CHAPTER 13.2

150 13 0
                                    

"Maghiwalay tayo!" sigaw ni Kremes habang patuloy sa pagtakbo ang mga kabayo nila. "Sabay nating ikutin ang bundok para mahanap agad ang mambabarang!"

"Sige!" ani Juancho. Pinalo nito ang kabayo at tinumbok nila ang kanan.

Inikot nila ang bahaging iyon hanggang sa makakita sila ng isang lumang kubo. Base sa nakikita nilang usok na nagmumula sa likuran na tila kusina ay mayroong tao roon. Nabuhayan sila ng loob ni Juancho. "Ako muna ang lalapit sa kubo. Kailangan nating makasiguro. Dito ka muna," bilin nito sa kanya.

Tumango siya at bumaba na ito. Nang makarating sa pinto ng kubo ay kumatok ito. Lumipas muna ang ilang segundo bago nabuksan iyon. Nagkandahaba ang leeg niya dahil napakaliit na siwang lamang ang ibinukas ng pinto. Hindi tuloy niya makita ang mambabarang.

"Napakabilis ninyong natunton ang mambabarang. Dapat pala ay hindi na namin nilibot ang buong Tadian at dito na lamang dumeretso."

Nanigas ang likuran ni Inah nang marinig si Bagwis! Lilingunin pa lamang sana niya ito ngunit mabilis na siyang nahila nito pababa! Agad nitong tinakpan ang mga labi niya. Nagpumiglas siya nang hilahin siya at itago sa likuran ng malaking puno!

"Shhh..." anas nito. "Mabuti na lamang pala, naghiwalay kami ng pangkat ko. Nauna kong natunton ito. Pero mas nauna pa pala kayo. Hindi talaga kayo titigil sa pakikialam, ano?" gigil na saad nito saka lalong idiniin ang palad sa mga labi niya.

Nasaktan siya sa ginawi nito at sa sobrang galit ay nagliyab siya. Agad siyang nabitawan nito, gitlang-gitla sa lagablab niya. Mas maningas iyon at mas malaki. Taas-baba ang dibdib niya dahil sa galit na bumangon sa kanyang dibdib!

"Inah!" sigaw ni Juancho. Mukhang napansin na ng lalaking wala siya sa kabayo. Sa isang mabilis na sandali ay naging bulalakaw siya at bumagsak sa harap ni Juancho. Noon niya napansin ang isang babae sa likuran nito, marungis at halata ang karungan sa mga mata nito. Kasing-edad niya ang babae ngunit sa nakikita niyang ayos nitong tila taong-grasa ay mas iisiping matanda ito. Mayroon na rin itong ilang hibla ng puting buhok. Hindi ito maayos manamit. Mukhang kinatatamaran na nitong ayusin ang sarili.

"Hawak mo ang elementong apoy?" namamanghang tanong ng babae.

Agad siyang tumango. "Wala na akong panahong magpaliwanag pa. Kailangan mong sumama sa amin!" aniya saka tiningnan si Juancho. "Si Bagwis— Juancho!"

Halos mayanig siya nang mabilis na dinaluhong ito ni Bagwis. Agad na nagpalit ng anyo si Juancho at mabilis na gumana ang isip niya. Hinila niya si Divina at agad na pinasakay sa kabayo.

"Teka! Hindi pa ako pumapayag!" angal nito.

"Kailangan! Nakikiusap ako. Para ito sa mga taong naging alijandrikos," pakiusap niya rito.

"Pero—"

"Ipapaliwanag namin ang lahat pagdating natin sa Ygnacia. Pakiusap, kailangan mong umalis. Nanganganib ang buhay mo dahil sa lobong iyon!" aniya saka itinuro si Bagwis. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niyang nadedehado na si Juancho!

Tila mga mababangis na hayop kung maglaban ang dalawa at hindi siya basta mananahimik na lang! Agad siyang naglagablab at sa isang mabilis na sandali ay nakipaglaban din siya kay Bagwis. Pinagtulungan nila ito ni Juancho. Salit-salit silang dalawa. Pagkatapos niya itong tamaan ng espada ay lalapain naman ito ni Juancho.

Ngunit mukhang nakuha agad ni Bagwis ang ritmo nila ni Juancho dahil sa isang mabilis na sandali ay nahawi siya nito. Lumipad siya sa kubo at naliyo dahil sa pagkakatama ng kanyang ulo sa haliging kawayan ng kubo.

Napaalulong nang pagkalakas-lakas si Juancho at sa nanlalabong paningin ay nakita niyang pinaglalalapa nito si Bagwis hanggang sa hindi na makakilos ang huli. Napahawak siya sa ulo at sa isang kidlat na sandali ay nasa harap na niya si Juancho. Nakapagpalit-anyo na ito at agad siyang dinaluhan.

"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong nito at hinaplos ang kanyang buhok. Hindi nito inalintana ang sariling pinsala at siya ang inuna. Agad siyang sinuri.

"A-ayos lang ako— Juancho—!"

Halos mabaliw si Inah nang hilahin ito ni Bagwis at kagatin ang pagitan ng leeg at balikat nito!

Hindi pa pala tuluyang namatay si Bagwis! Mukhang kumuha lang ito ng tamang pagkakataon upang gulangan sila!

"Argh—! Argh—!" sigaw ni Juancho. Nagbabadya ito ng pagpapalit ng anyo ngunit tila agad itong nanghina kaya hindi nito magawa ang nais.

Mabilis na hinagilap ni Inah ang espada at agad na itinarak iyon sa likod ni Bagwis! Humiyaw ito at tumingala sa langit. Nag-uumapaw ang dugo sa mga labi nito, ang mga mata ay nanlalaki sa sakit at pagkabigla sa sinapit! "Ah—!" panaghoy nito.

Muling hinila ni Inah ang espadang nakabaon sa katawan ni Bagwis at napahiga ito sa lupa. Naglagablab ang espada niya sa labis na poot. Kahit ilang beses na napabuga ng dugo si Bagwis ay walang awang itinarak niya ang nag-aapoy na espada sa dibdib nito. Nagpakawala ito ng huling sigaw. Hindi niya inalis ang espada sa dibdib nito upang pigilang makapaghilom. Aalisin lamang niya iyon kung siguradong namatay na ito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now