaya hindi sila natatablan o naaapektuhan ng negatibong epekto ng mga abilidad nila.

Nang makabawi na ang mga katawan nila sa pagkahilo ay pumasok na kami sa loob ang silid. Kaunti pa lang ang mga kaklase namin na nandoon sa loob at wala pa naman ang guro namin.

Napailing na lang ako bago umupo sa silya ko. Basta baguhan ka talaga, hindi maiiwasan ang mga matang nakamasid sa ‘yo. Tulad ngayon. Ngunit hindi ko na lang pinansin iyon at nakinig na lang ako sa kwentuhan ng mga katabi ko.

NATAPOS ang pang-umaga kong pasok nang maayos. Dahil kaklase ko silang tatlo ay nawala ang takot at pagkailang ko. Siguro kung sa ibang section ako napunta, ewan ko na lang kung anong mangyayari sa akin.

Ibang-iba kasi ang mga taga-bayan sa katulad kong taga-baryo. Nakikita ko ang panghuhusga sa mga mata ng iilan sa kanila. Nais ko sanang sabihin na pare-pareho lang naman kaming mga tao at mamamayan ng aming bayang Gilmoré Brindaley kaya wala silang karapatang maliitin ang tulad ko. Ngunit mas minabuti ko na lang na itikom ang bibig ko para na rin sa ikatatahimik ng buhay ko rito sa paaralang ito.

Matapos naming mananghalian, napagdesisyunan naming bumalik muna sa dorm upang magpalit ng pang-activity na kasuotan. Ang panghapong klase namin ay para lang sa pag-eensayo. Physical Combat ang tawag nila rito. Bukod sa pinapataas ang lebel ng abilidad namin ay tuturuan rin kami kung paano makipaglaban.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon