CHAPTER 7.2

203 13 0
                                    

Paspas sa pangangabayo si Inah. Papunta siya sa kubo na tagpuan nila ni Juancho. Kinabahan siya nang makapa niya sa bulsa ang ginawa niyang kuwintas para sa lalaki. Isa iyon sa mga sigay buhat sa dekorasyon ng kanilang pinto na nakita niya noon sa Ilaya. Kasinlaki iyon ng hinlalaki. Ibinabad niya iyon sa apoy sa kamay hanggang sa magkulay-pula iyon at matiyagang ginawan niya ng tali upang maging kuwintas. Itim ang ginamit niyang tali at pinagbuhol iyon sa magkabilang dulo. Maaaring sikipan o luwangan iyon, depende sa gusto ng lalaki.

Habang tinitingnan niya ang pulseras sa kamay ay nag-iisip din siya ng maibibigay rito. Gusto niyang magbigay ng isang bagay na makakapagpaalala sa kanya rito. Ganoon kasi siya tuwing napapatingin sa pulseras. Si Juancho ang naiisip niya tuwing napapatitig siya sa pulseras at napapangiti.

"Juancho!" agad niyang tawag nang makita niyang naghihintay ito sa may kubo. Agad lumapit sa kanya ang lalaki at sinalubong siya ng ngiti. Napangiti na rin siya. Wala itong ibang ginawa kundi ang pagaanin ang loob niya magmula nang matuklasan nito ang kinahinatnan ng kanyang kapatid.

Tuluyan nang naging lobo ang kanyang Kuya Isidro nang muli raw puntahan ito ni Juancho. Naging maingat sa pagpili si Juancho ng mga salita sa pagbabalita sa kanya pero kahit anong ayos niyon, alam niyang naging marahas, wala sa sarili at tila naging isang uri ng mapanganib na hayop ang kanyang Kuya Isidro. Maging si Juancho raw ay hindi na nakikilala ng kanyang kuya.

Iniyakan ni Inah nang husto ang nangyari sa kanyang kuya ngunit dahil kasama niya si Juancho at nadama niyang mayroong isang lobong handang ayusin ang lahat ay kumalma siya. Pinanghahawakan niya ang pangako ng lalaki at dahil sa lahat ng mga sakripisyo nito ay nais niyang handugan ito ng isang simpleng kuwintas. Wala man iyon kompara sa halaga ng pulseras na ibinigay nito, naglaan pa rin siya ng panahon para doon.

"May problema?" untag ni Juancho sa pananahimik niya.

Napahinga siya nang malalim at lakas-loob na kinuha niya ang kuwintas sa kanyang bulsa. "Para sa 'yo. Sana, magustuhan mo," nahihiyang saad niya.

Kumunot ang noo ng lalaki bagaman nakangiti ito. Agad nitong kinuha ang kapirasong tela sa kung saan nakabalot ang kuwintas at natunaw ang puso ni Inah nang makita niya kung paano nagliwanag ang mukha nito sa saya. Sapat na sa kanya ang reaksiyon nito upang mapawi ang pagod niya sa paggawa niyon. Simple man iyon, natutuwa pa rin siyang makitang tila espesyal kung ituring iyon ni Juancho.

"Ikaw ang gumawa?" nakangiting tanong nito.

Nakangiting tumango siya. Pinagmasdan siya ng lalaki nang matagal hanggang sa mailang na siya. "Bakit ganyan ka makatingin?" naiilang na tanong niya.

"Ginawan ako ng kuwintas ng isang magandang babae. Hindi ako makapaniwala. Alam mo ba kung gaano kasarap sa pakiramdam na pinaglaanan mo ako ng panahon?" masuyong saad nito at pinisil ang baba niya. "Isuot mo ito sa akin."

Tumalima si Inah. Pumasok sila sa kubo at naupo ang lalaki sa pangalawang baitang ng hagdan. Isinuot niya ang kuwintas dito. Halos yakap na niya ito at sinikipan ang kuwintas sa leeg nito. Ginawa niyang eksakto iyon sa leeg nito. Nagmukha itong lalong matipuno. Buong hangang hinaplos niya ang leeg nito hanggang dibdib.

"May nagawa na akong gamot, Inah," anito saka hinawakan ang palad niyang nasa dibdib nito. Hinalikan nito iyon. "Isusubok ko kay Isidro mamayang gabi. Sana, magkaroon ng epekto sa kanya at pangako, itatakas ko siya. Ibabalik ko nang buhay sa 'yo ang kapatid mo. Ayokong maranasan mo ang sakit na pinagdaanan ko," malungkot na saad nito.

Napatango si Inah at naunawaan niya ang ibig sabihin ni Juancho. Niyakap niya ito. Gusto niyang ipadama na siya ang tutunaw ng lungkot na siya ring ang lumikha. Handa siyang tunawin at bumawi sa lahat ng kanyang nagawa.

Siya ang kusang humalik sa lalaki. Ninamnam niya ang ibabang labi nito. Nilaro niya iyon. Padampi-dampi ang kanyang mga labi habang bumubulusok ang matinding kuryente sa bawat himaymay ng kanyang katawan. Nadadarang siya. Pakiramdam niya ay natutunaw siya.

At nauwi ang lahat sa isang mainit na pagtatalik. Dahil kay Juancho, natuto siyang makaramdam ng kaligayahan, naramdaman niyang babae pa rin siya at mayroong isang lalaking sinusuong ang panganib ng kanilang pagkikita basta makasama lamang siya.

Bilang ganti ay ibinigay niya ang lahat. Sa kabila ng responsibilidad niya ay maaari pa rin siyang maging masaya, na mayroong isang lobo na handang gawin ang lahat para sa kanila ng kuya niya.

Pagod na ihinimlay ni Inah ang sarili sa dibdib ng lalaki hanggang sa makadama siya ng antok. Napangiti na lamang siya nang nadama niyang hinalikan pa ni Juancho ang kanyang noo saka nilaro ang buhok niya.

"Kumusta ang pakiramdam mo? Malungkot ka pa rin ba?" anas niya, nakapikit.

Napatingala siya nang umalog siya sa dibdib nito. Namangha siya nang magkatunog ang ngiti nito. Hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya at hinalikan ang pagitan ng kanyang mga mata. "Ako dapat ang nagtatanong niyan, Inah."

Ngumiti siya. "Hindi na ako nalulungkot dahil pinasasaya mo ako," matapat na saad niya, malambing na sumandig sa dibdib nito. "Kaya gusto ko... napapasaya rin kita."

"Madalas mo akong napapasaya. Makita man kita sa malayo, marinig ko lang ang yabag o boses mo, sumasaya na ako. Pakiramdam ko... hindi na ako nag-iisa..."

Namasa ang mga mata ni Inah sa labis na kaligayahan. "Talaga? Napapangiti ka rin ba kapag naiisip mo ako?" pigil-hiningang tanong niya.

Ngumiti si Juancho sa kanya. "Hindi lang ako napapapangiti, gumagaan pa ang loob ko," anas nito at hinalikan ang buhok niya.

Nag-init ang kanyang puso at niyakap niya ang lalaki nang mahigpit. Halos sumabog ang kanyang puso sa saya nang sandaling iyon. Damang-dama niya ang sinseridad nito. Napapikit siya. Dinama niya ang init nito at ninamnam ang sandaling iyon. Salamat at napapagaan niya ang loob nito. Umaasa siyang isang araw ay tuluyan na siyang mapatawad sa mga naging kasalanan niya rito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now