CHAPTER 5.1

192 13 0
                                    

SALAMAT sa lahat, Juancho. Sana, dumating ang araw na mapatawad mo rin ako.

Gustong batukan ni Inah ang sarili dahil nanginginig siya habang nag-iisip ng sabihin kay Juancho. Ilang araw na siyang kumukuha ng buwelo dahil malapit na ang kanilang pag-alis. Ilang araw pa ang ginugol nito sa pag-alis ng mga naglalakihang bato sa bukana ng yungib. Gayunman ay lalo itong naging tahimik at tila laging nag-iisip.

Huminga siya nang malalim at napatingin kay Juancho na abalang nag-aayos ng ilang gamit. Kabadong naglakad siya palapit dito at hinawakan ito sa braso.

Napakislot ang lalaki. Napakislot din ang kanyang puso sa pagdadaiti ng mga balat nila. Tila mayroong boltaheng dumaloy sa ugat niya.

Tumaas ang dalawang kilay ng lalaki dahil hindi niya magawang magsalita. Tuluyan na siyang hinarap nito at pinagmasdan. Lalo siyang nailang!

"P-patawad," pigil-hiningang saad niya at lakas-loob na hinawakan ang kamay nito. Pinisil niya iyon para madama nitong sinsero siya sa kanyang mga sasabihin. "Makakabayad din ako sa lahat ng utang ko sa 'yo."

Huminga nang malalim ang lalaki. Tumingin ito sa malayo at nang tumingin uli ito sa kanya ay napalunok siya. Napakatiim ng titig nito na tila binabasa maging ang kanyang kaluluwa. "Saka na lang ako maniningil," seryosong sagot nito at magaang na pinisil ang ilong niya. "Ang mahalaga, malaman natin ang nangyari sa pamilya mo. Alam kong hindi ka matatahimik hangga't hindi mo nalalaman ang lahat."

"S-salamat," anas niya. Ngumiti siya sa lalaki at bagaman naluluha siya, natutuwa siyang malaman na tutulungan siya nito sa kabila ng lahat. Napayuko siya. "Aalamin mo pa talaga kahit malaki ang atraso ko..."

Huminga ito nang malalim. "Alam ko pero..." anas nito at umiling. "Hindi lang siguro talaga ako matahimik. Hindi pa nangyaring umatake kami ng mga tao."

"Talaga?" nabibiglang tanong niya. Hindi niya naisip ang anggulong iyon dahil para sa kanya, mababagsik ang mga lobo.

Tumango ito at ngumiti na siya rito. Natutuwa siyang malaman iyon.

"Lalo kang gumaganda kapag ngumingiti."

Nag-iinit ang mga pisnging napayuko si Inah. Titig na titig si Juancho sa kanya na tila nangingiti pa. Bagaman narinig na niya ang sinabi nito mula sa maraming bampira, kakaiba ang hatid na papuri ni Juancho sa kanyang puso. Isang guwapong lobo? Nagagandahan sa kanya? Ah... hindi niya mapigilang lumigaya.

"G-guwapo ka rin naman..." hindi napigilang komento niya. Lalong nag-init ang kanyang mukha. Hindi rin kasi niya mapigilang maging tapat sa bagay na iyon. Gusto niyang ipabatid dito kung ano ang tingin niya rito.

Napatingin na lamang siya nang marinig niya ang pagtawa nito. Lalo siyang napanganga nang makita niyang napakaguwapo pala nito kapag tumatawa. Maging ang kislap ng mga mata nito ay napakagandang tingnan. Nawawala ang kahit anong senyales na isa itong lobo na may sakit na pinagdaraanan.

"Inah... siguradong maiisip kita nang madalas," nakangiting saad nito at umiling. Dumaan ang saglit na lungkot at panghihinayang sa mga mata nito na tila dinaya lamang siya ng paningin.

Ako rin, maiisip kita... anas ng puso ni Inah. Batid niya ang bagay na iyon dahil lagi niyang ipagdadasal ang kapatawaran ng lalaki. Maging ang kaligtasan nito ay ipagdadasal din niya. Iyon lamang ang maibibigay niya rito.

Hinawakan niya ang palad nito at pinisil. Sana ay madama nitong lubos na ikinalulungkot niya ang nangyari sa kapatid nito. Na katulad lamang siya nito, may damdamin din siya at marunong siyang mahiya.

Bahagya lamang na ngumiti sa kanya ang lalaki at nagpatuloy sa ginagawa. Pagkatapos ay sabay na silang lumabas at bago siya sumakay sa kabayo ay pinigilan siya nito. Nagtatakang napatingin siya rito.

"Maaari mo nang gamitin ang kapangyarihan mo. Ang totoo, noong nagkasakit ka pa. Inalis ko ang kuwintas na nagsisikil ng kapangyarihan mo. Ginawa ko iyon para gumaling ka agad."

Lalo siyang nanliit. Kung kinokonsiyensiya siya ni Juancho sa kabaitan nito ay nagtatagumpay ito. Gayunman, batid niya sa mga tingin nito na hindi ganoon iyon. Alam niyang ginawa nito ang bagay na iyon dahil nagmamalasakit ito.

"Salamat sa lahat, Juancho," sinserong saad niya at bilang pasasalamat, tumingkayad siya at ginawaran ang lalaki ng halik sa pisngi.

Halos mabingi na siya sa sariling kabog ng dibdib nang lumayo siya sa lalaki. Hindi siya makatingin nang tuwid dito! Parang hinahalukay din ang kanyang sikmura sa hiya! Ang lakas ng loob niya! Gayunman, iyon ang sa tingin niyang maaaring igawad sa kabaitan nito. Nakabawi na ito nang todo sa pagdakip sa kanya.

Bahagyang tumawa si Juancho. "Nagiging mahiyain ka rin pala. Hindi ko akalain na ang isang babaeng mandirigma na ubod ng tapang, napakaganda rin palang tingnan kapag pinamumulahan ng mukha."

"Juancho!" naiilang na angil niya rito. Maging ang leeg niya'y namumula na rin. Bakit naman hindi? Unang pagkakataon na humalik siya sa isang lalaki!

Tumawa na ito. "Maiisip talaga kita. Sana... maisip mo rin ako."

Nanikip ang dibdib ni Inah sa sinabi nito. Bigla niyang naisip, kapag maalala ba siya nito ay mapapangiti ito o malulungkot? Dahil batid niyang ang kanyang presensiya ay maghahatid ng lungkot dito. Siya ay simbolo ng pagkamatay ng kapatid nito.

Napahinga na lamang siya nang malalim. Inalalayan siya ni Juancho na makasakay sa kabayo. Bago sila umalis ay binalot siya nito ng sarili nitong kapa. Napatingin siya rito dahil nagtaka siya sa iginawi nito. Hindi naman siya bampira na takot sa liwanag.

Bahagyang ngumiti ang lalaki. "Baka may makasalubong tayong mga lobo. Ang kapang ginagamit ko ay protektado ang kung anumang nasa loob, amoy man o presensiya ng mortal o imortal. Wala silang maaamoy. Gawa ito sa isang hombre-lobo, isang uri ng mabangis na hayop sa isang masukal na gubat ng Barcelona na may kakayahang itago ang sariling amoy para sa sariling kaligtasan."

"Ibig sabihin, hindi ako maaamoy ng kahit sino habang suot ko ito?" paniniyak ni Inah.

Tumango ang lalaki. "Kahit ng isang hayop na mayroong matalas na pangamoy sa balat ng lupa. Pinag-aralan ko ang bagay na iyan at ilang beses ko nang napatunayan. Ito ang nagsagip sa amin ni Enrique tuwing nagigipit kami. Dito kami nagtatago at hindi na kami mapapansin dahil nawawala ang amoy namin."

Bilib na bilib siya sa lalaki. Ganoon ito kagaling at hindi na siya magtataka pa kung bakit nakakalikha ang mga lobo ng matitinding armas. Biniyayaan ang buong pangkat ng isang ismarte at matalinong lobo. Halata iyon sa kislap ng karunungan sa mga mata nito at alam niyang isa ito sa likod niyon.

At ipinagagamit nito iyon sa kanya. Poprotektahan siya nito sa kabila ng lahat. "Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito? Malaki ang kasalanan ko sa 'yo..." napapantastikuhang wika niya.

Hinawakan ni Juancho ang renda at umayos nang upo sa likuran niya. Tila inipit ang kanyang baga sa kakahintay ng sagot nito hanggang sa tumalon ang kanyang puso nang tingnan siya nito. "Isipin mo na lang na isa akong lalaki na pinoprotektahan ang isang magandang babae," anito saka siya kinindatan.

Napasinghap si Inah at napahawak na lamang siya sa braso ng lalaki nang pasibarin nito ang kabayo. Ang bilis-bilis tuloy ng tibok ng kanyang puso. Gayunman, natutuwa siya na sa paghihiwalay nila ay naging maayos ang lahat. Bagaman hindi ibinigay ng lalaki ang kapatawaran, sa nakikita niya'y wala na ang matinding galit nito. Naidalangin niyang sana'y magtuloy-tuloy na iyon.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now