"Hindi ba tayo pupunta sa bahay ng Fuhrer?" tanong ni Sam dahil school ang pinasukan nila.

"Ang sabi ni Josef, nandito sila ni Armida. Dito ko sila kakausapin," sagot ni Laby at nilakad na ang hallway ng College of Arts and Science building. "Sana lang talaga nandito ang prototype."

Samantala . . .

"Jin, ang usapan, si Josef ang kakausapin natin, right?" sabi ni Erah habang nilalakad nila ang likurang bahagi ng building na pinasukan. Madilim na kasi sa lugar na iyon. Kung may liwanag man, doon pa sa dulong pinto na naka-lock.

"Ate, tinatawag tayo ng anak ni Milady," sagot ni Jin.

"Wala akong pakialam sa anak ni Milady. Si Josef ang gusto kong makausap," pamimilit ni Erah.

Napahinto sa paglakad si Jin at tinitigang maigi ang mukha ng kapatid kahit hindi gaanong maliwanag sa puwesto nila. "Ate, kaya mo bang hindi maging makasarili kahit ngayong araw lang?"

"Jin," pagpilit pa rin ni Erah, "yung anak ni Milady, nakakulong dahil kailangan niyang ikulong. We both know that kid is dangerous. Bakit mo tutulungan?"

"Masusunod po, Lord Ricardo."

"Thank you, Heidi."

Magkasabay na napalingon sa kanan ang magkapatid at nakita ang lalaking lumabas sa isang pinto roon.

"Waaaaaah!" Binalot ng alingawngaw ng tili ni Erah ang pasilyong iyon at tinakbo agad ang lalaking kalalabas lang sa kuwarto roon. "JOSEF!" Bigla niya itong tinalon at niyakap ang braso palibot sa batok nito. "I miss you!"

Halos itulak siya ni Josef para makalayo mula sa pagkakayakap niya. "Miss, excuse me!" inis na sinabi nito. "Sino ka?"

Tinapik-takip ni Erah ang dibdib habang malapad na nakangisi. "Ako 'to, si Erah!"

"HA?!" Napaatras nang dalawang hakbang si Josef at inaninag si Erah sa madilim na pasilyong iyon, kasunod ay si Jin na ilang dipa ang layo sa kanila.

"Ako si Jin. Maaari ka ba naming makausap, Josef?"




TIKOM NA TIKOM ang bibig ni Josef habang nakatingin sa dalawang babae sa harapan niya. Para siyang nakatingin sa dalawang multo kung titigan ang mga ito. Nagpumilit kasi si Erah na kakain daw muna siya kaya pumunta sila sa mess hall at nakisiksik sa mga estudyanteng kumakain doon dahil eksaktong lunch time din.

Huling silip niya sa phone, may kinakausap daw na janitor ang asawa niya. Hindi naman niya alam kung anong kinalaman ng janitor sa issue ni Arjo at sa mansyon pero hindi na siya nag-usisa. Naging dahilan pa iyon para hindi makita ng asawa niya ang dalawang kaharap ngayon.

Si Erah daw ang babaeng nakaputi at kaharap niya. Ang alam niya, napakasamang babae ni Erah gaya ng ugali ng alter ng asawa niya. Pero kung tingnan niya ito, parang si Jocas ang nakikita niya. Kahit ang katakawan nito. Kaka-order lang nito ng spaghetti saka chocolate waffle, hindi pa nga iyon ubos, inutusan pa siya nitong bumili ng strawberry bingsu. Tinanong niya si Jin kung ito rin ba, mag-uutos ng pagkain. Sabi lang nito, tubig lang na maligamgam, okay na.

"Hindi ba siya delikado?" tanong ni Josef kay Jin habang pasulyap-sulyap kay Erah na sinisimot ang waffle nito.

"Hindi siya gaya ng iniisip mo," malamig na tugon ni Jin.

Napalunok si Josef. Kung intimidating na ang aura ni Jin bilang alter, mas intimidating pala ito sa personal. Marahil ay hindi nito kamukha ang asawa niya. Sobrang layo kung tutuusin. Parang walang tinutungo ang tingin nito. At kung magsalubong ang tingin nila, para siyang hinuhusgahan hanggang sa pinakamaliit na hibla ng kaluluwa at pagkatao niya.

Secrets of the Malavegas (Book 7)Where stories live. Discover now