PROLOGUE

531 17 0
                                    

“APOY ANG siyang nagbibigay init upang mabuo ang harang. Nagniningas… naglalagablab. Isang elemento na nagpapatibay sa isang pagmamahalan. Ako’y narito upang tuparin ang nakatakda… upang panatilihin ang kapayapaan… Mananatili ang isang tagapagbantay ng Abagatan hanggang sa matapos ang itinalagang hangganan…” anas ni Inah Bayangan habang taimtim na nakapikit ang mga mata. Nakaluhod siya at nakaharap sa munting bintanang nakalaan para matanaw ang buong Ygnacia Escondido.

Labing tatlong taon ng nakararaan buhat ng dumating siya sa tore ng Abagatan upang palitan ang kanyang lola—si Indira Gonayon.

Bata pa lamang siya ay madalas ng sabihin ng kanyang ama na siya ang pangalawang tagapagbantay ng tore. Namayapa na ang kanyang ina na siyang susunod sanang tagapagbantay dahil sa sakit sa puso noong pitong taong gulang pa lamang siya.

Hindi naman maaaring ang kanyang ama ang sumunod dahil hindi ito isang Gonayon. Ang kuya naman niya ay hindi rin maaari dahil anak ito ng ama niya sa unang asawa nito. Siya ang natititrang may dugong Gonayon na maaari lamang salinan.

Iyon ang isa sa mga pribilehiyo ng isang tagapagbantay. Nabubuhay ng higit pa sa isang normal na nilalang. Nabuhay ito ng higit isandaang taon.

Labing tatlong taon nang nakakalipas ay isinalin sa kanya ni Indira ang kalahating butil ng pulang binhi. Elemento iyon ng apoy na iniluwa nito sa labi saka ipinasa sa labi niya.

Matapos iyon ay nagbilin ito ng mga dasal na katakatakang agad niyang naisaulo. Marahil ay dahil sa binhing nasa loob ng kanyang katawan na nagbigay pa ng kakaibang talas ng kanyang pandama.

Nang matapos ang lahat ng bilin nito’y tuluyan na itong namayapa. Labing anim ang kanyang edad noon at sa ngayon ay ganap na siyang beinte nuwebe. Iyon ang iminulat sa kanya: ang pagsilbihan at maging tapat sa mga bampirang nagbigay ng kapayapaan sa mga mortal at imortal.

Tubong-Tabuk siya. Isa siyang Kalinga—ang tribo ng mga mandirigma sa norteng bahagi ng Luzon at hindi na bago sa kanila ang pakikipaglaban. Sa katunayan, dumaan din sila sa pagsasanay ng nakatatandang kapatid na si Isidro.

Uso sa mga tribo nila ang pagkikipaglaban sa mga kalabang tribo upang protektahan ang angkan, lupain at karapatan.

Mas naging mahigpit ang pagsasanay niya dahil siya ang sunod na tagapagbatay. Sa edad na labing tatlo ay sinanay pa siyang maigi sa paggamit ng mga sandata at maging sa paggamit ng pisikal na lakas.

Maaaring hindi siya kasing lakas ng lalaki ngunit itinuro ng kanyang ama—na isang magiting din na mandirigma noong panahon nito—na balewala ang lakas kumpara sa bilis.

Doon niya idinaan ang kahinaan niya bilang babae. Mas maliksi siya at mabilis kaya sa lahat ng pagkakataon ay nanalo siya sa lahat ng pagsasanay sa tuwing mayroon siyang kalaban.


Malapit silang magkapatid ni Isidro kahit magkaiba ang kanilang ina. Mas matanda ito sa kanya ng limang taon. Hindi siya nito itinuring iba kaya nang kinailangan niyang umalis ay nalungkot siya.

Alam niyang malabo na sila nitong magkita.Gayunman, tinawanan lang siya nito—na kadalasan nitong ginagawa upang pagaanin ang dibdib niya. Alam naman daw nito na magiging maayos siya at ligtas sa kanyang pupuntahan kaya panatag ito.

Siya lamang ang maaaring makakita ng Ygnacia Escondido sa Barlig oras na dumating ang tamang panahon ng kanyang pagupo. Wala siyang maaaring isama at hindi na siya maaaring makalabas oras na pasukin niya iyon. Siya lamang ang maaaring makapasok doon at ang ilang piling bampira na itinalaga upang silipin siya.

Natuklasan niyang kailangan na niyang palitan ang tagapagbantay dahil sa apoy. Habang nagluluto siya noon ay bigla iyong lumaki. Nabigla siya ngunit lamang doon ang pagkamangha dahil hindi niya maiwasang magkaroon ng tila koneksyon sa apoy.

Doon ito umusal at ibinigay ang araw ng kanyang pagpunta sa Ygnacia Escondido upang palitan si Indira. Sinunod niya ang bilin ng apoy hanggang sa tuluyang maging tagapagbantay.

Itinuon niya ang lungkot sa pagsasanay sa loob ng toreng iyon hanggang sa maging gamay ang paghawak sa elemento ng apoy. Hindi siya nakaramdam ng gutom, pagkauhaw, pagod at inip sa loob ng tore.

Wala siyang ibang ginawa kundi ang pagmasdan ang kagandahan ng buong Ygnacia Escondido at ipagdasal ang walang hangganang kapayapaan. Iyon ang nakatakda, iyon ang kanyang sinumpaan na hinding-hindi niya tatalikuran.

Dahil kay Amado—na itinuring bayani ng kanyang tribo dahil sa pagpapatigil nito sa digmaan—ay ipagpapatuloy niya ang kanyang responsibilidad bilang isang tapat na tagapagbantay.

“Sa ngalan ng mga bathalang nakikinig… malugod kong ipinagbibigay alam na sa loob ng maraming taong lumipas… nanatili ang katahimikan sa Ygnacia Escondido, ang lugar ng pag-ibig ni Amado…” muli niyang anas. Huminga siya ng malalim saka marahang ibinukas ang mga mata.

Ilang sandali pa ay tumayo siya at sumilip sa bintana. Papalubog na ang araw at napangiti siya. Isa iyon sa pinakagusto niyang tanawin sa loob ng tore: ang sinag ng araw na tumatama sa buong harang upang magbigay ng kakaibang liwanag.

Pero ang kakaibang liwanag ay naging panandalian lamang. Dahan-dahang nawala iyon. Buhat sa kanyang kinatatayuan, kitang-kita niya ang Amianan—ang tore sa hilaga ng Ygnacia—na mayroong malaking usok na itim. Unti-unting natutunaw ang harang! Agad siyang sinalakay ng matinding pagkasindak!

“Roma…” wala sa sariling anas niya.

Sumikdo ang kanyang damdamin. Pakiramdam niya ay mayroong nangyaring hindi maganda kay Roma—ang tagapagbantay sa tore ng Amianan sa hilaga. Parang nanlalaki ang kanyang ulo na hindi mawari.

“Roma—!”

Kabadong napalingon siya sa Daya—ang tore sa Silangan kung saan ay pinangangalagaan ni Nimfa. Ang tili nito ay tila humahalo sa tubig.

Malamig iyon at maligalig. Nanuot iyon sa buong himaymay ng kanyang kalamnan at naghatid ng hindi maipaliwanag na kilabot.

“Mga tagapagbatay! Nangyari ang aking pangitain! Si Roma, ang tagapagbantay ng Amianan ay biglang nawala sa loob ng tore!” anas ng isang babaeng tila humahalo sa hangin ang tinig.

Nasisiguro niya ito ang tagapagbantay sa tore ng Laod na itinuring propeta, si Emma. Mayroon itong kakayahang maghatid ng balita sa pamamagitan ng isip.
Nagkakilala silang apat dahil sa elemento ng mundo.

Nararamdaman nila ang isa’t isa kahit sa layo ng distansya nila. Ang elemento ng mundo ang siyang naguugnay sa kanila. Mukhang silang lahat ay dama ang pagkawala ni Roma.

Paulit-ulit ang kabog sa kanyang dibdib. Naninikip iyon at hindi na siya mapakali. Muli siyang napatingin sa hilaga at nagtiim ang bagang niya. Hindi maaaring ang isang tagapagbantay ng hindi naisasalin ang binhi ng elemento.

Kapag nangyari iyon ay hinding-hindi mabubuo ang harang!
At oras na malaman iyon ng mga lobo ay siguradong magkakaroon ng pangalawang digmaan at hindi iyon maaari! Kailangan makagawa sila ng paraan at pigilan iyon!

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now