CHAPTER 2.2

220 15 0
                                    

"KUMUSTA ang kalagayan ng kamahalan, Nimfa?" agad na tanong ni Inah. Halata niyang hapong-hapo na rin ito dahil sa panggagamot. Mukhang tulad niya'y nasasagad din nito ang katawan dahil sa labis na paggamit ng kanilang kapangyarihan. Nagpagaling din siya at nag-iipon ng lakas kaya hindi niya nagawang puntahan ang Ilaya, ang nayon ng kanyang pamilya.

Mahigit isang linggo nang hindi lumalabas ng silid si Kremes dahil sa mga pinsala nito. Bukod sa pulburang pilak, mukhang may halong ibang kemikal pa ang mga kuko ng lobong nakasagupa nila. Mas matagal kaysa inaasahan ang nagiging paggaling ni Kremes.

Napahinga si Inah nang malalim nang umiling si Nimfa, tanda na nahihirapan itong gamutin si Kremes.

"Hindi ko inaasahan ang ganitong epekto sa mga bampira," ani Nimfa, tila nahulog sa malalim na pag-iisip. Umiling ito. "Hindi bale, ligtas na siya. Natagalan lang akong gamutin siya dahil dumikit hanggang sa kaloob-looban ng katawan niya ang pinsala. Sa ngayon ay nagpapagaling na lamang siya."

Nakahinga na rin si Inah nang maluwag. Napatango siya. "Sisilipin ko muna ang mga kaanak ko sa Ilaya. Saglit lang ako. Gusto kong makasigurong hindi sila nadamay sa digmaan," paalam niya.

Tumango ang tagapagbantay. "Magsama ka ng mga kawal—"

Agad siyang tumango at lumabas. Tinawag niya ang mga kawal na maaaring sumama sa kanya. Kasalukuyan silang nasa Abra dahil nandoon ang pangkat nina Nimfa. Mas maraming mga sugatan ang naroon kaya doon nananatili ang ilang manggagamot na tulad nito.

Mahigit apat na oras ang kanilang lalakbayin papunta sa Ilaya kaya dapat na silang magsikilos bago pa man pumutok ang araw.

Agad na silang nangabayo. Napahinga si Inah nang malalim nang maisip niyang habang tumatagal ay palaki nang palaki ang pangkat ng mga lobo. Nanalangin siya na bago tuluyang dumami ang mga iyon ay mahanap na ni Emma si Roma. Sa ngayon ay wala pa itong hatid na balita sa kanila.

"Tagapagbantay! Sigurado ba kayong dito ang lokasyon?" sigaw ng isang kawal na nauuna sa kanya nang makarating na sila sa kanilang destinasyon.

Agad iginala ni Inah ang paningin at nasiguro niyang iyon nga ang nayon nila dahil sa kahoy na arkong nakatayo sa di-kalayuan. Agad siyang bumaba ng kabayo at nilapitan niya ang itinuturo ng kawal.

Agad siyang nasindak nang makita niyang abo na ang Ilaya! Mula sa itaas ng bundok na kanyang kinatatayuan ay kitang-kita niyang wala nang nakatayo ni isang bahay. Parang sinipa ang kanyang dibdib at hindi siya makahinga. Bigla siyang nilamon ng matinding pag-aalala.

"Tagapagbantay!"

Hindi niya pinansin ang pagtawag ng mga kawal sa kanya. Agad siyang binalot ng malaking apoy at tila isang bulalakaw na bumagsak sa Ilaya. Agad niyang hinanap ang kinaroroonan ng kubo nila.

"Kuya Isidro! Itay!" halos histerikal na tawag niya habang natatarantang pinagkakakalkal ang mga sunog na kahoy. Base sa hitsura ng mga natupok na kahoy ay mukhang ilang linggo na ang nakalilipas mula nang masunog ang mga iyon. Ilang beses siyang natigilan dahil sa pag-aakalang ang sunog na taong nakita niya ay ang kanyang kuya o ama—hanggang sa napahagulhol na lamang siya nang makita niya ang palamuting kabibe na nakasabit sa kanilang pinto...

Umiiyak na pinulot ni Inah ang kabibe at dinagsa siya ng mga alaala. Unang pagkakataong pumasyal silang mag-anak noon sa dagat at iyon ang ginawa nila ng kanyang Kuya Isidro. Namulot sila ng maliliit na kabibe at magkatulong na ginawa nila iyong palamuti upang isabit sa itaas ng pinto nila. Ginawan din nila ng kuwintas ang isa't isa na sigay ang palamuti.

Habang lumuluha ay nagtiim ang mga bagang ni Inah nang makita niya ang halos kumpol-kumpol na buhok sa kanyang paanan. Agad niyang pinulot iyon at nasiguro niyang mga hibla ng balahibo ng puting lobo iyon! Iginala pa niya ang paningin at agad niyang nakitang halos magsikalat na ang mga iyon sa bawat panig ng Ilaya.

"Lobo..." galit na anas niya habang patuloy sa pagpatak ang kanyang mga luha. Mariing ikinuyom niya ang kamay habang hawak ang mga hibla ng buhok. Damang-dama niya ang pait... ang hagupit ng sakit! Bakit kailangang idamay ng mga lobo ang mga tao? "Magbabayad kayo... Isinusumpa ko!" galit na sigaw niya at muling sumiklab ang buong apoy sa kanyang katawan.

"Tagapagbantay! Kailangan na nating umalis! Naaamoy namin ang malaking pangkat ng mga lobo papunta sa direksiyon natin! Wala tayong laban sa kanila dahil kakaunti lang tayo!" sigaw ng isang kawal.

Namula ang hasang niya sa narinig. Hindi sila maaaring umurong! Hindi niya mahahayaang hindi magbayad ang mga lobo. "Saang direksiyon?" galit na tanong niya saka marahas na pinunas ang luha.

Agad na itinuro ng kawal ang hilagang bahagi ng Ilaya.

Napatango siya at agad na sumakay sa kabayo. "Walang uurong! Aatake tayo!" galit na saad niya saka malakas na pinalo ang kabayo. Umaringking ang hayop sa sakit saka kumaripas ng takbo.

Lakas-loob na sinalubong ni Inah ang mga lobo. Nang makita niya ang buong pangkat ng mga ito ay lalo siyang nanggalaiti. Galit na galit siya! Laban iyon ng mga imortal na kahit kailan ay hindi dapat idamay ang mga mortal! Lalong nagpuyos ang kanyang kalooban!

Agad niyang kinuha ang itim na espada saka galit na iniumang iyon sa pangkat. "Sugod!" malakas na utos niya sa mga kawal.

Nagsipaghiyawan ang mga kawal saka magigiting na tumalima.

Siya naman ay bumuo ng malalaking apoy, ibinato niya iyon sa mga lobong pasugod. Napuno ng pagsabog ang Ilaya. Ang mga alulong ng mga lobo ay malalakas, nakakabingi, ngunit hindi kailanman naging dahilan iyon upang matakot si Inah.

Kasabay ng paglagablab ng galit sa kanyang puso ay naglagablab din ang buong katawan niya. Wala siyang pakialam sa transpormasyon ng mga lobo; bagkus ay nakipagsabayan siya. Ni hindi siya nakadama ng pagod nang sandaling iyon. Pinaiiral ang bawat kilos niya ng matinding galit at sama ng loob sa lahat ng nangyari.

"Ikaw pala ang tagapagbantay, ang may hawak ng elementong apoy," malakas na saad ng isang baritonong tinig sa kanyang likuran.

Bago niya nilingon ang nagsalita ay sinigurado muna niya ang kamatayan ng lobong katunggali niya. Malakas na ibinaon niya ang naglalagablab na espada sa dibdib ng lobong hindi na nakuha pang umalulong sa sakit. Wala siyang pakialam kung bumulwak man ang masagang dugo sa kanyang paanan.

"Ganito ang gagawin ko sa 'yo," malamig na banta ni Inah saka nilingon ang nasa kanyang likuran. Napasinghap siya nang magtama ang kanilang mga paningin. Agad na sumasal ang tibok ng kanyang puso nang makita niya ang kakaibang hitsura nito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now