CHAPTER 10.2

159 12 0
                                    

"NAKAHANDA na ang kabayo mo. Kailangang salubungin natin ang hukbo ng mga lobong paakyat ng Ygnacia," ani Kremes.

Agad na tumango si Inah. Mabilis na inayos niya ang sarili. Sinigurado niyang kompleto siya sa armas hanggang sa natigilan na lamang siya nang marahang hawakan ni Kremes ang kamay niya at ibinaba iyon. "Hindi pa rin umaalis si Juancho. Nasa labas siya ng base."

Nanikip ang kanyang dibdib. Alam niya ang bagay na iyon dahil maraming beses na nagpilit itong kausapin pa rin siya. Hindi niya nilalabas ang lalaki dahil natatakot siya sa kanyang nararamdaman. Habang tumatagal, natutukso siyang puntahan ito ngunit sa huli'y hindi niya ginagawa. Natatakot siyang sa isang salita lamang nito ay mahawakan nitong ganap ang kanyang pusong pilit pa rin niyang binubuo. Sumumpa rin siyang hindi na siya mapapaikot nito. Malay ba niyang kasama iyon sa plano nito at kapag naniwala siyang muli ay doon nito isasagawa ang mga plano?

Nag-init ang kanyang ulo sa ideyang iyon. "Hayaan mo siya. Wala rin naman siyang mapapala sa ginagawa niya."

"Sinasabi ko lang para malaman mo kung gaano katigas ang ulo ng lobong iyon," matabang na saad nito, halata ang matinding disgusto sa lalaki. "Huwag mo sanang kalimutan ang mga ginawa niya. Oo, maaaring nagsisisi siya at nakita na niya ang mali sa mga ginawa niya, pero hindi ibig sabihin niyon ay magagawa na niyang baguhin ang lahat. May mga bagay na hindi na maibabalik pa. Digmaan ito at mayroon tayong pinoprotektahan. Iyon sana ang isipin mo. Bilang pinuno rito, hindi ko hahayaang pare-pareho tayong mapahamak nang dahil sa kanya. Nauunawaan mo naman ako, hindi ba?"

Napatango si Inah nang makuha niya ang punto ng pinuno. Kahit kailan ay hindi nito matatanggap si Juancho. Malaki ang partisipasyon ng lalaki sa digmaang iyon at isa itong matinding tinik ng buong grupo ng mga bampira. Kayang-kaya nitong sirain ultimong mga tagapagbantay.

Mabigat ang loob na nag-ayos siya ng sarili. Pinilit niyang iwaglit si Juancho sa isip. Tama si Kremes. Hindi maaaring bawiin ni Juancho ang lahat ng ginawa nito. Ni hindi nga nito magawang buuin ang tiwalang sinira nito, paano pa niya mamahalin ito?

"Tagapagbantay, ipinatatawag na kayo ng kamahalan."

Huminga si Inah nang malalim bago tumalima. Inalalayan siya ni Kremes na makasakay sa kabayo. Lumabas na sila at gusto niyang mapaungol nang makita si Juancho sa hindi kalayuang tila naghihintay sa kanilang pagdaan. Nang matapat siya rito ay hindi niya tiningnan ito. Sinikap niyang rendahan ang pusong mabilis pa ring tumitibok dahil sa presensiya nito.

"Mag-iingat ka sa digmaan," anito at binilisan pa ang lakad. Sinikap nitong sabayan ang kabayo niya. "Hindi bale, nandoon din ako mamaya. Sisiguruhin ko ang kaligtasan mo. Siguradong ilalabas ni Bagwis ang mga alijandrikos."

Nag-iinit ang ulong napatingin siya rito. Ayaw na ayaw niyang tunog-mabait ito dahil natutunaw ang galit niya. Bakit ganoon ito? Kung makaasta, parang handang kalimutan ang lahat para lamang sa kanya. "Kaya ko ang sarili ko," aniya saka tiningnan ito nang masama. Sana ay makuha ito sa tingin. Kahit paano ay hindi rin naman niya gustong hiyain ito kaya sana'y makaramdam ito.

Malungkot itong ngumiti at tumango. Tumingin ito sa malayo at ilang beses na huminga nang malalim, mukhang kinakalma ang sarili.

"Hindi kita hahayaang mapahamak. Patutunayan ko sa 'yo ang lahat ng sinabi ko. Oo, binalak kitang gantihan pero hindi ko ginawa. Alam mo kung bakit?" anito saka masuyong ngumiti. "Dahil minahal kita nang hindi sinasadya."

Natulala siya sa sinabi nito. Saglit na hindi nasabayan ng utak niya iyon at nang tuluyang pumasok iyon sa kanyang isip ay nagpalit ito ng anyo. Tumakbo ito nang mabilis at nauna sa kanilang pangkat patungo sa digmaan.

Bigla siyang hindi mapakali nang sandaling iyon. Ang kung anumang solidong desisyong nabuo sa kanyang puso'y bahagyang natunaw. Ni hindi nahiyang sabihin ng lalaki ang lahat sa harap ng mga bampirang tumahimik na lamang. Mukhang maging ang mga ito ay nakikiramdam. Salamat sa pananahimik ng mga ito dahil hindi siya handang sagutin ang kahit na anong katanungan ng mga ito.

Napatikhim si Kremes.

Nagpanggap si Inah na hindi siya apektado. Kabibigay lamang ng payo ng kanilang pinuno sa kanya, agad siyang tinalaban sa isang salita ni Juancho...

Napabuntong-hininga na lamang siya.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now