1| Chapter 1: Letter of Departure

5.2K 115 2
                                    

NAGLALAKAD ako sa maputik na daan. Alas otso pa lang ng umaga ngunit makulimlim na ang kalangitan. Nagsisimula nang umambon pero nagpatuloy lang ako sa paglalakad at hindi nag-abalang sumilong muna para hintaying tumila ito. Walang oras na dapat aksayahin. 

Sa pagliko ko sa kanan, natanaw ko na ang maliit na pamilihan ng aming baryo. Dumiretso ako sa tindahan ng mga karne, sa pwesto ni Mang Jo.

“Mang Jo!” hingal na tawag ko sa may katandaang lalaking kasalukuyang abala sa pagkukudkod ng yelo. “Magandang umaga ho.”

“O, ikaw pala ‘yan, Ellis— Naku! Mabuti’t may nahuli ka, hija!"

Inilapag ko sa bakanteng mesa ang isang nag-aagaw buhay na usa. Nagpakawala ako ng ilang malalalim na hininga hanggang nawala ang hingal ko, at saka ginalaw-galaw ang ngalay na balikat. “Ito ho ang nahuli ko sa pangangaso kanina, 'Nong.”

Katamtaman lang ang laki ng nahuli kong usa, nasa bente singko kilos mahigit. Mabigat, pero dala na rin marahil na nakasanayan ko nang magbanat ng buto para magkapera, nakayanan kong pasanin ito mula sa kakahuyan patungo sa pamilihan.

“Kukuha na sana ako ng karne sa katayan, paubos na kasi ang karne ko rito sa pwesto, eh.” Maigi niyang ininspeksyon ang usa at tinimbang ito. “Ayos na ‘to, malaman-laman din. Ito ang bayad, hija.” Inabutan niya ako ng dalawang daang piso na malugod kong tinanggap.

“Salamat ho, Mang Jo. Baka ho mangaso ulit ako bukas, dadalhin ko rin ho rito ang mahuhuli ko.”

Tumango siya. “Aasahan ko iyan, Ellis!”

Habang inilalagay ko sa bulsa ang kita ko ngayong umaga, napansin kong napalingon-lingon si Mang Jo sa paligid, tila may hinahanap.

“Nga pala, nasaan si Kael? Hindi mo siya kasama? Mag-isa ka lang bang nangaso kanina?” tanong niya.

“Oo ho, ‘nong. Nasa kabilang bayan ho si Kael. May inutos ho kasi ang nanay niya kanina. Mamaya pa siguro ang balik niya rito sa baryo,” nakangiti kong sagot sa nakakunot-noong matanda. “Sige ho, Mang Jo! Mauuna na ho ako. Salamat ho,” dugtong ko at kumaway upang magpaalam.

Tinanguan naman niya ako pabalik. "Bilisan mo nang umuwi, hija. Mukhang palakas na ang ulan."

Nagsimula na akong maglakad pauwi ng bahay, mabibilis at mahahaba ang bawat hakbang. Unti-unti na ngang lumalakas ang ulan. Basa na ang buhok at damit ko, putikan na rin ang pares ng puting tsinelas na suot ko. Idagdag pang narumihan na rin ang suot kong padyama dahil sa putik na tumatalsik sa paanan ko. . .

Ngunit sanay na ako sa ganito.

Tuwing katapusan ng Mayo, na simula ng tag-ulan, hanggang Hulyo, ganito palagi ang nangyayari sa baryo namin, ang Barrio 7. Kaunting ulan, mapupuno na ng putik ang daan. Sa madaling salita, hindi sementado ang mga kalsada sa baryo namin. Hindi ko alam kung bakit walang aksyon na ginagawa ang mga namamahala sa bayan ng Gilmoré Brindaley para sa mga suliranin sa lugar namin. Hindi naman siguro sapat na dahilan na malayo ang baryo namin sa bayan kaya wala silang ginagawa para sa ikaaayos ng aming lugar.

Bukod sa medyo liblib ang aming baryo, kagubatan din ang dulo nito. Doon ko inilalaan ang oras ko sa panghuhuli ng mga ligaw na hayop at ibinibenta ko iyon sa pamilihan, para kahit papaano ay makatulong sa gastusin sa bahay. Hindi naman pupwede na iasa ko na lang ang lahat sa aking ina na nagtitinda rin sa maliit naming pamilihan ng mga naaani naming gulay sa maliit naming sakahan. Kaso dahil masama ang panahon simula pa kaninang madaling araw, hindi na muna nagtinda si Nanay. May sinat din kasi siya kaya minabuti na lang niyang magpahinga sa bahay. Mahigit isang linggo pa bago magpasukan kaya maari ko itong gawin para magkapera kahit kaunti.

Lumiko ako patimog kung saan naroon ang aming bahay. Nasa dulo ito ng baryo, malapit sa kagubatan. Ang aming baryo ay hindi pa ganoong kasibilisado kumpara sa ibang baryo. Maliit lang ang bilang ng populasyon dito kaya hindi ganoon karami ang mga kabahayan at puro nagtataasang mga puno ang nakapaligid dito. Ang pamilihan ang sentro nito, nasa hilagang bahagi ang paaralan samantalang nasa kanluran naman ang punong bahay ng namamahala ng aming baryo.

She is the Light (BOOK 1-3)Where stories live. Discover now