CHAPTER 5.2

201 12 0
                                    

"MUKHANG napatay mo na ang isang tagapagbantay. Magaling, Juancho," salubong ni Bagwis.

Bumaba si Juancho ng kabayo at dere-deretsong pumasok sa lumang kastilyo. Agad siyang nagtungo sa laboratoryo at kung ano-ano ang binutingting niya roon. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang aliwin ang sarili.

Dahil nakadama siya ng kakaibang uri ng kalungkutan nang palayain niya si Inah. Pagkatapos niyang ihatid ang babae sa di-kalayuan ng base nito'y pinigilan niya nang todo ang sariling pigilan ito. Iyon ang sa tingin niyang tamang gawin dahil hindi naman niya matagpuan sa sarili ang masidhing kagustuhang patayin pa ito. Oo at nandoon ang galit ngunit hindi niya magawa iyon. Nauuwi sa pag-aalala ang galit niya dahil sa aksidente nito at sa nangyari sa pamilya nito.

Pero sa pagkawala ng dalaga, dama niya ang malaking kakulangan. Bumalik siya yungib. Ilang araw siyang nanatili roon. Hindi niya maunawaan ang sarili. Saglit lang silang nagkasama ni Inah at wala pa silang ginawa noong una kundi ang magsagutan. Gayunman, natagpuan niya sa sarili kung ano ang hinahanap niya kay Inah: ang iilang beses na pagngiti nito na agad na tumatak sa isip niya, ang katapangan nitong harapin siya at ihingi ng tawad ang mga nagawa nito.

Isa iyon sa mga tumunaw ng kanyang galit. May kinalaman din doon ang sinabi nitong aksidente ang lahat. Pinahupa niyon ang galit na nadama niya at napaisip siya. Hindi niya nakita ang anggulong iyon at nagbase lamang siya sa salaysay ni Herna. Bagaman hindi niya maaaring basta paniwalaan ang sinabi ni Inah ay hindi rin niya maaaring itapon na lamang basta ang impormasyon kaya sisiguruhin niya ang bagay na iyon.

Napahinga siya nang malalim at hinagod niya ang buhok. Tama ang kanyang sapantaha. Gusto na niyang iuntog ang kanyang ulo dahil hindi pa rin niya magawang iwaglit kahit saglit lang si Inah sa kanyang isip. Kung maayos na ba ito ngayon at kung naiisip din siya nito. Naiinis pa ba ito sa kanya? Napapangiti din ba ito?

"Ano'ng problem?" untag ni Bagwis, kinuha ang hawak niyang bote sa kamay. Hinarap siya ng lalaki at tinitigang maigi. Halos hindi na niya napansin ito dahil sa kakaisip kay Inah.

Tinitigan din niya ang lalaki. "Nakawala ang tagapagbantay. Natakasan niya ako," pagtatakip niya.

Napamura si Bagwis at galit na ibinato ang bote sa pader. Bago pa bumagsak ang bubog niyon sa semento ay naisalya na siya nito, nakalabas na ang pangil. Nagbabadya ng pagbabagong-anyo. Maging ang kulay ng mga mata nito ay tumingkad. Tila lalo pang lumaki ang mga iyon ngunit hindi siya nagpaapekto. Sanay siyang makakita ng galit na lobo at manhid na siya.

"Napakainutil mo!" asik nito sa kanya habang naglalaway. Nagpakawala ito ng galit na ungol.

Hinawi ni Junacho ang kamay ng lalaki saka itinulak. Hindi siya natatakot dito. Hindi siya uurong kung magbabakbakan sila. Nag-iinit din ang ulo niya sa pag-uusisa nito. Hindi niya nagustuhan ang pagtatanong nito na tila isang ordinaryong hayop si Inah para patayin niya nang ganoon na lamang.

"Huwag mo akong pakialaman. Gawin mo ang utos sa 'yo ng kamahalan, ako ang bahala sa tagapagbantay," mariing saad niya at hinaklit ang lalaki sa kuwelyo. "Huwag mong sabihing ikaw ang pinuno rito. Diskarte ko ito!" asik niya rito saka marahas na binitawan ito.

"Napakalayo mo kay Enrique," nakakalokong saad ni Bagwis sa kanyang likuran. "Kung ikaw ang namatay, siguradong matagal nang pinaglalamayan ang tagapagbantay."

Natawa si Juancho nang bahaw. Sabihin na ni Bagwis ang gusto nitong sabihin pero alam niyang kapareho lamang niya ang kanyang kapatid. Oo at isang magiting na kawal ang kapatid niya, idagdag pang mainitin ito sa digmaan, pero alam niyang hindi rin ganoon kasama ang kapatid niya.

"May nakapagsabi sa aking inatake ang tribu sa Ilaya. Lobo ba ang may gawa niyon?" malamig na tanong niya at tinitigan si Bagwis. Humigpit ang dibdib niya sa kakahintay sa sasabihin nito.

Nginisihan siya ng lalaki. "Digmaan ito, Juancho. Madadamay ang mga hindi dapat na madamay."

Naikuyom ni Juancho ang kamay pag-alis nito. Ngitngit na ngitngit siya at nahahabag kay Inah. Oras na malaman nito iyon, siguradong ikasasama nito ng loob iyon. Ilang beses na kinalma niya ang sarili. Kailangang maipalam niya ang lahat kay Inah.

Pero paano?

"Ang alam ko, may mga nabuhay sa digmaang iyon, Juancho. Bakit? May hinahanap ka bang tao?"

Napatingin siya kay Tata Mendong. Nakatingin din ito sa kanya at nakalarawan ang takot sa mga mata nito. Marahil, itinatago nito ang nalalaman sa lahat. Ngayon lang ito nagbigay ng impormasyon sa kanya maliban sa mga proyektong kanilang ginagawa. Napaharap siya rito. "May alam kayo?" pigil-hiningang tanong niya.

Huminga ito nang malalim. Lalo itong lumapit sa kanya para hindi marinig ng kanilang mga kasamahan ang pag-uusapan nila. "Ang alam ko, si Enrique ang inatasang humarap sa mga tao. Kaunti lamang sila. Wala pang sampu. Hindi ko alam kung saan dinala ni Enrique ang mga tao..." Umiling ito. "Hindi mo ito alam dahil nagpunta ka sa Barcelona para sa mga dugo ng mga patay na tao na ihahalo natin sa pasabog. Si Bagwis, hindi ko gusto ang ibang gawain niya."

Nanlumo si Juancho sa narinig. May kinalaman nga ang kapatid niya! Nagtiim ang kanyang mga bagang at napaisip siya, ano'ng nangyari kay Enrique? Mahigpit ang kanyang bilin dito na huwag mananamantala ng tao...

Nanghina siya at nakadama ng matinding hiya para kay Inah. Kung aksidente ang pagkakapatay nito sa kapatid niya, ang kapatid niya ang tiyak na may atraso rito.

Nanghihinang napahagod si Juancho sa mukha. Napaisip din siya sa plano ni Bagwis. Wala siyang nabalitaang kaugnayan nilang mga lobo sa tao. Lalong hindi gagawa ng paraan si Bagwis para ipagamot ang mga iyon kung sugatan man. Pangalawang bersiyon ito ni Sebastian sa kalupitan. Nasisiguro niyang hindi pagkakawanggawa ang dahilan ni Bagwis.

"Alam ba ito ni Herna?" tanong niya.

Tumingin si Tata Mendong sa paligid at umiling. "Ako lang ang nakarinig ng pinag-uusapan nila ni Enrique. Narinig ko na inutusan ni Bagwis si Enrique na ihatid ang mga tao. Wala raw siyang dapat na sabihan ng misyon. Narinig ko ang lahat dahil sa labas lamang sila ng pinto nito nag-usap. Akala nila, wala na ako rito pero hindi ako makalabas dahil nakaharang sila.

"Hindi niya sinabi ang lugar kaya nasisiguro ko, alam ni Enrique ang lugar na tinutukoy ni Bagwis," dagdag pa nito saka tinapik ang kanyang balikat. "Mag-iingat ka kay Bagwis. Habang tumatagal, nag-iiba ang ugali niya. Mas nagiging malupit siya at nawawalan ng rasyonal na pag-iisip..."

Napatango siya. Napansin din niya ang sinabi ng matanda at napahinga siya nang malalim. Kung anuman ang plano ni Bagwis ay aalamin niya. Hahanapin niya ang lugar na tinutukoy ni Tata Mendong. Baka sakaling buhay pa ang mga kaanak ni Inah. Sisiguruhin niya ang bagay na iyon para sa dalaga.

Kasunod na pinuntahan niya si Herna at nahabag siya rito nang makita niyang tulala ito. Napahinga siya nang malalim dahil habang tumatagal, lalong tumitindi ang depresyon nito. Sinubukan niyang kausapin ito upang alamin ang nangyari kay Enrique noon at sa sinabi ni Inah ngunit nanatiling tulala ito.

Sa huli'y napabuntong-hininga na lamang siya.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now