2| Chapter 1: New Beginning

572 26 0
                                    

PIKIT MATANG hinanap ko ang balanse ng katawan ko. Buhat-buhat ko sa dalawang kamay na nakataas sa ibabaw ng ulo ko ang mas lalong bumibigat at lumalaking bola ng enerhiya.

Dahil hinayaan kong malayang dumaloy ang enerhiya sa katawan ko palabas ng mga palad ko, hindi ko na makontrol ang kapangyarihan ko. Patuloy itong dumadaloy palabas at hindi ko alam kung paano ito pahihintuin.

Ramdam ko na ang unti-unting pagnginig ng tuhod ko sa panghihina. Inuubos ng enerhiyang kumakawala sa akin ang natitira kong lakas. Nangingibabaw rin ang kirot sa makabila kong mga palad. Parang hinihiwa ng mga hibla ng enerhiya ang balat ko. Gusto kong sumigaw sa sakit at kawalan ng pag-asang hihinto pa ito pero pinigilan ko ang sarili.

Kailangan kong tiisin. Kailangan.

“I told you to concentrate, Ellis! You are the one who must control your power and not the other way around. Breathe. Relax. Think of a way to control your power!”

“S-sinusubukan ko… pero hindi ko pa talaga kayang kontrolin ang kapangyarihan ko.” Sa kabila ng paghihirap ko, nakuha ko pa siyang sagutin.

Napadaing ako nang maramdamang napilas ulit ang mga palad ko. Masakit. Nakapanghihina. Mas bumigat ang nabuong enerhiya sa ibabaw ng mga kamay ko kaya lalong umigting ang pangamba at takot ko. Baka bigla na lang itong sumabog. Higit dalawang buwan na mula nang magsimula akong mag-ensayo sa pagpapalabas ng kapangyarihan ko nang natural at kontrolin ito. Pero ngayong sobra-sobra na ang enerhiyang inilalabas ng katawan ko, hindi ko na alam kung paano kontrolin ito.

“Ellis, don’t give me that look. You want this, right? Gusto mong makontrol ang kapangyarihan mo, ‘di ba? So, make it possible! Concentrate!” pangangaral pa ni Tres, parang walang balak na tulungan ako para patigilin ang paglabas ng kapangyarihan ko.

Minsan talaga napakahigpit niya sa akin. Kulang na lang patayin niya ako sa hirap ng mga ipinapagawa niya.

Hindi na lang ako sumagot at pilit inayos ang pagtayo. Ngalay na ngalay na ang mga paa ko, lalong-lalo na ang mga braso, pero tiniis ko iyon. Pumikit ako at kinalma ang nagwawala kong isipan dahil sa nararamdaman kong pangamba at labis na sakit ng katawan.

Tulad ng sabi niya, pinilit kong mag-concentrate. Ang tanging iniisip ko lang ay tama na, tigil na. Hindi ko alam kung papaano ko ito kokontrolin dahil ito ang unang beses na sobra-sobra ang enerhiyang inilalabas ko.

“Be in command of your power, Ellis. It’s all in your mind!”

It’s all in your mind!

It’s all in your mind!

Parang sirang palakang nagpaulit-ulit sa isipan ko ang huling sinabi niya. Kaya kahit hindi sigurado, inutusan ko ang isipan kong ihinto na ang pagdaloy ng enerhiya pataas at higuping muli ang lahat ng enerhiyang namuo sa mga palad ko. Ngunit hindi iyon nangyari. Imbes na mabawasan, bumigat pa lalo ang pinapasan kong enerhiya.

Malapit na akong mawalan ng balanse nang sa isang iglap ay nawala na parang bula ang bola ng enerhiya. Gumawa ng mahinang pagsabog ang paglukob ng itim na enerhiya sa puting enerhiya bago ito naglaho sa ere. Nanghihinang napaupo ako sa damuhan habang habol-habol ang hininga.

Tahimik akong nagpasalamat nang tinulungan na ako ni Tres. Nakahinga rin ako nang maluwag.

Kayang i-nullify ng Darkness Controller at Light Controller ang kapangyarihan ng isa't isa. Pero sabi ni Tres, kapag napasaakin na raw ang buong porsyento ng kapangyarihan ko at magagawa ko nang kontrolin ito, mas malakas pa raw ako kesa sa kanya at sa lahat ng Dark Element Users.

Mabilis kong inalis sa pagkakatukod ang mga palad ko nang makaramdam ng hapdi at agad itong tiningnan. Ang daming sugat! Hindi ko man lang napansin na nagdurugo ang mga sugat. Kumikirot ito pero mukhang hindi naman kalaliman.

She is the Light (BOOK 1-3)Where stories live. Discover now