CHAPTER 3.3

187 13 0
                                    

DAHAN-DAHANG bumangon si Inah nang makita niyang nakaidlip ang lobo. Mariing kinagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang sariling makagawa ng ingay. Ilang araw na sila sa loob ng yungib at madalas niyang gawin iyon: tuwing tulog ito ay lihim na iniikot niya ang buong yungib upang kabisaduhin iyon.

Natuklasan niyang malaki iyon at mayroong lihim na itim na lawa sa pinakailalim. Dangan nga lamang at madulas ang daan patungo roon at makitid kaya kailangan niyang magingat. Nagbabakasakali siyang makahanap ng lagusan doon. Ilang beses niyang nilangoy din iyon dahil nagbabakasakaling mayroong lihim na lagusan na maghahatid sa kanya sa isang ilog ng Tabuk. Sa tingin niya ay posible iyon dahil may naririnig na siyang ganoong uri ng yungib malayo sa Ilaya noong bata pa siya.

Napahinga siya nang malalim nang tuluyan na siyang makatayo. Dahan-dahan siyang naglakad, panay ang linga niya sa lalaki. Magmula nang mainis ito sa pang-iinsulto niya ay hindi na nito sinasabi pang pagsasawaan siya nito. Gayunman ay lagi pa rin siyang inaasar.

Kaya nawalan tuloy siya ng ganang humingi ng paumanhin dito. Maaaring atas din iyon ng kanyang paninindigan—dahil isa siyang tagapagbantay na hindi dapat yumukod sa isang kalaban. Umasa na lamang siyang darating ang araw na matatanggap na nito ang nangyari sa kapatid at maunawaan nito ang lahat.

Naglakad na siya pababa at tinumbok niya ang itim na lawa. Mas maraming alitaptap doon at iyon ang sinundan niya. Panay ang lingon niya. Kinakabahan pa rin siya dahil alam niyang makalikha lang siya ng ingay ay siguradong matitiklo siya. Isang lobo ang kasama niya na angat ang pandama sa lahat. Hindi maaaring makatunog ito dahil maaaring doon na magwakas ang kanyang buhay.

"Inah!"

Napaigtad siya sa pagkagulat. Alam ng lalaking iyon ang pangalan niya! Bigla siyang nataranta nang mapagtanto niya ang tono nito. Galit iyon at puno ng panggigigil. Mukhang natunugan nito ang pagkawala niya.

Mabilis siyang naglakad at lahat ng makita niyang maaaring lusutan ay pinasok niya. Kinakabahan siya na hindi niya mawari. Halos hindi na siya humihinga! Napatili na lamang siya nang may mainit na kamay na humawak sa kanya at gigil na tinakpan ang kanyang mga labi.

Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Kitang-kita niya ang pagtingkad ng kulay ng mga mata nito at doon natuon ang kanyang atensiyon. Ang totoo'y magaganda ang mga iyon na tila iyon na lamang ang gusto niyang titigan. Isang dahilan iyon kung bakit ayaw niya itong makatitigan. Bukod sa tila binabasa nito ang kaluluwa niya, naghahatid iyon ng kakaibang halina sa kanya.

"Tatakas ka?" mariing tanong nito na siyang nagpabalik ng kanyang katinuan. Inis na inalis niya ang kamay nito nang makahuma na siya.

"Paano mo nalaman ang pangalan ko?" naiiritang tanong niya.

Ngumisi ang lalaki. "Marami akong nalalaman sa inyong mga tagapagbantay," makahulugang saad nito.

Nag-init ang ulo ni Inah. Halatang marami nga itong nalalaman. Naalala niya ang sinabi nito noon sa kanya: nakilala siya nito dahil sa elementong hawak niya. Tiningnan niya ito nang masama. "Ayokong mabulok dito! Gagawa ako ng paraan at hindi mo ako mapipigilan!"

Itinulak niya nang malakas ang lalaki at nagtatatakbo siya. Hindi niya pinansin ang galit na pagtawag nito sa kanya. Ilang beses siyang nadulas ngunit naging maagap siya. Naghabulan sila sa loob ng yungib at hindi lang iilang beses na muntik na siyang mahuli ng lalaki kung hindi lamang naging mabilis siyang nakakalusot sa makikitid na daan.

"Delikado riyan!" sigaw nito dahil akma siyang papasok sa isang madilim na daan at makipot.

Minulagatan niya ito. "Wala akong pakialam! Alam mo—Ah—!"

Umalingawngaw ang tili niya sa buong yungib dahil bumigay ang tinatapakan niya! Bumulusok siya sa butas at damang-dama niyang nagkasugat-sugat siya gawa ng matutulis na bato. Ang pangwakas na disgrasya ay tumama ang kanyang ulo sa isang matigas na bagay at nawalan siya ng malay.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now