2| Chapter 24: Bad Dream

126 10 0
                                    

“KAEL!”

Napabalikwas ako nang bangon habang habol-habol ang hininga. Rinig na rinig ko ang kalabog ng puso ko at nanlalamig ang buong katawan ko dahil sa kaba. Naihilamos ko na lang ang mga palad ko sa pawisan kong mukha nang mapagtantong panaginip lang pala iyon. Parehong panaginip noong nakaraang mga gabi. Isa iyong bangungot, at naroon na naman si Kael sa masamang panaginip na iyon.

“Tulong! Tulong!”

Mariin kong iniling-iling ang ulo ko para mawala ang boses ni Kael sa isipan ko.

“Panaginip lang, Ellis. Panaginip lang iyon. Walang masamang nangyari kay Kael,” paulit-ulit kong bulong sa sarili ko. Idinaop ko ang mga kamay at ipinatong doon ang ulo ko. Nanatili ako sa ganoong posisyon hanggang sa kumalma ako.

“Anak, gising ka na pala. Halika, mag-almusal na tayo. Maaga akong nagising kaya sinaglitan kong bilhin sa pamilihan ang paborito mong tinapay. Mainit-init pa ito, bagong hain pagbili ko kanina.”

Inangatan ko ng tingin si Nanay na kapapasok lang ng kwarto. Dumeretso siya sa maliit na mesa at inilapag doon ang isang supot ng tinapay. Nakahain na rin ang sinangag na kanin at pritong itlog. Nang makita ito, saka ko lang nabigyang pansin ang amoy ng ginisang bawang na naiwan sa hangin na pumapalibot sa kwarto.

“Salamat po, ‘nay.” Pinasigla ko ang boses ko at malawak siyang nginitian. Ayokong mag-alala na naman siya sa akin kapag nakita akong matamlay.

Tumayo na ako at binuksan ang mga bintana. Sandali kong ninamnam ang malamig at sariwang hangin na pumapasok sa kwarto. Sariwa pa ang hangin tuwing umaga dahil hindi pa nagsisimula ang pagsusunog ng halamang gorse sa pali-paligid. Maya-maya nito, mausok na naman ang buong baryo kaya sirado na ang bintana namin hanggang maggabi.

“’Nak, kumusta nga pala si Ginang Gracia? Sumasakit pa ba ang likod niya?”

Umupo ako sa kaharap na upuan ni Nanay bago tumango-tango. “Maayos na po ang pakiramdam niya kahapon, ‘nay. Ang galing n’yo raw pong magmasahe sabi ni Lola Gracia,” sagot ko at nagsimula nang kumain.

“Ay, naku, hindi naman,” natatawang sabi ni Nanay. “Mabuti naman at ayos na siya, ‘nak.”

Sa lumipas na mga araw, naging malapit sa isa’t isa sina Nanay at Lola Gracia. Madalas dumaan si Nanay sa tindahan ng herbal kaya nagkakausap sila ng matanda. Kung saan-saan nga napupunta ang kwentuhan nila.

Nakahanap na kasi ng pagkakaabalahan si Nanay. Nagbabalat siya ng mga sibuyas at bawang na ginagamit ng isang kainan. Malapit lang ang kainan sa tindahan ng herbal kaya nadadaanan niya ito. Sa bahay niya lang ito ginagawa pero kailangan niyang ihatid sa kainan ang nabalatan na tuwing umaga at babalik naman siya sa bahay na may dalang panibagong babalatan. Hindi ko na rin siya napigilan nang sabihin niyang nabuburyo na siya dahil wala siyang ginagawa.

Matapos kumain, naligo na ako at naghanda para pumasok sa trabaho. Dala ko ang bag ng binalatang sibuyas habang naglalakad patungo sa tindahan ng herbal. Mabigat ito kumpara sa bag ng bawang kaya ako na ang nagdala. Kukunin lang ito ni Nanay mamaya pagdaan niya.

“Magandang umaga ho, Lola Gracia,” bati ko sa matanda pagkapasok ng tindahan. “Ako na ho ang magwawalis, Lola.”

Hindi na siya nakipagtalo at inabot agad sa akin ang walis. “Nag-almusal ka na ba, hija?” malumanay na tanong niya habang nakangiti.

“Oho, Lola Gracia. Kayo ho ba? May ipapabili ho ba kayo?”

“Tapos na rin akong kumain, hija.” Tinuro niya ang likuran ko. Sinundan ko naman ito ng tingin. “May tinapay roon sa mesa. Kumuha ka lang kapag nagutom ka, ha.”

She is the Light (BOOK 1-3)Where stories live. Discover now