CHAPTER 8.1

166 12 0
                                    

"MAGRORONDA ka kahit nag-iisa? Hindi ba't mahigpit kong bilin na lagi kang magdala ng kasama?" malamig na wika ni Kremes.

Natigil si Inah sa pagsampa sa kabayo at mabilis na nag-isip ng dahilan. Araw ng pagtatagpo nila ni Juancho ngayon. Nasasabik na siyang makita ang lalaki at makabalita rito.

"Susunod ako sa kanila," pagdadahilan niya at sumampa na siya sa kabayo. Natigilan siya nang pigilan siya ng lalaki at hindi niya nagawang makasakay. Humigpit ang hawak niya sa renda. Maging ang dibdib niya ay humigpit sa kakaibang titig nito sa kanya. Nanunuot iyon. Napalunok siya dahil pakiramdam niya ay nababasa siya nito.

"Bumalik ka sa loob," puno ng awtoridad ang tonong utos nito. Ganoon ito kapag mainit ang ulo. Ilang beses na niyang nakita iyon tuwing nadedehado sila sa laban.

Nanikip ang dibdib ni Inah. Mientras na pinipigilan siya ni Kremes, lalo lamang siyang nanggagalaiting umalis! "Susunod ako sa pangkat," giit niya.

Tumawa ito nang bahaw. "Akala mo ba hindi makakarating sa akin na umaalis ka nang nag-iisa? Na hindi mo sinusunod ang mga bilin ko? Magsabi ka ng totoo, Inah," anito saka siya tinitigang maigi. "Susunod ka o makikipagkita sa isang lobo?"

Natigilan siya. Parang sinuntok ang dibdib niya sa kaba ngunit hindi siya nagpahalata. Tumawa siya upang pagtakpan ang kanyang kaba. "Nagbibiro ka ba? Bakit ako makikipagkita sa isang lobo? Kamahalan—"

"Alam ko ang ginagawa mo! Makikipagkita ka kay Juancho!"

Napaigtad si Inah sa biglang sabog ng lalaki. Sa galit nito'y marahas na ibinaba siya nito at gigil na isinandal sa malaking puno. Napalunok siya sa nakikita niyang galit nito. Salamat sa pagtitimpi nito, hindi pa rin siya nadudurog ng mga kamay nito. Mariing naipikit niya ang mga mata nang suntukin nito ang malaking puno. Bumaon ang kamao nito roon dahil sa lakas!

"Mabait siya," matatag na saad niya. Huminga siya nang malalim. Wala naman ding saysay kung itatago pa niya ang lahat. Umaasa siyang mauunawaan siya nito. "Kailangan naming magkita dahil kailangan kong malaman kung ano ang nangyari sa lakad niya sa Barcelona. Ililigtas niya ang kapatid ko!"

"Inah..." hindi makapaniwalang tinitigan ng lalaki. Ilang sandali pa ay mariing pumikit ito at nang magmulat ay napalunok siya sa nakita niyang panlulumo at poot doon. "Naniwala ka sa lahat ng sinabi niya?"

Nanginig ang baba niya. Masakit sa kanya ang makarinig ng ganoon. Kulang na lang ay sabihan siya nitong tanga upang maniwala siya kay Juancho. Pero buo ang kanyang loob at ipaglalaban niya ang kanyang paniniwala kay Juancho. "Oo! Alam kong tutuparin niya ang lahat ng pangako niya. Nangako siya sa akin!" galit na saad niya.

Sinabi niya ang lahat ng natuklasan ni Juancho upang maunawaan nito kung gaano kalalim ang samahan nila ng lobo. Na mali ito ng iniisip. Na hindi masama si Juancho at handang tumulong, hindi ibubuwis ang sariling buhay kung hindi ito seryoso.

"Itigil mo na ito," nag-iinit ang ulong saad nito. "Masasaktan ka lang."

"Hindi mo ako mapipigilan," mariing saad ni Inah. Nag-iinit ang ulo niya. Sino ba ang taong ito? Ano ang karapatan nitong pigilan siya? Kahit iginagalang niya ito dahil isa pa rin itong nakakatataas na uri ng bampira, ibang usapan na kapag pinanghimasukan na nito ang kanyang damdamin. Nakakainis ang ganoong bagay.

"Ano'ng sinabi mo?" nag-iinit din ang ulong balik nito saka gigil na hinaklit ang braso niya. "Ano ba ang nangyayari sa 'yo? Ano ba ang ipinakain ng lobong iyon para magkaganyan ka? Hindi mo siya kilala!" singhal nito sa kanya.

Napaigtad siya ngunit nagpakapigil siya. Marahas na binawi niya ang kanyang braso saka tiningnan ang lalaki nang masama. "At ikaw? Kilala mo ba siya para magsabi ka ng ganyan?"

"Oo! Kilala ko siya! May mata ako sa loob ng base ng mga lobo. May kaibigan si Ama na binilinan niya at nakausap ko siya," asik nito at muli siyang hinaklit sa braso. "Sinabi niya sa akin na 'yang lobong ipinagmamalaki mo, gumawa ng maraming bolang kristal laban sa aming mga bampira! Sa isang pagsabog lang, matutunaw kami sa liwanag niyon! Hindi lang iyon, Inah," nagngingitngit na saad nito saka siya tinitigan nang maigi. Namumula na ang mga mata nito sa galit. "Hindi siya kagaya ng iniisip mo! Siya ang tumutuklas ng mga panlabang sandata namin at nasisiguro ko, isa siya sa tumulong upang gawing mga lobo ang mga tao na kahit kailan ay hindi na nakakabalik pa sa normal! Inatake na kami ng mga lobong iyon at halos maubos kami!"

Biglang-bigla si Inah sa narinig. Halos sumabog na ang ulo niya sa impormasyong iyon. Bigla niyang naalala ang sinabi ni Juancho na mayroon itong natuklasang gamot. Gamot nga ba iyon sa paggaling o para palalain ang pagiging lobo ng isang tao? Nanghihinang napailing siya. Halos hindi matanggap iyon ng utak niya. "H-hindi... hindi totoo 'yan..."

"Totoo!" asik ni Kremes at dismayadong umiling. "Alam mo bang pinagtatawanan ka sa base nila? Pinagtatawanan ka dahil nakikipagkita ka sa kanya. Isang kang tagapagbantay! Hindi mo man lang nagawang protektahan ang pangalan mo!"

Halos lumubog na si Inah dahil sa labis na pagkapahiya. Bumangon ang matinding sakit sa kanyang puso. Wala silang ibang kasama ni Juancho sa pagtatagpo. Ibig lamang sabihin ay isa sa kanila ni Juancho ang magbubunyag niyon at alam niya sa sariling wala siyang pinagsabihan! Nanlulumo siya sa ideyang namumuo sa isip niya...

"Alam mo ba kung bakit niya ginawa ito?" tanong ni Kremes kapagdaka.

Nanghihinang napatingin siya rito. Batid niya ang bagay na iyon pero hindi matanggap ng isip niya. Akala niya ay ayos na sila ni Juancho. Bagaman hindi sinasabi ng lalaking napatawad na siya nito, dama niyang humupa na ang galit nito.

"Dahil ako ang p-pumatay sa kapatid niya..." nanghihinang anas niya at naluluhang napatingin siya kay Kremes. "A-alam ko, Kamahalan... akala ko, ayos na kami at tinutulungan niya ako sa kuya ko..."

Napaiyak na siya nang sandaling iyon. Parang isang uri ng bomba ang sinabi ni Kremes. Ayaw man tanggapin ng utak niya, batid niyang mayroong dahilan si Juancho upang gawin nito ang lahat ng iyon: hindi pa rin naaalis ang dahilang nais nitong gantihan siya.

"Sa tingin mo, mas matimbang ka kaysa sa kapatid niya?" ani Kremes at nagbuga ng hangin. "Kasama ni Mikhail si Juancho nang kausapin niya si Marco. Si Mikhail ang kaibigan ng ama ko," galit na anas nito. "Alam ni Juancho ang lahat kaya nakagawa siya ng paraan para makaganti. Kung hindi ka kontento sa lahat ng sinabi ko, makipagkita tayo kay Mikhail. Siya ang magpapatunay ng lahat," anito saka siya tuluyang iniwan.

Naiwan si Inah na wasak ang kalooban. Nanghihinang napadausdos siya hanggang sa napaupo sa damuhan. Sabog na sabog ang kanyang puso. Ang utak niya, halos ayaw nang gumana dahil sa sakit na iyon.

Napakasakit malamang niloko lamang siya ni Juancho. Doon niya napagtanto na minahal niya ang lalaki nang labis. Kaya nga siya tumatakas dahil sa kabila ng katotohanang si Juancho lamang ang nakakaalam ng kinaroroonan ng kuya niya, nandoon din ang masidhing kagustuhan niyang makita at makasama ang lalaki.

Dahil sa ideyang iyon ay napahagulhol na lamang siya. Hindi niya matanggap na nabulag siya sa inakala niyang pagmamahal ni Juancho sa kanya hanggang sa natigilan siya. Kasabay ng matinding panlulumo ay unti-unting bumangon ang galit sa kanyang dibdib. Matigas iyon at halos maglagablab na. Hindi maaaring ganoon lamang iyon. Kailangang magtuos sila ng lalaking iyon. Gumaganti si Juancho at hindi siya makapapayag sa lahat ng iyon!

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon