Kaagad akong lumabas at sumunod kay Mamang sa kusina.

Hindi ko na namang mapigilang tumitig kay Auntie Emily nang madaanan namin siya sa sala, abala siya sa pagse-cellphone, nakapagpalit na siya ng pambahay ngayon pero hindi pa rin natatanggal 'yung makeup niya.

Habang tinutulungan kong maghain si Mamang ay nakikiramdam ako sa kanya. Hinihintay ko siyang magsalita o magpaliwanag pero wala...

Tahimik lang si Mamang.

"Mamang..." mahinang tawag ko sa kanya. "Uhm... 'Yung babae po—este si Auntie Emily..." ang weird sa pakiramdam na banggitin 'yon. "Siya po ba ang makakasama ko habang wala kayo?"

Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Mamang, mukhang stressed na stressed siya nang humarap sa'kin matapos magsandok ng kanin.

"Kakain na?" biglang pumasok sa kusina si Auntie Emily sabay upo at nagsimulang kumain.

Si Mamang halatang nagtitimpi at piniling huwag na lang kumibo.

Sobrang tahimik habang kumakain kaming tatlo. Pasimple ko silang tinitingnan pero parehas silang hindi umiimik. Magkasalubong pa rin ang kilay ni Mamang at si Auntie naman ay dedmang kumakain, ni hindi man lang ako tinapunan ng tingin.

Pagkatapos kumain ay lumayas si Auntie sabay balik sa sala, binuksan 'yung TV.

"Tingnan mo 'tong babaeng 'to parang kumain sa restawran," inis na bulong ni Mamang.

"Ming, naalala mo pa ba lahat ng binilin ko sa'yo?" tanong bigla ni Mamang sa'kin at sunud-sunod akong tumango, pinalangin kong hindi na niya uulitin 'yon dahil araw-araw na niya 'yong sinasabi sa'kin. "Maaga ang lipad ko bukas, madaling araw pa lang nagpasundo na ako ng taxi rito papuntang airport."

"Mamang, hanggang kailan po si Auntie rito?" tanong ko.

Napahinga na naman si Mamang. "Pag-uwi ko."

"Kailan po ba kayo uuwi?"

Ilang sandali bago sumagot si Mamang. "Hindi ko alam, Ming. Kailangan kasi ng katuwang sa pag-aalaga sa Lola Gets mo, busy mga anak no'n eh, naaawa akong walang nagbabantay sa kanya sa ospital."

Hindi na ako nakasagot at tinulungan ko na lang si Mamang na magligpit.

Kinabukasan, maaga akong nagising. Nakita ko si Auntie Emily na mahimbing na natutulog sa sofa.

Hindi na talaga ako ginising ni Mamang para magpaalam, kanina pa siya nakaalis. Ang tahimik ng buong bahay at hindi ako sanay nang hindi nagigising sa ingay ng boses ni Mamang.

Pumunta ako sa kusina para uminom ng tubig. Muntik ko nang mabuga 'yung tubig nang makita ko si Auntie Emily an pupungas-pungas saka naghikab.

"Nagugutom na 'ko, magluto ka ng almusal," sabi niya sabay layas.

Naiwan akong nakatulala.

Ano raw?

Tama ba 'yung narinig ko?

Kakamut-kamot akong naglibot sa kusina. Binuksan ko 'yung ref at nakita ang dalawang piraso ng itlog.

Kahit hindi sigurado ay kumilos ako para magluto nang biglang umalingawngaw 'yung boses ni Mamang—'yung unang-una niyang bilin!

"Huwag na huwag kang magluluto! Mahirap na at baka masunog pa ang bahay natin, naku, Mingming! Bumili ka na lang ng lutong ulam sa kapitbahay. Alam mo 'yung nakatagong pera sa kusina at huwag na huwag kang mangungutang!"

"Shet... Bawal nga pala ako magluto," bulong ko sa sarili ko.

Napatakip ako ng bibig dahil napamura ako.

Dalaga na si RemisonNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ