CHAPTER 6

219 18 0
                                    

"Sasalubungin natin ang hukbo ng mga lobo sa hilaga. Ang ilan ay mananatili rito," mahigpit na bilin ni Kremes sa pangkat ng mga bampira na nakahanay sa harap ng base. Nakapaghanda na uli sila dahil nabalitaan nila ang pagsugod ng malalaking pangkat ng mga lobo.

Pagkaraan ng ilang sandali ay tinapunan siya ng tingin ng lalaki. "Sasama ka sa pangkat namin, Inah."

Agad tumango si Inah.

Lumakad na sila. Ilang oras silang nangabayo hanggang sa mamataan nila ang pangkat ng mga lobong papaatake. Gayunman, natigilan si Inah dahil tila nahagip ng tingin niya si Juancho. Tulad noong unang makita niya ito, nakapatong ang espada nito sa balikat ngunit dagli ring nawala. Tila dinaya lang siya ng paningin.

Naipilig ni Inah ang ulo. Iyon ang resulta ng labis na pag-iisip niya sa lalaki. Minsan ay inaakala niyang nakikita niya ito sa karamihan ng bampira. Alam niyang posible iyon dahil may gamit ito. Hindi tuloy niya maiwasang hindi mapakali dahil nag-aalala siya. Alam niyang oras na makita ng mga bampira si Juancho ay ikapapahamak nito ang bagay na iyon.

Maging ang mainit na halik na napagsaluhan nila ay hindi niya malimutan. Madalas siyang napapahawak sa kanyang mga labi at napapangiti; hindi niya mapigilan, dahil aaminin niyang mayroong hatid na ligaya sa kanya na mayroong isang lalaki na hindi natatakot na puntahan siya para makita lamang ang ngiti niya at balitaan.

Ilang araw na lamang ay magkikita na sila ng lalaki. Nasasabik na siya at nakaisip na ng magandang dahilan. Hindi pa niya masabi kay Kremes ang tungkol sa kanyang pamilya dahil nais muna niyang makasiguro sa lahat ng impormasyong sasabihin ni Juancho. Oras na malaman niya ang mga iyon ay hihingi siya ng permiso kay Juancho upang maipaalam siya kay Kremes.

Bilang alagad ni Kremes ay tungkulin niyang ipaalam iyon dito at bilang pinagkakatiwalaan ni Juancho ay nais niyang magkaroon ng basbas.

Umatake na sila. Napuno ng hiyawan ang buong kagubatan. Siya naman ay itinuon ang atensiyon sa digmaan. Alalay si Kremes sa kanya sa lahat ng pagkakataon. Nagpaulan siya ng mga bolang apoy. Nakipagtunggali siya gamit ang espadang bagong gawa na may kabigatan hanggang sa nabitawan niya iyon. Nanakit ang mga kamay niya at lumala ang mga sugat niya. Kitang-kita na niya ang pagdurugo ng mga palad.

"Inah—!" hiyaw ni Kremes.

Napatingin siya rito at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang isang malaking itim na lobong paatake sa kanya. Agad niyang ginawang bulalakaw ang sarili at bumagsak siya sa pinakamalayo at masukal na parte ng gubat. Malayo na sa kanyang pandinig ang mga alulong ng lobo.

Hingal na hingal na napaluhod na lamang siya at napatingin sa dalawang kamay. Muling nagsugat ang mga palad niyang ginamot ni Juancho noon at tila dumikit na ang tela sa kanyang mga balat. Napangiwi siya nang alisin niya ang telang nakabalot doon.

"Sinasabi ko na nga ba't mayroon kang nararamdaman. Hindi ka katulad ng dati kung makipaglaban."

Nabigla na lamang siya nang makita niyang mabilis na naglalakad palapit sa kanya si Juancho. Hingal na hingal din ito. Wala na itong pang-itaas nang sandaling iyon at gula-gulanit ang pang-ibabang saplot nito. Mukhang kagagaling lang nito sa transpormasyon. Pawisan ito ngunit hindi nakabawas iyon sa kaguwapuhan nito. Lalo itong naging simpatiko at lalaking-lalaki ang dating.

"Juancho..." anas ni Inah. Ang bilis-bilis ng tibok ng kanyang puso. Gusto niyang salubungin ng yakap ang lalaki ngunit pinigilan niya ang sarili.

Huminga ito nang malalim at lumuhod sa harap niya. Maingat na hinawakan nito ang dalawang palad niya at katulad ng dati ay ginamot siya nito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now