Kabanata 1

336 43 80
                                    

Taong 1998- Fuera Muro(Lupain sa labas ng Pader)

Nicolas
"

Putang!" Dinig na dinig na ngayon ang aking sigaw sa buong Lupain. Agad akong napalabas ng aming bahay dahil sa pagkawala ng kakahuli ko lamang na usa. Batid ko ang pagkagulat ng ilang mga batang naglalaro sa maputik na daan maging ang mailan-ilang mga tao na nakadungaw sa kanilang mga bintanang yari sa pinagtagpi-tagping lumang mga yero." May oras pa kayong ibalik ang aking usa kung hindi ay ako mismo ang hahanap sa inyo at pagbabali-baliin ko ang inyong mga buto!"

Alam kong ang pangangaso ng walang permiso ay mahigpit na ipinagbabawal ng palasyo ngunit wala na akong iba pang pagpipilian. Kung hindi ko iyon ginawa ay malamang malapit na kaming mamatay dahil sa gutom. Ito na lamang ang alam kong paraan para mabuhay kaming magkakapatid.

Sa aking pagsasaka ay wala rin naman akong malaking halaga na nakukuha. Halos araw-araw ay nagpapawis kami ng aking mga kasamahan ngunit mahigit kalahati ng aming ani ay kinukuha ng mga kawal ng palasyo upang dalhin sa loob ng pader. Tanging ilang kilo lamang na bigas ang natitira upang mapaghatian naming mga taga-rito sa Fuera Muro.

"Kuya tara na pong umuwi. May kamote pa naman sa bahay paborito namin iyon,"ani Nila kaya naman napapikit na lamang ako sa dismaya. Alam kong wala na akong magagawa pa lalo na't kaharap ko na ang aking kapatid. Marahan akong lumuhod sa kanyang harapan at pinawi ang ilang namuo nang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata.

Hawak-kamay ay tinahak na namin ang daan pabalik sa aming munting bahay. Doon ay naabutan ko ang aking bunsong kapatid na si Francine habang nakaupo at nakikinig sa aming lumang radyo na halos lahat ng salita ay putol-putol na. Agad naman itong tumayo at sinalubong ako ng yakap kung kaya't binalik ko ito nang mas mahigpit pa.

" Kuya gutom na po ako,"nakangiting wika nito kaya naman bumitaw na ako sa aming yakap at nagpaalam na upang magtungo sa kusina.

Habang nagluluto ay dinig kong nagkakasiyahan sa salas ang aking mga kapatid dahil sa mahinang musika na nanggagaling sa aming malapit nang masirang radyo.

" Ang bango ng niluluto ni kuya!"masiglang sigaw ni Nila dahil doon ay hindi ko na napigilang ngumiti. Ito ang nakakatuwa sa tuwing ako'y nagluluto, ang reaksyon ng aking mga kapatid.

Nang matapos na ang aking pagluluto ay nakangiting binitbit ko ang nilagang mga kamote sa papag ng aming sala. Tumigil na ang aking mga kapatid sa kanilang pagsabay sa tugtog at naupo sa aking tabi upang masimulan ang aming pagkain ng tanghalian. Pinangunahan namin ito ng dasal at pagkatapos ay mabilis na nagpaunahan sa pagkuha ng pinakamalaking piraso ng kamote.

" Panalo ako!"saad ni Francine dahil siya ang nakakuha ng kamoteng mas malaki ang sukat kumpara sa amin. Samantalang nasa kamay ko naman ang munting kamoteng siyang laging walang gustong kumuha sa pagitan naming tatlo.

" Mabagal lamang ang pagkain ha."Pagpapaalala ko sa kanila at nagsimula na nga kaming kumain. Naging tahimik na ang buong sala sapagkat wala ni isa sa amin ang may ganang magsalita.

Sa kalagitnaan ng aming pagkain ay isang tunog ng maliit na kampana ang muling nagpabalik ng sigla sa aking dalawang kapatid. Agad na binitawan ng mga ito ang kanilang kinakain at pagkatapos ay masayang nagtatatalon. Nandito na uli siya. Mabilis ang mga itong kumaripas patakbo sa labas at nang makarating sa kahabaan ng kalsada ay doon na namin naabutan ang isang matandang pababa na sa kanyang alagang puting kabayong pinangalanan niyang Talin.

Ang kalsada kung nasasaan ang aking mga kapatid at ang matandang ito ay napupuno na ng masasayang mga bata. Maging ang matanda ay nakangiti na rin habang pinagmamasdan ang mga nakapaligid sa kanya. Ganito lagi ang ganap sa tuwing uuwi siya rito sa Fuera Muro. Kinagigiliwan kasi siya ng mga bata sapagkat sa tuwing nandirito siya ay may baon lagi itong pasalubong na minsan lamang matikman ng mga bata sa aming lugar. Isama pa na mahal na mahal din ito ng mga matatanda rito dahil talagang inaalala niya ang kapakanan ng lahat ng tao sa Fuera Muro. Sa tuwing nandito siya at may taong kinakailangan ng tulong upang makatawid sa gutom ay mismong siya ang pumupunta sa bahay ng mga ito upang magbigay man lamang ng kahit kaunting makakain.

Universe:The Unparalleled FateWhere stories live. Discover now