CHAPTER 13.1

154 12 0
                                    

NAPASINGHAP si Inah nang makita niya ang unang nayon ng Tadian na pinasok nila. Sunog ang halos lahat ng mga kubo roon. Maging ang mga palayan ay sira. Halatang inatake ang lugar ilang oras na ang nakalilipas.

Napatingin siya kay Juancho na tiim na tiim ang mga bagang. Si Kremes naman ay bumaba at tiningnan kung buhay pa ang ilang taong nakahandusay sa daan.

Nanikip ang dibdib ni Inah nang umiling ang kanilang pinuno at hinagod ang buhok.

"Kailangan nating magmadali. Baka lahat ng nayon dito ay iniisa-isa na ng mga lobo para hanapin ang mambabarang," ani Kremes saka sumakay ito sa kabayo.

Sang-ayon sila ni Juancho at mabilis na nilisan nila ang lugar. Ni isa sa kanila ay walang nagbukas ng usapin. Lalong kinabahan si Inah nang halos lahat ng tatlong nayon na nadaanan nila ay ganoon din ang kinalabasan.

"J-Juancho," nag-alalang tawag niya nang makita ang matinding galit nito. Ngayon lamang niya nakita itong ganoon. Tahimik ito at nadarama niyang tila isa itong bulkang nagbabadya ng matinding pagsabog.

"Dumeretso tayo sa ituktok ng bundok!" malakas na saad nito kay Kremes.

Sa unang pagkakataon ay mabilis na sumang-ayon si Kremes. Halatang nagkatugma ang iniisip ng dalawa. Mabilis na pinasok nila ang masukal na gubat hanggang sa nakarating sila sa ituktok niyon at nakahinga siya nang maluwag nang makita niyang maayos pa ang isang nayon doon. Tahimik ang lahat ng tao sa kanya-kanyang gawain.

May mga magsasaka sa ibaba ng hagdang-palayan at mayroong mga babaeng namimitas ng mga sariwang gulay. May mga matatandang nagkukuwentuhan sa ilalim ng lilim ng mga puno. Masasayang naghahabulan ang mga paslit.

Sa nakikita ni Inah na kapayaan ay hindi niya maiwasang makadama ng lungkot at pag-aalala. Alam niyang ilang oras na lamang ang nalalabi sa nayon na iyon para maging ganoon kapayapa. Darating na ang mga lobo at kailangan nilang maabisuhan ang mga tao para lumikas.

"Kailangan natin silang paalisin dito," anas ni Juancho at napatango siya. Nagtugma rin ang mga damdamin nila.

"Magtatanong-tanong kayo tungkol sa mambabarang. Kakausapin ko ang mga matatanda," ani Kremes.

Sabay silang tumalima ni Juancho at hindi nakaligtas sa kanyang paningin nang sundan ni Kremes ng tingin si Juancho. Marahil ay hindi nito inaasahan ang inakto ng huli: na makikinig din ito sa mga suhestiyon at kikilos sila na tila iisa.

Nilibot nila ang buong nayon at nang may makita silang isang matanda na nakaupo sa tumba-tumba ay napagpasyahan nilang iyon ang kausapin. Umaasa silang sa edad nito'y marami na itong nalalaman. Agad silang bumati ng paggalang nang makababa na sila ng kanilang mga kabayo.

"Ano'ng maipaglilingkod ko?" nakangiting tanong ng matanda at inayos ang upo. Base sa mga mata nito'y bulag na ito. Walang reaksiyon ang mga iyon at sa iba nakatingin. Hindi na ito makatayo kaya pinatuloy na lamang sila sa maliit at kahoy na balkonahe.

Gustong mapangiwi ni Inah nang makitang alanganin ang taas ni Juancho. Kung tatayo ito nang tuwid ay siguradong lalagpas ang ulo nito sa bubong.

"Gusto ko lang hong malaman kung may kilala kayong magaling na mambabarang dito," magalang na tanong ni Juancho.

Natigilan ang matanda. "B-bakit? Sino ang nakulam at kailangan ninyo si Divina?"

"A-ang kuya ko ho," singit ni Inah; huminga siya nang malalim. "Isinumpa ho siya at kailangan namin ng mahusay na mambabarang para putulin ang sumpang tumama sa kanya," pagdadahilan niya. Alam niyang oras na malaman ng matanda ang tungkol sa laban ng mga imortal ay baka palayasin sila nito.

Mariing ipinikit ng matanda ang mga mata at umiling. "Pinaalis siya rito sa nayon. Alam naman ninyo na hindi tanggap ng mga tao ang isang tulad niya. Ang balita ko'y naninirahan siya sa ituktok ng bundok Santo Tomas."

"Saan ho iyon? Mahalagang makita ho namin siya, pakiusap," ani Inah at hinawakan ang magaspang at kulubot na kamay ng matanda.

Huminga ito nang malalim. "Tumingin kayo sa paligid at ang makikita ninyong bundok na siyang pinakamataas, iyon ang Bundok Santo Tomas. Dalawang oras ding akyatan iyon."

Napatango sila ni Juancho at hindi na sila nag-aksaya ng mga sandali. Agad na silang nagpaalam. Pababa na sila ng balkonahe nang may bigla siyang naalala. Muli niyang nilapitan ang matanda at hinalikan ito sa pisngi bilang pasasalamat. "Lola... huwag ho sana kayong matatakot sa sabihin ko. Kailangang lisanin niyo ang lugar na ito sa lalong madaling-panahon. Marami ang naghahanap sa mambabarang at..."

Tumango ang matanda at hinagilap ang kamay niya. "Nauunawaan ko. Matagal nang mayroong mga nagpupunta rito upang hanapin si Divina..." anito saka umiling. "Hinihintay ko na lamang ang anak ko. Paalis na rin naman kami at isasama na niya ako sa kapatagan kasama ang asawa niya."

Nakahinga na si Inah nang maluwag. Muli siyang nagpaalam sa matanda at agad nilang pinuntahan ni Juancho si Kremes. Naigala niya ang paningin nang makitang wala nang tao sa paligid.

"Nasabihan ko na silang kailangan nilang lisanin ang lugar. May mga naghahanap sa mambabarang at delikadong harapin nila iyon. Agad naman silang naniwala. Basta raw mambabarang ang pinag-uusapan ay alam daw nila kung gaano kadelikado ang masabit doon," ani Kremes, huminga nang malalim.

"Sa Bundok Santo Tomas ang destinasyon natin," ani Juancho.

Agad tumango si Kremes.

Mabilis nilang nilisan ang lugar at inakyat ang bundok. Dalawang oras ang nilakbay nila hanggang sa makarating sila roon.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now