CHAPTER 14.3

168 12 0
                                    

NAPAKUNOT na lamang ng noo si Inah nang tumama ang sinag ng araw sa kanyang mukha. Napatalikod siya upang muling matulog. Mabigat pa rin ang kanyang pakiramdam dahil sa matinding pagod at nais pa niyang bumawi ng lakas. Ah... kailan ba siya huling nagpahinga? Sa pagkakatanda niya ay noong binantayan niya si Juancho na nagpapagaling sa Ygnacia Escondido.

Juancho...

Bigla siyang napamulat ng mga mata nang maalala niya si Juancho. Hindi siya maaaring magpahinga dahil kailangan niyang siguruhin ang kalagayan ng lalaki. Kailangan siya ni Juancho at hindi siya dapat naroon na natutulog lamang!

Napaungol siya. Kagabi ay iginupo siya ng antok sa paghihintay at nagising na lamang siya sa loob ng kubo ni Divina. Pinagalitan niya ang sarili dahil sa pagiging mahina. Napahinga siya nang malalim at akmang babangon na siya nang may isang bisig ang yumapos sa kanyang baywang! Agad na tumigas ang kanyang katawan nang madama niya ang isang mainit na dibdib na sumiksik sa kanyang likuran. Napasinghap siya nang mayroong sumamyo sa kanyang buhok at ibinaon ang mukha sa kanyang batok!

Agad siyang napalingon sa kung sinumang pangahas at natunaw ang kanyang puso nang makita niyang si Juancho iyon. Napakasarap ng tulog nito, payapa ang hitsura. Bagaman halata rito ang matinding pagod ay masasabi niyang wala na ang bakas ng sumpa rito. Hindi na ito namumutla at pinagpapawisan ng malamig. Patag din ang paghinga nito.

Kasabay ng pagluwag ng kanyang dibdib sa nakikitang kalagayan ng lalaki ay napaiyak din si Inah sa labis na galak. Ligtas na si Juancho! Nagawang alisin ni Divina ang sumpa. Kulang ang salitang pasasalamat sa lahat ng iyon.

"B-bakit ka umiiyak..." takang-anas ni Juancho. Mukhang nagising niya ito dahil sa kanyang pag-iyak.

Mabilis niyang pinunas ang kanyang luha at agad siyang ngumiti sa lalaki. "Natutuwa akong makitang ayos ka na," aniya saka niyakap ito. Umunan siya sa dibdib nito at ipinikit niya ang mga mata. Ninamnam niya ang sandaling iyon.

Tumingin naman agad ito sa sarili at sinuri.

Lalong napangiti si Inah nang makita niyang maging ito ay tila hindi rin makapaniwala. Mariing ipinikit nito ang mga mata at nang magmulat ay puno na ng lambong ang mga iyon. "Salamat naman at nakabalik na talaga ako... nawalan na ako ng malay kagabi..."

Hinaplos niya ang mukha nito. "Pero nakilala mo pa rin ako." Lumuluhang napangiti siya nang maalala niya iyon.

Tumango ito. "Ikaw ang dahilan kung bakit ako nagbalik sa normal, Inah," anas nito at hinalikan ang noo niya. "Sabi naman sa 'yo, makikilala kita at iyon ang nagpabalik ng katinuan ko kaya napabilis ang lahat. Salamat at nandoon ka. Salamat dahil minamahal mo ako nang ganito."

Tunaw na tunaw ang kanyang puso. Masuyo ring nginitian niya ito. "Oo, mamahalin pa kita kahit ano ka pa."

Ngumiti ang lalaki at sa isang iglap ay siya na ang nasa ilalim nito. Hinaplos nito ang kanyang pisngi at pinakatitigan siya. "At mamahalin din kita kahit nakatakda kang manilbihan sa loob ng tore. Nauunawaan kong hindi kita makakasama agad sa paraang gusto ko. Nakahanda ako kahit gaano katagal dahil ang taong nagmamahal ay marunong maghintay..."

"Pero... matanda na ako pagdating ng panahong iyon. Hindi ko maaaring kuhanin ito nang sapilitan. Maaari lamang itong isalin kapag oras na ng kamatayan..." aniya, dama ang lungkot sa ideyang iyon. Alam niyang imposible ang lahat ng sinasabi ni Juancho na mahihintay siya nito. Para lubos nitong maintindihan ay ipinaliwanag niya kung gaano kaliit ang angkan ng mga Gonayon. Napahinga siya nang malalim.

Saglit na hindi nagsalita ang lalaki. Anyong napaisip ito hanggang sa titigan siya nito. "Ang sabi mo... hindi maaaring kuhanin nang sapilitan o maisasalin lamang sa oras ng kamatayan. Sigurado ka bang wala nang ibang kamag-anak ang iyong ina na isang Gonayon?"

Napaisip si Inah hanggang sa napailing. "Sa pagkakaalam ko ay ako ang huli."

Muling napaisip si Juancho hanggang sa tinitigan siya nito nang mataman. "Kung sakaling wala na talagang maaaring pumalit sa 'yo, wala na tayong ibang magagawa kundi tanggapin iyon. Maghihintay ako, Inah," anito saka positibong ngumiti nang masuyo sa kanya. "Nang magmahal ako ng isang tagapagbantay, ihinanda ko na ang sarili ko sa lahat ng maaaring mangyari. Marami pa tayong oras para makasama ang isa't isa. Iyon ang isipin natin..." anito saka siya niyakap nang mahigpit. "Para sa oras na bumalik ka sa loob ng tore, marami kang maalalang masasaya nating sandali."

"J-Juancho..." anas niya. Halos sumabog na ang kanyang puso sa saya. Natutuwa siyang makitang hindi naging kabawasan dito ang lahat ng may kinalaman sa kanyang kalagayan. Handa pa rin itong sumige.

"Hindi naman sa dahil hindi tayo magkakasama, hindi na maaaring maging tayo. May mga bagay na wala tayong kontrol at ang pagpipilian lamang natin ay tanggapin iyon. Iisang paraan lang ang naiisip ko para hindi ka mawala sa akin: magpakasal tayo bago ka pumasok sa loob ng tore," suhestiyon nito.

Napasinghap si Inah! Napakurap-kurap siya at napayakap siya nang mahigpit sa lalaki nang makita niyang seryoso ito sa sinabi! Pakakasalan siya! Ganoon talaga siya nito kagusto! "Juancho..."

"Gusto mo bang maikasal sa isang lobong katulad ko?" tanong nito at pinakatitigan siya sa mga mata.

"Oo naman..." naluluhang saad niya. Sunod-sunod ang naging pagtango niya. "Pakakasalan kita dahil hindi ka basta isang lobo. Ikaw si Juancho, ang lalaking pinakamamahal ko," madamdaming saad niya at siya na ang humalik dito.

Mukhang nabigla ito sa iginawi niya at saglit na tila nanigas. Gayunman, nang makahuma ay tinugon nito nang buong init ang halik niya. Ah... para na siyang lumutang sa saya nang sandaling iyon.

"Mahal... na... mahal... kita..." anas nito sa pagitan ng mga labi nila.

"Mahal din kita..." anas niya at siniil ito ng halik.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz