CHAPTER 4.1

193 11 0
                                    

Ano, masaya ka na? Kung patay na, ilibing mo na... sarkastikong saad ng isang bahagi ng isip ni Juancho. Napamura siya. Hindi siya masaya! Nakikita niya ang isang babaeng duguan sa loob ng butas at walang malay—na mukhang nangangailangan ng tulong. Hindi ito maaaksidente kung hindi niya hinabol at tinakot ito. Ngayon, paano niya magagawang sumaya kung sinusundot nang todo ang kanyang konsiyensiya?

Ah, marahil ay hindi pa rin siya ganoon kasama. Napagtanto rin niya na kahit mapatay niya ang babae, pagsawaan man niya ito nang husto at ipadama rito ang lupit ng kanyang paghihiganti ay hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang kapatid, isang bagay na napagtanto niya noong maghubad ang babae sa kanyang harap. Habang nakatitig siya sa alindog nito—aaminin niyang isa siyang lalaki na naapektuhan—ay nakuha pa rin niyang mapaisip: makokontento ba siya kung matutupad ang lahat ng plano niya?

Napahinga siya nang malalim dahil batid niyang hindi. Tama ang babae. Isa lamang itong tao na kaya sa kabila ng nadama niyang pagkadarang ay tinalikuran niya ito. Hindi siya ganoong klaseng lalaki. Kahit kailan ay hindi siya gumamit ng dahas para kuhanin ang isang babae.

Noong hindi pa niya nakikita ito, marami siyang ginawa laban dito at sa mga bampira. Nakagawa siya ng pangontra sa mga elementong hawak ng mga tagapagbantay. Hindi magamit ni Inah ang elemento nito, ibig lamang sabihin ay epektibo iyon. Isinuot niya ang kuwintas na mayroong orasyon ng mga matatandang lobo. Bukod doon ay nagtataglay din iyon ng isang uri ng mineral mula sa isang punong-kahoy ng ==maple na makikita lamang sa Europa—na panlaban sa elemento ng apoy. Doon niya ibinuhos ang lahat ng galit sa loob ng ilang araw kung paano mapapabagsak ang babae.

Kaya nang magkaroon ng pag-atake ang mga kasamahan niya ay sumama siya. Kailangan niyang makaharap si Inah at masiguro ang mga nadiskubre niya.

Hindi muna niya isinuot ang kuwintas upang masigurado sa digmaan kung sino ang babaeng apoy. Nakilala lamang niya ito base sa mga deskripsiyon ng kanyang mga kasamahan: isang delikadong babaeng apoy na walang awa sa pakikipaglaban. Maganda, magiting at may angas.

Ngunit hindi niya inasahang mabibighani siya ng kagandahan nito. Sa kabila ng galit ay hinangaan niya ang babae. Kaya hindi siya masisisi kung bakit sa unang pagkakataon ay hinalikan niya ito. Natutukso siya sa mga labi nito. Napapantastikuhan siya sa gilas ng balakang nito, sa angking liksi nito sa pakikidigma. Napaisip pa siyang maaari palang maging ganoon kaganda ang isang babae—na kahit nababalutan ng apoy ay maaari pa ring maging kaakit-akit. Mayroon itong sapat na kagandahan upang madarang siya at ilang beses na mawala sa sarili. Napakasarap kasing panoorin ito.

Pero alam niyang kailangan niyang tuparin ang plano at kung anumang paghangang namuo sa kanyang puso'y nauwi sa matinding panghihinayang. Sayang dahil kailangang mamatay rin ang babae sa kanyang mga kamay...

Napahinga siya nang malalim. Naikuyom niya ang mga kamay. Dapat ay tinutuluyan na niya ito. Ilang beses na ba niyang pinagsabihan ang sarili dahil hindi siya makagawa ng aksiyon? Ah, hindi na niya mabilang at iyon na ang tamang pagkakataon.

Napabuga na lamang siya ng hangin at natagpuan na lamang niya ang sariling bumababa sa butas sa kabila ng matinding babala ng isip niya. Napatingala siya nang ganap na siyang makababa. Halos dalawang tao ang lalim ng butas at dalawang tao rin ang lapad niyon kaya nagkasya sila.

Agad niyang pinulsuhan ang babae at kumislot ang kanyang puso nang madama niya ang pagpintig. Sinuri niya ito at napalunok siya nang mapatitig sa maamong mukha nito. Gusto niyang tinititigan ang mukha nito kapag payapa itong nagtutulog. Gusto niya ang init ng katawan nito—na niyayakap niya sa tuwing mahimbing ang tulog nito. Hindi niya matiis na makita ang panginginig nito sa lamig.

Nagpapasalamat na lamang siya dahil hindi ito nagigising. Umiinit ang kanyang puso kapag sumisiksik pa ito roon na tila gustong-gusto nito. Napahinga siya nang malalim nang maalala niya ang bagay na iyon: dahil nang sandaling mayakap niya ito, pakiramdam niya ay hindi na siya nag-iisa...

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now