CHAPTER 9.2

164 13 0
                                    

"Kaya ako nandito ay nangako ako sa ama ni Kremes. Para malaman ninyo ang mga kilos ng mga lobo at makaisip kayo ng paraan para labanan sila."

Tumango na lamang si Inah kay Mikhail at muling nahiga sa papag. Marahil, kahit sino pa ang magsabi sa kanya upang pagtibaying niloko lamang siya ni Juancho ay wala na rin siyang pakialam pa. Sapat na sa kanya ang katibayang nabingit siya sa kamatayan.

Salamat kay Kremes dahil sumunod ito sa kanya. Mayroon daw bampirang nakakita sa kanya at sinundan ang amoy niya. Marahil, kung nahuli lamang ito ay tuluyan na siyang nalunod. Nagising na lamang siyang binubuhay siya nito. Hinang-hina siya nang ibalik siya nito sa base. Nagkaroon din siya ng karamdaman dahil sa pagkakababad niya sa tubig.

Mag-iisang linggo na siyang nagpapalakas. Ginamot din siya ni Nimfa at sa ngayon ay nakabalik na ito mula sa paghahanap kay Roma. Nabanggit din ni Nimfa na mukhang nawalan ng memorya si Roma at sa ngayon ay muling ipinaalala rito ang tungkulin nito. Gayunman, nagkaroon daw ng kaguluhan at itinakas daw si Roma ng bampirang traidor kaya muli na naman nilang hinahanap ang tagabantay.

Nang maaari na siyang tumanggap ng bisita, sinabihan siya ni Kremes na kailangan niyang makaharap ang lobong tinutukoy nito—si Mikhail. Sinamantala ni Kremes na wala ang mga bampira. Kailangan daw nitong pag-ingatan ang katauhan ni Mikhail na siyang nagiging mata nila sa mga lobo. Kasalukyang nasa digmaan ang mga bampira sa kapatagan dahil dumating na ang malaking hukbo ng mga lobo.

"Salamat sa mga impormasyon," malamig na saad niya at napahinga nang malalim. Tuluyang binalot ng kalamigan ang kanyang puso. Durog iyon at tuluyang nagmanhid na. Hindi na rin niya alam kung mabubuo pa iyon.

Nagkaganoon na siya. Malamig, matigas at handang bumangon. Hinding-hindi na siya mapapaikot pa ng kahit sino. Lalaban siya. Bilang isang tagapagbantay na saglit na nawala sa sarili dahil sa pagmamahal na iyon, sisiguruhin niyang hindi magtatagumpay ang kahit sino.

Lumabas na si Kremes. Saglit niyang narinig ito at si Mikhail na nag-usap sa labas ng silid niya hanggang sa tuluyang umalis ang lobo. Ilang sandali pa ay binalikan siya ni Kremes. Naupo ito sa tabi niya at huminga nang malalim. "Kumusta na ang pakiramdam mo?"

Huminga si Inah nang malalim at tinitigan niya ang lalaki. "Mabuti-buti na rin. Maaari na akong sumabak sa digmaan."

"Inah—"

Agad siyang umiling nang makita niya ang pagtutol sa mukha nito. "Pahinga lang ang kailangan ko at nakapagpahinga na ako. Kailangan ako ng mga bampira."

"Pero—"

"Huwag kang mag-alala. Alam ko ang mga dapat kong gawin at makakaasa kang hindi na ako magiging katulad ng dati," malamig na saad niya ngunit solido ang kanyang desisyon.

Hinding-hindi na siya magiging mahina. Gagawin niya ang dapat niyang gawin: ang maging tagapagbantay at protektahan ang Ygnacia. Iyon naman talaga ang dahilan kung bakit siya nandoon at hindi ang magmahal o magpaloko.

Humapdi ang kanyang puso ngunit nagpakatimpi siya. Ilang gabi na niyang iniyakan ang pagkabulag sa lalaki at nilaktawan ang ideyang pinaiikot lamang siya ni Juancho. Namaalam nang maayos ang Kuya Isidro niya sa kanya. Dapat ay pinag-aralan niya iyong tanggapin. Kung pagbabasehan niya ang salita ng kanyang kuya sa sulat, wala na itong lunas pa.

Huminga si Kremes nang malalim. "Paglubog ng araw, pupunta tayo sa kapatagan. Ihanda mo na ang sarili mo."

Tumango siya at nang iwan na siya ng lalaki ay nagpahinga na siya. Pagkagising niya ay agad siyang naghanda. Bitbit ang pusong binabalutan ng matinding kalamigan ay sumabak sila ni Kremes sa digmaan.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now