CHAPTER 14.2

173 17 0
                                    

"INAH, handa ka na ba?"

Huminga nang malalim si Inah at napatango sa tanong ni Divina. Muli niyang tiningnan si Juancho na tahimik pa ring natutulog. Hinawakan niya ang kamay ng lalaki at hinalikan iyon. Gusto niyang kahit paano ay maipabatid niya rito na hinding-hindi niya susukuan ito.

"Nakahanda na rin ang mga gagamitin mo sa ritwal," ani Kremes.

Hindi pa rin niya nilubayan ng tingin si Juancho. Naninikip ang dibdib niya sa kakapigil na maiyak ng sandaling iyon. Kailangan niyang magpakatatag para rito. Hinaplos din niya ang noo nito saka hinalikan.

"Magaling," sagot ni Divina at napahinga ng malalim saka siya binalingan. Naramdaman na lamang niyang ipinatong nito ang kamay sa balikat niya. "Inah, papalubog na ang araw. Kailangan na nating ilagay si Juancho sa kulungang rehas,"

Mariing ipinikit niya ang mga mata upang kontrolin ang damdamin. Ayaw niyang mangyari ang ganoon kay Juancho ngunit kailangan. Taas-baba ang kanyang dibdib hanggang sa napahinga siya nang malalim. Ilang sandali pa ay ginawaran na niya ng magaang halik si Juancho sa mga labi saka siya tumabi. Binigyan niya ng pagkakataon si Kremes na buhatin si Juancho at dalhin sa kulungan.

Sumunod sila ni Divina sa mga ito. Mariin niyang kinagat ang ibabang labi nang ipasok na si Juancho sa kulungang rehas na nasa likuran ng kubo ni Divina. Malaki iyon at kasya ang halos sampung tao. Ayon kay Kremes ay kinuha nito iyon sa isang taga-Tadian na nag-aalaga ng mga hayop. Ilang sandali pa ay inihiga na nito si Juancho roon.

Sinindihan naman ni Divina ang apat na kandila ilang metro ang layo sa kulungang rehas. Magkakalayo ang mga iyon at mukhang kalkulado ang distansiya. Mayroon nang mga nagawang malaking bilog si Divina at may mga isinulat itong mga simbolo na ito lamang ang nakakaunawa. Nasa loob ng bilog na iyon ang kulungan.

Hinawakan siya ni Kremes upang ilayo roon.

"Kailangan daw nating lumayo nang limang metro dahil maaari daw niyang masira ang rehas. Pero hindi siya makakalampas sa loob ng bilog ni Divina. Pangontra ito para hindi siya makalayo," paliwanag ni Kremes. Huminga ito nang malalim at tinapik ang balikat niya. "Magiging maayos din ang lahat."

Tumango na lamang si Inah sa pagbibigay nito ng lakas ng loob. Napahinga siya nang malalim nang makita niyang lumuhod si Divina. Napakapit siya sa braso ni Kremes nang may hukayin si Divina sa tapat ng niluhuran nito ilang distansiya mula sa bilog. Nakita niya ang isang garapon na inilabas ni Divina mula sa ilalim ng luha.

"Nakita ko siyang dinasalan iyan kagabi bago ibinaon. Naalala ko ang mga kuwento ni Ina noong mga bata pa kami tungkol sa kulam at mga barang. Pamaham daw ang tawag sa ganyan," anas na komento ni Kremes.

"P-pamaham?" anas ni Inah.

Tumango ito. "Ang mga ipis, gagamba o alupihan ay inaalihan ng mga masasamang espiritu at iyon ang ginagamit ng isang mambabarang para gawin ang kanyang misyon," paliwanag nito. "Ang sabi ni Ina, maraming paraan daw kung paano gagamitin ng mambabarang ang pamaham at ang ginagawa ni Divina ang isa..."

Nangilabot si Inah nang makita niyang isang mapanganib na gagamba ang nasa loob ng garapon! May kalakihan iyon, itim ang kulay at mabalahibo. Nakikita pa lamang niya iyon sa malayo ay tinatayuan na siya ng balahibo. Hindi siya matatakuting tao pero sa pagkakataong iyon, iba ang nadarama niya. Mukhang agad niyang nadarama ang itim na kapangyarihan ni Divina. Nilagyan nito ng puting sinulid ang isang paa ng gagamba saka muling ibinalik iyon sa loob ng garapon. Muli itong nagsalita sa wikang banyaga. Mukhang orasyon iyon upang pagtibayin pa ang pagpuputol nito ng sumpa.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα