Napatitig si Juancho rito at napamura siya nang tumaas ng isang sulok ng mga labi nito.

"Si Herna..."

"A-ano'ng ginawa mo?" nagtitimping tanong niya.

Ngumisi ito. "Ano ba ang ginagawa sa mga traidor at sa isang baliw na wala nang ginawa kundi ang mangulit dito?"

Napamura si Juancho. Tuluyan nang nagiba ang gahiblang pagtitimpi niya sa pangkat na iyon. "Mga walanghiya kayo!" sigaw niya at nagpilit siyang kumawala sa kadena. Pati matanda ay idinamay ng mga ito? Mga walang puso ang mga ito! "Gusto lamang niyang manahimik! Bakit hindi na ninyo hinayaan! Bakit pati si Herna..." Lumong-lumo siya. Pati ang babaeng wala sa sarili, hindi pinatawad!

"Kailangan kong mag-ingat! Marami na kayong nakakaalam sa plano ko at sisiguruhin kong uubusin ko kayo," nagngingitngit na saad ni Bagwis. "Akala n'yo ay matatakasan ninyo ako?" anito saka tumawa nang nakakaloko. "Natuklasan din ni Herna na sangkot si Enrique dito dahil narinig niya kami ni Agno. Mukhang nagbalik na siya sa katinuan. Aba'y nagalit at nilabanan ako!" anito saka ngumisi. "Pinatay ko rin siya, Juancho. Uubusin ko ang sinumang sisira sa plano ko," mariin at makahulugang saad nito.

"N-nasisiraan ka na... N-napakawalang-hiya mo..." galit na anas niya saka naubo muli ng dugo. Napailing siya sa kabila ng paghihirap. "A-akala mo... ikaw na ang pinakamalakas dito... a-alam ko... nakahanap ka lang ng magaling na bruja para putulin ang sumpa ng pagiging alijandrikos..." panghuhuli niya rito. Ang bruja na tinutukoy niya ay isang malakas na uri ng mangkukulam na galing sa Barcelona at katumbas noon sa Pilipinas ay mambabarang. Isa iyon sa mga inimbestigahan niya at sa tingin niyang maaaring magkaroon ng koneksyon dito.

Gigil na hinaklit ni Bagwis ang leeg niya. "Oo, at pinatay ko rin siya pagkatapos niya akong gawan ng seremonyas. Sisiguruhin kong ako lamang ang susundin ng mga lobo. Naalis man niya ang sumpa sa panlabas kong anyo, hindi pa rin naaalis ang sumpa na dumadaloy sa dugo ko. Kaya kahit ano'ng gawin mo, wala nang lunas si Isidro. Mananatiling alagang hayop ko siya!" galit na amin nito saka siya padarag na iniwan.

Nagtiim ang mga bagang ni Juancho at doon niya tuluyang naunawaan ang lahat.

"Pugutan ninyo ng ulo ang inutil na ito! Wala na rin lang itong silbi dahil wala na ang mga bukangliwayway!" galit na sigaw ni Bagwis.

Naalarma si Juancho nang alisin siya ng mga kawal sa pagkakatali. Wala siyang ibang naisip nang sandaling iyon kundi si Inah. Ni hindi pa nagkakaroon ng linaw ang lahat sa pagitan nila, mamatay na siya nang ganoon.

Pinilit niyang lumaban sa kabila ng paghihirap. Ilang beses pa siyang pinagtulungan ng mga lobo. Panay ang piglas niya habang dinadala siya sa likuran ng base kung saan naroon ang garote. Nagtiim ang mga bagang niya. Makita pa lang niya ang patalim na siyang pupugot ng kanyang ulo ay ibayong takot na ang nadarama niya—takot na hindi na niya makakasama pa si Inah...

"Ano'ng kasalanan niyan?"

Natigilan ang lahat na mga lobo, at sa nanlalabong paningin ay napatitig siya sa pinanggalingan ng tinig. Si Mikhail, ang lobong nakasama niya sa pagpunta sa Quezon.

"Nagtraidor ho," anang isang lobo at pinilit siyang iniluhod sa tapat ng garote. Napaigik siya sa sakit nang paluin ang likuran ng hita niya at tuluyan siyang napaluhod.

"P-pinili ko... lang n-naman ang magmahal... Mikhail..." hirap na saad niya at muling naubo. Hirap na siyang magsalita ngunit nagpatuloy pa rin siya. Natawa siya nang bahaw. Alam niyang kahit magpakatotoo siya nang sandaling iyon ay hindi na siya pakikinggan pa at wala na siyang pakialam. Ikinagagalak niyang ipaalam sa lahat na hindi siya nagsisisi sa ginawa niyang pagtatraidor. "M-minahal ko ang babaeng binalakan ko ng masama... ito ang inabot ko..." anas niya.

Tumawa si Mikhail. "Asahan mong kapag nagmahal ka, unang tatamaan ang pamilya mo. Sila ang unang masasaktan kapag nasaktan ka at sila ang unang matutuwa kapag naging masaya ka. Asahan mo ring... makasarili minsan ang pamilya. Mayroon silang sariling kaligayahang pinpoprotektahan..." makahulugang saad nito at kumislap ang mga mata.

Bago niya nagawang makapagtanong ay nagulat na lamang siya sa sumunod na nangyari. Tila kidlat na kumilos si Mikhail. Mabilis na nailabas nito ang espada at pinatay ang mga lobong pupugot sana sa kanyang ulo. Gulat na gulat siya dahil hindi niya inaasahang papatay ito nang ganoon at sa loob mismo ng base!

"A-ano'ng ginagawa mo?" takang-tanong niya nang alisin nito ang mga pilak sa kamay niya. Inakay siya nito at nang masigurong walang nakakita sa mga ginawa nito ay mabilis itong nagpalit ng anyo. Nasa likuran pa rin siya nito at mabilis nitong nilisan ang lugar. Dumaan sila sa likuran ng base at tinalunton nila ang masukal na gubat.

"Mikhail... p-papatayin mo ba ako?" anas niya. Tila lumulutang na siya nang sandaling iyon. Gayunman ay nagtataka pa rin siya sa iginawi nito kaya niya naisipan ang bagay na iyon. Wala siyang makitang dahilan para iligtas sya nito.

Nagpatuloy ito sa pagtakbo hanggang sa may naulinigan siyang pamilyar na boses ng lalaki. Hindi na niya maunawaan ang pinag-usapan ng dalawa dahil sa labis na panghihina. Ilang sandali pa ay muli silang umusad at doon unti-unti silang nilalamon ng dilim. Tumagal nang ilang oras ang paglalakbay nila hanggang sa nadama niyang nag-iba ang temperatura. Lumamig ang hangin at tila nanunuot iyon sa kanyang hubad na katawan. Ilang sandali pa ay dama niyang huminto sila. May mga tinig siyang narinig at kumislot ang kanyang puso nang marinig niya ang isang pamilyar na boses.

Pinilit niyang magmulat ng mga mata at napangiti siya sa gandang nakikita niya. Humahangos ang pinakamagandang babaeng nakilala niya. Si Inah, ang mandirigma ng Abagatan.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA) BOOK 2: INAH, ANG MANDIRIGMA NG ABAGATANWhere stories live. Discover now