CHAPTER 7.3

184 13 0
                                    

"SAAN ka pupunta?"

Natigilan si Inah sa pagsampa sa kabayo nang marinig niya ang tinig ni Kremes. Kadarating lang ng pangkat ng lalaki buhat sa kapatagan upang tingnan ang kalagayan ng mga pangkat na naiwan doon. Nagkaroon ng matinding bakbakan sa ibaba ng bundok ng Tabuk at dahil doon, mahigpit siyang binawalan ni Kremes na lumabas. Oo at malaking tulong daw siya ngunit kailangan pa rin siyang ingatan dahil isa siya sa mga susi para mabuo ang harang.

Kaya ilang linggo din silang hindi nagkita ni Juancho. Hinigpitan ang pagbabantay sa kanya. Ang huling pagkikita nila ng lalaki ay noong may nangyari sa kanila. Napahinga siya nang malalim. Pupuslit sana siya upang tingnan ang lalaki sa Ilaya. Alam niyang nag-aalala na ito dahil ilang araw na siyang hindi dumarating sa araw ng kanilang pagkikita. Maging siya ay nag-aalala na rin dito. Gusto niyang alamin kung ano ang kinalabasan sa isinubok nito sa kanyang Kuya Isidro.

"Magroronda lang ako, Kamahalan." Sinikap niyang huwag mahalata ang pananabik niyang makaalis doon dahil siguradong malaking problema iyon. Hindi pa niya ipinaalam ang kanyang natuklasan sa pamilya niya. Hindi naman sa wala siyang balak na ipaalam ang tungkol doon ngunit nag-ingat lamang siya.

"Sandali at sasamahan kita."

Mahinang napamura si Inah. Hindi siya makatanggi pero mabilis pa rin niyang pinagana ang isip. Mientras na umuusad ang mga oras na hindi niya nakikita si Juancho, mientras na tumitindi ang pananabik niya.

"Kamahalan, ipinapaalala ko lang po sa inyo na may lakad kayo. Ibinilin po ninyo sa akin na ipaalala iyon pagdating natin dito," untag ng isang bampira kay Kremes na akmang sasakay uli sa sariling kabayo.

Napatingin si Inah kay Kremes. Tila nanghihinang pumikit ang lalaki at mahinang umungol. Tumango ito sa bampira at tinitigan siya nito. "May kailangan akong kausapin. Hindi ka maaaring magronda nang nag-iisa. Magpasama ka sa kawal," mahigpit na bilin nito sa kanya.

Tumango na lamang siya para matahimik ito. Nang tuluyang makaalis ito ay noon siya nakahinga nang maluwag. Hindi siya sumunod sa sinasabi nito. Gayunman, tinupad muna niya ang tungkuling magronda saka siya nagtungo sa tagpuan nila ni Juancho.

Nang makita niya ang kubo ay agad na umikot ang sikmura niya sa pananabik. Bigla siyang nanalangin na sana'y nandoon si Juancho at matiyagang naghihintay katulad noon. Kahit kailan ay hindi siya pinaghintay nito. Madalas niyang madatnan ito roon.

Gayunman, nang tuluyan siyang makapasok sa loob ng kubo at makitang wala ang lakaki ay nakaramdam siya ng matinding kalungkutan. Gusto na niyang makita si Juancho. Sobrang nalulumbay na siya dahil dito. Gusto na rin niyang makibalita sa kuya niya.

Naghintay pa siya ng ilang minuto at nang mapagtanto niyang hindi na ito makakarating ay lumabas na siya. Nabigla na lamang siya nang pagbukas niya ng pinto ay nabungaran niya si Juancho na akma sanang papasok. Tumalon ang kanyang puso. Namasa ang mga mata niya sa sobrang saya. Natagpuan na lamang niya ang sariling yakap ang lalaki nang pagkahigpit-higpit! "Juancho!" anas niya at ibinaon pang muli ang kanyang mukha sa dibdib nito.

"Inah..." anas din nito at hinigpitan pa ang yakap. "Sobrang nag-aalala na ako. Ano'ng nangyari at hindi ka na nakipagkita? Pupuntahan na sana kita sa base ninyo."

Agad siyang kumawala sa lalaki. Hinawakan niya ang buong mukha nito. Natunaw ang kanyang puso nang madama niya ang init nito sa palad niya. "Makinig ka, palala nang palala ang digmaan at binabawalan na nila akong lumabas," aniya saka ipinaliwanag ang sitwasyon.

Agad tumango si Juancho. "Nauunawaan ko. Mas maigi nga ang ganoon kaysa ang makaharap mo ang ilang lobo," anito saka huminga nang malalim. Tumingin ito sa malayo at malungkot na umiling. "Pinakawalan na nila ang ibang bagong lobo kaya mas agresibo ang ilan na nakakatunggali nila. Walang rasyonal na pag-iisip ang mga bagong lobo. Para lamang silang isang uri ng mabangis na hayop."

Agad sinakmal ng pag-aalala si Inah. Hinawakan niya ang dalawang balikat ni Juancho at hinagilap ang mga mata nito. "A-ang Kuya Isidro ba—"

Agad itong umiling. "Naroon pa rin siya sa sariling kulungan. Madalas ko siyang silipin. Ikinalulungkot kong sabihing hindi gumana ang gamot na nilikha ko. Kailangan kong palakasin pa iyon," anito saka tila nahulog sa malalim na pag-iisip. "Sa nakikita ko, tila isang uri ng kamandag ang dumapo sa kanila at nagkaganoon sila. Sa pagkakaalam ko, mayroong alamat ang mga lobo tungkol sa isang lahi namin. Oras na nakagat ka ng ganoong uri ng lobo ay hindi ka na makababalik pa sa pagiging tao..."

Hinawakan nito ang mukha niya. "Isa lamang alamat iyon pero sisiguruhin ko ang bagay na iyon. Pupunta ako sa Barcelona. Magkita tayo rito pagkalipas ng dalawang linggo. Kung totoong mayroong ganoong uri ng lobo, hahanap ako ng isa at iyon ang pag-aaralan ko."

Agad napatango si Inah. Napaisip din siya nang maigi. Napagsalikop niya ang dalawang kamay hanggang sa hawakan ni Juancho ang mga iyon at tinitigan siya. "Nangako ako sa 'yo, hindi ba? Gagawin ko ang lahat, Inah. Kailangan ko lang ng panahon," pangako nito sa kanya.

"Mag-iingat ka," aniya rito. Habang tumatagal ay lalo siyang nag-aalala. Palala nang palala ang lahat. Gayunman, salamat sa pagiging positibo at pangako ni Juancho. Isang dahilan iyon kung bakit hindi pa rin siya pinanghihinaan ng loob.

Pinisil nito ang kanyang baba. "Hayan, pabaunan mo ako ng ngiti. Darating ang araw, hindi na maaalis 'yan."

Ngumiti na siya sa pagkakataong iyon. Ngumiti na rin ito sa kanya. Lumipas ang ilang minutong ganoon lamang sila, pinagsasawa ang mga mata nila sa isa't isa dahil matagal pa bago sila muling magkikita.

"Iisipin kita palagi," pangako nito.

"Ako rin," amin ni Inah.

Kumislap ang mga mata ng lalaki at tumingkad ang kulay niyon. "Mapapanaginipan mo kaya ako?"

"Oo naman. Madalas naman, eh..." amin ni Inah.

Nakagat niya ang loob ng labi dahil sa pag-amin hanggang sa humalakhak ito. Nagulat na lamang siya nang kabigin siya nito at yakapin nang mahigpit. "Ano ba naman ito? Kung puwede nga lang kitang isama, ginawa ko na."

Natawa na rin siya dahil dama niyang nahihirapan itong iwan siya. Napangiti siya sa ideyang iyon. "Kung puwede nga ring sumama, gagawin ko. A-ayoko rin namang mawala ka nang matagal."

"Talaga?"

Napayuko siya nang hagilapin ni Juancho ang mga mata niya hanggang sa napaungol siya. Nahihiya pa rin naman siyang umamin. Pinilit nitong hagilapin pa rin ang mata niya hanggang pulang-pula ang mga pisnging inirapan niya ito. "Ano ba? Naiilang na nga ako..."

Tumawa ang lalaki at gigil na hinalikan ang mga labi niya. "Ngayon ka pa maiilang? Hindi mo lang basta nakita ang buong katawan ko, nahawakan mo pa."

"Juancho naman!" naiilang na asik niya rito. Nagririgodon nang todo ang kanyang puso sa panunudyo nito.

Natutuwang niyakap siya nito at mariing hinalikan ang gilid ng leeg niya. "Sige na. Sabihin mo uli. Ang sarap pakinggan niyon, Inah."

Huminga si Inah nang malalim; tinitigan niya ang lalaki sa mga mata. "Oo. Ayokong mawala ka nang matagal. Inaamin ko na kaya bumalik ka agad." Inirapan niya ito kahit dama niyang umabot na ang pag-iinit ng kanyang mukha sa leeg. Susme! Napakahirap pala ang umamin. Gayunman, dama niyang mayroong gumaan sa isang panig ng kanyang dibdib.

Ngiting-ngiti na si Juancho sa kanya. "Pangako. Ngayon pa? Babalik talaga agad ako." Niyakap siya nito, mahigpit.

Napapikit si Inah. Ninamnam niya ang bawat sandaling kasama si Juancho dahil alam niyang magiging abala ito.

Ilang oras pa silang nanatili sa loob ng kubo. Nakahiga sila sa papag at magkahawak-kamay na nag-uusap. Simpleng mga bagay lamang ang pinag-uusapan nila. Hindi niya mapigilang mapangiti na panay ang halik nito sa palad niya at sinasamyo iyon. Mukhang sinusulit nito ang bawat minutong magkasama sila. Nauunawaan niya iyon dahil magkakalayo silang dalawa. Lihim na ipinagdasal niya ang kaligtasan nito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now