CHAPTER 12.2

155 12 0
                                    

"Isuot mo ito," ani Juancho.

Napanganga si Inah. Isang napakagandang kuwintas ang ibinigay nito sa kanya. Pula at kakaiba ang disenyo. Katulad iyon ng berdeng pangontra na kuwintas ngunit dama niya ang malaking pagkakaiba ng mga ito. Hindi siya nakakadama ng pagkailang kundi nabibighani siya.

"Ang ganda nito..." anas niya at nahigit niya ang hininga nang isuot ni Juancho iyon sa kanya. Hindi pa rin ito kumikibo nang oras na iyon. Nang ganap na maisuot niya ang kuwintas ay hinawakan niya iyon. Napasinghap siya sa tila enerhiyang umangat nang ilang antas sa katawan niya.

Ngumiti si Juancho sa naging reaksiyon niya. "Gawa iyan sa rubya. Hindi lang basta palamuti iyan kundi pananggalang din sa pangontra ng berdeng kuwintas. Paganahin mo ang iyong kapangyarihan para makita mo."

Napatango si Inah, tumalima siya. Namangha siya nang maglagablab siya nang mas mabilis kaysa dati. Bukod doon, nakaramdam siya ng kakaibang lakas! "Magaan ang pakiramdam ko, Juancho. Ang galing nito..." Hindi makapaniwalang napatingin siya sa kanyang palad na nag-aapoy. Mas naglalagablab din siya.

Sinubukan niyang gumawa ng bolang apoy at natawa siya nang makitang sa isang iglap, doble sa dating bilog ang nagagawa niya. Agad ding nawala iyon nang utusan iyon ng kanyang isip. "Ang galing mo talaga," bilib na saad niya kay Juancho. Nakakatuwa talaga ang lalaki. Hindi niya talaga inaasahang gagawan siya ng ganoong uri ng bato.

Ngumiti ito, ipinaliwanag kung kailan nito ginawa iyon at napangiti siya. Batid niyang nais nitong bumawi at protektahan siya. Lalo niyang minahal ito dahil sa pag-aalaga nito sa kanya. "Isuot mo iyan sa lahat ng pagkakataon," bilin nito at agad siyang tumango.

"Tara na," matabang na bungad ni Kremes; umismid pa ito nang tumingin kay Juancho. Mukhang nadagdagan pang lalo ang inis nito dahil narinig niyang pinagsabihan na rin ito ni Mikhail. Bagaman halatang bata pa si Mikhail, kasing-edad pa rin ito ng ama ni Kremes. Parang ama na rin nito si Mikhail kung pagsabihan ito.

Napahinga na lamang si Inah nang malalim at inalalayan siyang makasakay ni Juancho sa kabayo. Hindi pa man din nakakasakay si Juancho ay iniwan na sila ni Kremes. Napailing na lamang si Inah sa inasta ng kanilang pinuno.

"Pasensiya ka na sa isang iyon," hininging-paunmanhin niya.

Natatawang tumango na lamang sa kanya ang lalaki. "Hayaan mo na," anito saka hinaplos ang buhok niya.

Napangiti si Inah nang ibalot siya nito ng sariling kapa, siniguradong maayos na siya bago nito pinasibad ang kabayo. Ilang sandali pa ay tinatahak na nila ang daan patungo sa Tadian hanggang sa mayroon silang namataang mga lobo!

"Kremes!" sigaw ni Juancho at nang lumingon ang kanilang pinuno ay itinuro nito ang pangkat.

Tumango si Kremes at umiba ng ruta. Sumunod sila rito at nang ganap na nilang masabayan ito ay nagsalita si Juancho. "Paunahin muna natin sila nang ilang minuto. Maaamoy nila tayo!"

Umiling si Kremes. "Mauunahan nila tayo sa mambabarang!"

"Kremes! Ano ka ba? Makinig ka naman kay Juancho! Kilala niya ang mga lobo kaya alam niya ang dapat gawin!" naiinis na paliwanag ni Inah rito.

Bumuga ng hangin si Kremes at anyong napipilitang pinatigil ang kabayo. Halatang mainit ang ulo nito. Salamat at kalmado lamang si Juancho. Naghanap sila ng masisilungan at tumalon ang kanyang puso nang mabilis siyang hinila ni Juancho at tinakpan ng kapa!

"Kremes! Magtago ka! Dama ko ang yabag ng mga kabayo na papunta rito!" sigaw ni Juancho.

Nagtiim ang mga bagang ni Kremes at mukhang natunugan din nito ang sinasabi ni Juancho. Saglit na nag-alinlangan ito sa kapa hanggang sa naiinis na tumalima na lamang. Salamat at malaki ang kapa. Kasya ang tatlong tao sa loob niyon kaya nagkasya sila. Nasa gitna siya ng dalawang lalaki. Yakap siya ni Juancho at hindi naman kumikilos si Kremes.

Bumilis ang tibok ng puso ni Inah nang magsipagdaan ang mga kabayo ng mga lobo. Ilang sandali pa, nang madama nilang malayo na ang mga iyon ay noon lamang sila nakahinga nang maluwag. Dahan-dahan silang lumabas mula loob ng kapa.

"Kailangang mag-iba tayo ng ruta. Medyo malayo nga lang," suhestiyon ni Juancho.

"Tama ka dahil mukhang sinabihan mo ang mga kasamahan mo tungkol sa lakad natin. Pasimple ka pa..." nang-iinsultong saad ni Kremes at inis na umiling.

"Hindi totoo 'yan," nagtitimping saad ni Inah. Naiinis na siya sa kanilang pinuno. Oo at isa sa mga nakakataas ito sa kanya, pero aaminin niyang nawawalan na siya ng galang dito. Paano naman ay nagkakaganoon ito, nagiging personal na para dito ang lahat!

"May alam ka bang ibang daan?" kalmadong tanong ni Juancho.

Hindi nakakibo si Kremes. Marahil ay hindi nito inaasahang hindi ito papatulan.

Tumango si Juancho. "May alam ako at iyon ang tatahakin natin. Palagi kong iniikot ang mga bundok dito tuwing naghahanap ako ng mga halamang gamot kaya nakabisado ko," paliwanag nito upang ipabatid kay Kremes na hindi lang ito basta nagsasabi ng daan kundi mayroon itong basehan.

Hindi na kumibo si Kremes bagaman dama ni Inah na tanda na iyon ng pagsang-ayon nito. Sumakay na lamang ito sa kabayo at hinintay sila para sundan. Inalalayan na siyang makasakay ni Juancho. Hindi niya alam kung mabibilib siya rito o ano hanggang sa napangiti siya. "Puwede kang maging pinuno, Juancho," pabulong na komento niya rito.

Tumawa lang ang lalaki saka muling ibinalik ang kapa niya. "Ayokong maging pinuno. Ang gusto ko... maging mister mo," anito saka siya kinindatan.

Namilipit ang kanyang puso sa saya! Hindi siya makasagot kahit gustong-gusto na niya! Gusto rin niyang maging maybahay ng lalaki. Siguradong magiging kamukha nito ang mga magiging anak nila. Hindi tuloy niya mapigilang mangarap. Hindi siya masisisi. Isang malaking hakbang ang sinabi nito at batid niyang hindi ito nagbibiro. Nakakatuwang marinig na gusto siya nitong makasama habang-buhay.

Napahinga si Inah nang malalim at muling napangiti. Panghahawakan niya ang bagay na iyon.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now