Hindi na naman ako natutuwa sa kanya. Akala ko tapos na kami sa ganito pero hindi pa pala. Dahil lang nalaman niya na si Quentin ang first kiss ko noon? Ang tagal-tagal nang nangyari 'yon at wala naman 'yong malisya pero parang bakit gano'n 'yung pinapamukha niya sa'kin..

"Oo, masaya ako kapag kasama ko siya," sagot ko. "Naging mabait siya sa'kin noong mga panahong magkasama kami sa play, hindi siya mapagmataas kahit na malaki ang agwat ng estado namin sa buhay kaya naging magkaibigan kami."

Nag-iwas siya ng tingin nang marinig ang sinagot ko, nagsalita ulit siya pero mas mahina.

"Masaya ka rin naman kapag kasama mo ako," tila bulong niya sa hangin. "Pero iba 'yung kislap ng mata mo kapag tumitingin ka sa kanya, hindi katulad ng ngiti mo kapag kasama mo ako o si Miggy."

"Poknat—"

"Hindi mo ba ako kayang magustuhan? Hindi mo ba ako kayang hintayin?" tumingin na siya sa'kin at nangungusap ang mga mata niya.

Diyosmiyo, umagang-umaga bakit ganito ang bubungad sa'kin? Bakit ba pinapakomplikado niya palagi lahat? Akala ko tapos na kami sa ganito, naging okay na kami, tapos ganito na naman?

Muli akong humugot nang malalim na hininga, wala akong rason para magalit kaya naman pinilit kong maging kalmado.

"Bakit ba lahat kayo ganyan? Sila Aiza, Burma, puro ganyan ang nasa isip niyo—"

"Anong ganyan?" maang na tanong niya.

"'Yang ganyan, 'yang pag-ibig na 'yan, kasi sa totoo lang hindi ko alam, ano bang dapat kong gawin? Gusto ko lang naman maging simple ang hayskul life ko pero bakit ba gusto n'yong maging komplikado?" hindi ko namalayan na bakas ang hinanakit at pagod sa boses ko. "Minsan hindi na rin ako natutuwa sa tuwing may binabatong malisya sa'kin ang mga kaibigan ko, kaya naman please Poknat..."

Umiling siya na para bang nadismaya sa mga sinabi ko.

"Hindi... Hindi mo ako naiintindihan," sabi niya. "Gusto ko lang malaman kung kaya mo rin ba akong magustuhan, kung kaya mo rin ba akong tingnan na may kislap sa mga mata mo."

Natameme ako nang marinig 'yon mula sa kanya.

"Bata pa lang tayo... alam mo na ikaw lang ang gusto ko," sabi niya sabay ngiti, pero alam mo 'yun parang hindi siya masaya. "Siguro nga sa ngayon hanggang dito lang talaga ako. Sorry, Ming! Nadala na naman ako ng emosyon, wala nga pala akong karapatang magselos."

Poknat... Hindi ko alam kung anong dapat isagot sa kanya kaya nanatiling tikom ang bibig ko.

"Sige, kitakits sa school," sabi niya sabay kaway at saka siya naglakad papalayo. Hindi ko alam kung saan siya pupunta dahil ito lang naman ang sakayan papuntang eskwelahan. Wala akong ibang nagawa kundi tanawin siya palayo.

Na-late ako sa school sa ikalawang pagkakataon. Naabutan ako ng rush hour, walang masakyan, tapos ayon hindi ako nakaabot kaya napagsaraduhan ako ng gate. Hindi ko naman dinamdam 'yung pagkakalate at mabuti na lang din ay hindi terror ang teacher namin sa first subject. Hindi ko alam kung pumasok ba si Poknat.

Sumapit ang lunch break at as usual ay magkakasabay kaming apat. Ako, si Aiza, Burma, at Honey. Speaking of Honey, gano'n pa rin naman siya, 'yung normal na Honey na palaging busy sa pagtetext at tahimik, sumasagot paminsan-minsan pero madalas ay para lang siyang emo.

Kahit na nuknukan pa rin ng hyper at kulit si Aiza at Burma ay damang-dama ko na gustung-gusto nilang intrigahin si Honey tungkol sa nangyari noong weekend sa birthday ni Burma. Pakiramdam ko nga'y hinihintay lang nila si Honey magkwento pero buong maghapon kaming naghintayan at wala ni isa sa amin ang nagtangkang magbukas ng topic.

Dalaga na si RemisonWhere stories live. Discover now