CHAPTER 11.1

163 11 0
                                    

"Kailangan nating makatuklas ng panlaban sa kanila. Nimfa, makakagawa ka ba ng gamot?" tanong ni Mayilda.

Tumango sa pagsang-ayon si Inah. Napahinga sila nang malalim ni Nimfa. Ilang beses na inatake ng mga alijandrikos ang base nina Nimfa noon dahil sa pagpapakawala sa mga iyon. Saglit na nagkawatak-watak ang pangkat ngunit muling nabuo dahil na rin sa pagbangon ng mga bampira.

"Sisikapin ko pong kausapin ang bathala ng elemento ng tubig," magalang na sagot ni Nimfa.

"Tutulong din ho ako," segunda ni Alicia.

Tumango si Mayilda at nanghihinang naupo sa trono.

Mabilis na natunton nila ang Ygnacia Escondido; sa mabilis na paglipas ng mga buwan ay agad nagbago ang hitsura niyon. Wala na ang dating sigla at kagandahan ng lugar. Marahil ay dahil walang proteksiyon. Mabilis na naluma iyon at inamag. Ang mga likas na talon sa gilid niyon na tila regalo ng kalikasan ay natuyo. Nagmumukha na iyong isang nakakatakot na kastilyong nilipasan ng maraming taon.

"Sina Razo ay ganoon din ang problema sa Bontoc. Malapit nang magising si Symla. Tiyak na ikakasama niya ng loob kung mabubungaran niya ang hitsura ng Ygnacia na ganito..." nanghihinang saad ni Mayilda. "Mas makabubuting manatili kayo rito sa Ygnacia. Malala na ang digmaan at hindi namin maaaring isugal ang kaligtasan ninyo."

Napatango si Inah ngunit ang sinabi ni Mayilda ay hindi niya magagawa. Nagtalo ang kanyang kalooban. Nag-aalala siya kay Juancho. Habang tumatagal ay hindi niya mapigilan iyon. Lalong nagsusumiksik iyon sa kanyang isipan. Mag-isang hinarap nito ang mga alijandrikos at si Bagwis. Alam niyang hindi patas ang laban.

"Kailangan ko hong bumalik sa Kalinga," biglang saad niya.

Natigil sa pagtayo si Mayilda at nagtatakang nilingon siya. "May nakalimutan ka ba roon? Ipapakuha ko na lamang kay Kremes," anito saka malungkot na ngumiti. "Hija, nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo at salamat. Sa ngayon, kailangan mong manatili rito."

Naikuyom ni Inah ang kamay nang umalis na ito at naiwanan silang apat. Tila wala siya sa sarili nang mag-usap ang dalawa. Wala siyang ibang naiisip kundi si Juancho. Hindi lang siya basta nakokonsiyensiya dahil sa pang-iiwan niya rito kundi labis siyang nag-aalala talaga. At ang pag-aalalang iyon ay mapapawi lamang kung makikita niyang nasa maayos na kalagayan ang lalaki.

Napaigtad na lamang siya nang tapikin siya ni Kremes. Napatingin siya sa pinuno at umiling ito sa kanya. "Huwag mo nang balakin pang balikan si Juancho."

"Pero maaari siyang makatulong!" giit niya. Isang bagay iyon na sumagi sa isip niya. "Marami siyang nalalaman tungkol sa mga alijandrikos."

"Hindi komo iniligtas niya tayo, magtitiwala na tayo sa kanya!" mariing saad ng kanilang pinuno na nagpatigil sina Alicia at Nimfa sa pag-uusap, natuon ang atensiyon sa kanilang dalawa ni Kremes pero hindi na niya iyon pinansin.

"Ipaliliwanag ko sa kamahalan ang lahat," pilit niya at iniwanan ito ng isang masamang tingin.

Mabilis siyang sumunod kay Mayilda. Hindi na siya nag-aksaya ng sandali nang maabutan niya ito sa pasilyo. Agad na nilapitan niya ito at mabilis na ipinaliwanag ang lahat. Nanatili itong tahimik at tila pinag-iisipan ang lahat ng sinabi niya.

"Lola, hindi tayo magtitiwala sa lobong iyon," giit ni Kremes at ipinaliwanag din nito kay Mayilda ang natuklasan kay Juancho. Sinabi na rin nito kung kanino at ano ang basehan nito sa impormasyon.

Naiinis na tiningnan niya si Kremes. Mukhang naiinis din ito sa kanya pero wala na siyang pakialam.

"Kamahalan, ang mahalaga ay makagawa tayo ng paraan sa lalong madaling-panahon. Kung nakagawa man ng marahas na hakbang si Juancho laban sa amin, nauunawaan ko. Natural na reaksiyon iyon ng isang kapatid na namatayan," ani Inah. Napahinga siya nang malalim. "Ako mismo ang magpapatunay sa inyo na matutulungan niya tayo. Matalino siya at ismarte," aniya at isiniwalat ang lahat ng mga nagawa ni Juancho. "Hindi man ho magandang pakinggan pero... si Juancho ang halos nasa likod ng tagumpay ng mga lobo sa larangan ng pagtuklas ng kakaibang sandata laban sa mga bampira. Kailangan natin ang isang henyong tulad niya."

"At ano ang kasiguruhan mong makikipagtulungan siya sa atin?" nananantiyang tanong ni Mayilda. "Katulad ba siya ni Amado na handang talikuran ang lahat?"

Napayuko si Inah at napahinga nang malalim. "Maaaring hindi siya katulad ni Amado pero nasisiguro kong papayag siya," aniya saka determinadong tumitig dito. "Alam kong handang bumawi si Juancho sa lahat ng nagawa niya."

Muling tila napaisip ang reyna. Tila tinimbang ang lahat hanggang sa tumango ito saka tiningnan si Kremes. "Hanapin mo si Juancho. Kailangang makausap ko siya,"

Lumarawan ang matinding pagkadisgusto sa mukha ni Kremes. "Hindi ako papayag."

"Kamahalan, handa akong tanggapin ang misyon," boluntaryo ni Inah at tiningnan nang masama si Kremes. Alam niyang mas mataas pa rin ang ranggo nito sa kanya pero hindi niya mapigilang mainis. Nakakainis ang ubod-tayog na katigasan nito. Iniligtas sila ni Juancho, ni hindi man lang nito pahalagahan ang bagay na iyon.

"Hindi maaari," ani Mayilda saka tiningnan si Kremes. "Wala kang ibang pagpipilian. Dalhin mo si Juancho rito sa lalong madaling-panahon. Kung iniisip mo ang pangkat mo sa Kalinga, si Razo ang uutusan kong mamuno roon. Maasahan ang kanang-kamay niya sa Bontoc at sa tingin ko'y maaari niyang hawakan iyon."

"Hindi ho iyon. Ayokong makipag-ugnayan tayo kay Juancho," giit ni Kremes.

"Wala tayong ibang pagpipilian. Kremes, gawin mo ito para sa Ygnacia. Ikaw lang ang maaaring makipag-ugnayan sa kanya dahil may isang lobo kang kakilala. Makipagtulungan ka sa kaibigan mong si Mikhail."

Hindi nakakibo si Kremes. Mukhang nakanti ni Mayilda ang puso nito tungkol sa Ygnacia. Ilang sandaling tila nag-isip ang lalaki hanggang sa tumango na rin ito. Nginitian ito ni Mayilda bago sila iniwan.

Nakahinga na rin si Inah nang maluwag dahil doon.

"Sisiguruhin kong titingnan ko ang lahat ng kilos ni Juancho. Hinding-hindi ko siya hahayaang sirain ang lahat ng pinagpaguran ng ama ko," mariing saad ni Kremes saka siya iniwan.

Nasundan na lamang ni Inah ito ng tingin at napahinga nang malalim. Nauunawaan niya ito. Bilang isang anak, hindi nito maaaring ipaubaya sa kahit na sino ang Ygnacia. Hindi ito basta-basta nagtitiwala. Sana lamang ay makita nito na maaari nitong pagkatiwalaan si Juancho. 

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon