CHAPTER 16.2 (FINALE)

415 18 2
                                    

Makalipas ang dalawang linggo...

"ITO NA ba ang Oloybuwaya?" tanong ni Juancho.

Tumingin si Inah sa kanyang Kuya Isidro. Napahinga sila nang malalim at tumango. Tumango-tango si Juancho habang nakatanaw sila sa isang nayon sa ibaba ng bundok na kanilang kinatatayuan.

"Sigurado ba kayo sa gusto ninyong gawin?" marahang tanong niya sa dalawang lalaki. Napag-usapan nila ang kanyang ama pagkatapos ng kanilang kasal ni Juancho sa Ygnacia isang gabing bilog ang buwan. Bago pa iyon, nang makabalik na sila ni Juancho sa Ygnacia, agad nilang sinabi sa mga nakatatanda ang plano nila. Suhestiyon iyon ni Juancho at agad niyang inayunan bilang respeto sa kanilang pangkat.

Ganoon din ang unang tanong ng mga ito: paano siya bilang tagapagbantay? Hindi na nakaangal ang lahat nang yumukod si Juancho sa buong pangkat ng mga bampira at sinabi: "Humihingi po ako ng basbas para mapangasawa ang tagapagbantaya ng tore ng Abagatan. Hindi ko siya kailanman pamimiliin sa dalawang bagay na parehong mahalaga sa kanya dahil ang isang taong nagmamahal, kahit kailan, ay hindi namimilit, hindi makasarili at marunong maghintay. Handa akong maghintay sa labas ng tore at manilbihan bilang tagapagbantay ng buong Ygnacia sa labas niyon... sana ho ay pagbigyan n'yo ako sa kahilingang makaisang-dibdib si Inah...

Sinegundahan iyon ng kanyang Kuya Isidro. Nais din nitong manilbihan bilang pagtanaw ng utang-na-loob sa naging paggaling nito. Ang mga tao ay tuluyang nakabalik na sa kanya-kanyang pamilya at ang kuya na lamang niya ang nanatili roon.

Ang isa pang nakakagulat sa kanya ay sina Kremes at Razo. Kung ang isang lobo ay nakaisip na maging tagapagbantay ng Ygnacia sa labas ng harang, dapat daw ay may makasama itong bampira. Nagboluntaryo ang magkapatid. Bilang mga anak ng Maylikha ng Ygnacia Escondido ay sinuportahan nila ang suhestiyon ni Juancho na dapat ngang mayroong mamalagi sa labas ng tore na maaaring makalabas-masok. Ang magkapatid na Estacion lamang ang nabigyan ng pribiliheyo dahil anak ng Maylikha ang mga ito.

Nagulat silang lahat sa idineklara ng magkapatid. Halos sumabog na ang puso ni Inah sa labis na saya dahil ginawa ni Juancho ang lahat magkaroon lamang sila ng koneksiyon. Maluha-luha siya nang magsipag-ayunan ang mga bampira at agad na itinakda ang kanilang simple at mabilisang pag-iisang dibdib. Lalong nakadagdag sa kanyang kasiyahan ang sinabi ni Juancho: madalas itong magpapadala ng sulat kina Kremes at Razo kapag babalik ang mga ito sa Ygnacia upang maghatid ng balita. Nangako din siyang ganoon ang kanyang gagawin. Ang mahalaga ay magkakaroon na sila ng komunikasyon at kontento na siya roon.

Hindi pa rin nakakarating sina Roma at Emma sa Ygnacia Escondido. Gayunman, alam ni Inah na malapit na ang araw na iyon at habang hindi pa iyon dumarating ay sasamantalahin na niya ang pagkakataong makasama si Juancho. Sa loob ng ilang araw ay magkatuwang sila sa digmaan. May mga pagkakataong tumutulong ito sa panggagamot at nagbibigay ng impormasyon sa ilang kaalaman nito para sa paggawa ng mga bagong sandata laban sa mga lobo. Ilang beses nilang napatunayang epektibo at malaking tulong iyon.

Sa kabilang dako, pagkatapos silang ikasal ni Juancho ay nabanggit niya ang kanyang ama. Nalulungkot pa rin siya tuwing naaalala niya ang sinapit ng ama at agad itong nagdesisyon: habang naghahanda pa ang mga imortal sa digmaan ay pupuntahan nila ang Oloybuwaya at ito raw mismo ang babawi sa ulo ng kanyang ama.

Nais din ni Juancho na magkaroon ng katahimikan ang kanyang ama at maisaayos ang pagkakalibing nito. Sinabi nito ang plano sa Kuya Isidro niya na agad ding pumayag. Natutuwa siyang makitang magkasundo ang dalawa. Mayroon na raw itong plano kung paano kukuhanin ang ulo. Gayunman, nang tanungin niya ito ay hindi ito kumikibo at nginingitian lamang siya. Ang gawin na lamang daw niya ay manood. Hayaan na lamang daw niya ito dahil gusto raw nitong gawin iyon para sa kanya.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ