Kabanata 14

27 15 16
                                    

Kaharian ng Maharlika(Fuera Muro)

"Pupunta ako sa palasyo," wika ng matandang si Felipe."Kailangan kong makuha ang katawan ng prinsesa upang sa ganoon ay mapaniwala natin ang mga tao na buhay siya at magbabalik sa takdang panahon."

"Paano k-kung hindi magawa ni Kulas ang kailangan n'yang gawin gaya ng sinabi mo?"nag-aalalang tanong ni Greg.

"Malaki ang tiwala ko sa batang iyon,"sagot naman ni Felipe."Samahan mo akong kuhanin ang katawan ng prinsesa at ilibing ito malapit sa lagusan patungo sa ibang mundo."

Nag-aalinlangan man ay sinamahan nga ni Greg ang lalaki. Kinausap ng mga ito ang anak ni Greg pati na rin ang mga kapatid ni Kulas upang ipaalam sa kanila ang sitwasyon. Hinintay muna nilang makatulog ang mga bata bago simula ang mapanganib na misyon.

Sakay ng puting kabayo ay sinimulang lakbayin ng dalawang lalaki ang kahabaan ng madidilim na mga kalsada ng Fuera Muro patungong Palacio Imperial. Tanging liwanag ng buwan at ilang nagkikislapang punding mga bumbilya ang nagbibigay ilaw sa daan. Kasabay ng malamig na hangin ay nilampasan na nga nila ang maputik at halos dikit-dikit na mga bahay sa Lupain. Ilang minuto pa nga ay nakalampas na rin ang dalawang matanda sa mataas na pader na naghihiwalay sa dalawang lupain at ngayo'y bumababa na sila sa mataas at daan-daang hagdan bago marating ang mga bahayan sa kaharian.

Ilang mga hakbang pa ay nakalampas na sila ng syudad at tinatahak na nila ang daan sa may gilid ng liwasan. Makalampas sa parke ay nakatungtong na rin sila sa may bukana ng Palacio Imperial. Isang malaking gintong tarangkahan ang humarang sa kanila ngunit hindi inaasahan ni Greg na madali lamang silang makakapasok. Sa isang tore sa dulong bahagi ng palasyo ay nagtungo ang dalawa, walang mga guardya ang nagbabantay doon sapagkat abondonado na ito at wala maski ang pumapasok. Sarado man ang pinto sa unahan ay may pinuntahan si Felipe na isang maliit na bintana sa gilid na bahagi nito hanggang sa makapasok na nga silang tuluyan sa loob. Tinahak muli ng dalawa ang daan patungo sa isang kwarto sa pangalawang palapag ng madilim na gusali. Nang makatungtong sa silid ay may nilapitan si Manong Felipe na isang salaming napuno na ng mga gabok at sapot. Sa isang pagpihit sa lihim na pinto ng salamin, isang makipot na lagusan ang tumambad sa dalawang matanda. Walang patumpik-tumpik ay nagsimula na nilang lakarin ang daan paloob ng lagusan. Hindi kakikitaan ng kahit anong butas ang dalawang pader na dinadaanan nila kung kaya't maski liwanag ng buwan ay hindi nakakaabot sa loob. Sa kabila ng kawalan ng ilaw ay kabisadong-kabisado ni Felipe ang daan at tuloy-tuloy lamang ito sa paglalakad na siya namang sinusundan ni Greg.

Isang liwanag naman ang sumilaw sa dalawa nang buksan ni Felipe ang isang maliit na pinto sa dulo ng lagusan. Lumabas sila sa isang abandonadong kwarto sa may dulong bahagi ng palasyo.

"Halika dahan-dahan tayong pumunta sa lamay ng prinsesa." Pabulong na sambit ni Felipe.

"Hindi ba parang kabastusan itong ginagawa natin, Felipe?" Patuloy pa rin ang pagtulo ng pawis mula sa noo ni Greg habang sinasambit ang bawat salita.

"Marahil oo ngunit para sa kapakanan ng kaharian, para sa mas mabuting rason kailangan natin itong gawin,"diretsong tugon ng matanda."Wala ng ibang pagpipilian. Mas nakakatakot na kinabukasan ang dadating sa mga mamamayan ng Maharlika kung si Calcon ang uupo sa trono."

Nagtungo na nga ang dalawa sa pinaglalagakan ng prinsesa. Bakante ang lugar na iyon kaya naman ay mas mabilis nilang makukuha ang katawan ng dalaga. Paisa-isang hakbang ay lumapit sila sa gitna ng lugar at dahan-dahang pinasan ang katawan ng natutulog na babae sa kanilang magkabilang braso. Madilim pa rin ang paligid at tahimik ang bawat sulok ng kwartong iyon. Pabalik ng lihim na lagusan ay hindi inaasahang may dadating na anino ng dalawang lalaki at dahil dito nagtago sa likod ng isang malaking haligi ang dalawang matanda kasama ang prinsesa.

Universe:The Unparalleled FateWhere stories live. Discover now