Kabanata 5

112 38 45
                                    

Batangas Province,Philippines (2019)

Nicolas

Nawalan ako ng malay matapos akong lamunin ng lagusang iyon. Nagising na lamang ako nang aking maramdaman ang  matigas na sahig mula sa aking pagkakabagsak dito. Madiin kong hinawakan ang aking ulo dahil sa sakit na nararamdaman ko. Parang pinipiga at pina-i-ikot ang aking utak matapos kong maimulat ang aking mga mata. Nasaang lugar ako? Kakaibang lugar ang kinaroroonan ko sa ngayon. Malayo sa kaharian o sa aking bayang kinalakihan. Napapaligiran ako ng mga taong magagara ang pananamit dahil sa pagkakaiba-iba ng mga ito. Kung sa amin ay simpleng pananamit lamang at sa loob ng kaharian naman ay magagarbong saya at barong, dito sa lugar na ito ay napakaraming uri ng kasuotan ang suot ng mga tao. May ibang napakaigsi, ang iba naman ay abot hanggang leeg at mayroon ding napakatitingkad na kulay.

Mula sa aking likod ay naglabasan ang mas marami pang tao sa napakalaking simbahan. Napatayo na rin ako at nakisabay sa mga ito. Sa kalsada ay aking naabutan ang ilang mga sasakyang napakatulin ang andar na nagkukumpulan pagdating sa may rotonda. Kakaiba ito kumpara sa aming mga karosa. Hindi magkakatulad ang haba at laki ng mga ito ngunit parehong nagbubuga ng napakaitim na usok. Napakainit din sa lugar na ito lalo na sa dulot na liwanag ng sinag ng araw. Mabuti na lamang at may mailan-ilang matataas na gusaling nagbibigay ng kaunting lilong habang ako'y naglalakad.

Sa aking saglit na pag-ubo ay nakaramdam na ako ng gutom. Ramdam ko na ang pagkalam ng aking t'yan ngunit pinagpatuloy ko na lamang ang aking paglalakad. Ang tanging pagkakapareho ng lugar na ito sa loob ng kaharian ay ang dami ng mga pasikot-sikot na mga kalsada. Sa bawat kalye ay may mga tindahan ngunit wala pa akong makitang kainan. Hanggang sa may maabot ang aking nagugutom na ilong na mabangong amoy ng nilulutong pagkain. Ito ang sinundan ko at napadpad ako sa isang maliit na kainan.

"Ito po ang menu namin,"saad ng babae at may inabot siyang makapal na papel kung saan nakalagay ang mga pagkaing tinitinda nila.

"Natanggap po ba kayo ng pilak na galyon?" una kong tanong sa babae upang makasiguro.

"Nako sir hindi po pera lamang po or sa GCash,"sagot naman niya."Kung gusto n'yo po magpapalit muna kayo sa alahasan. Marami po diyan sa may kabilang kalsada."

Nagpaalam muna ako sa babae bago lumisan at maghanap ng alahasan. Buti na lamang at nandito pa rin sa supot ang tatlong pilak na natira noong magpunta ako sa kaharian.

"Magandang klase ito. Aabot ang pilak na ito ng isang libo." Tinitimbang na ng matandang lalaki ang aking dalang pera habang pinakikinggan ko ang mga sinasabi niya."Mukhang luma na at purong pilak talaga ito hindi kagaya ng mga barya ngayon. Napakaganda ring klase! Saang bansa ka nagmula utoy? Mukha ka namang Pinoy."

"Sa malayo pong lugar,"saad ko at pagkatapos ay inabot na nga nito sa akin ang tatlong kulay asul na papel. Ganito pala ang itsura ng pera sa mundong ito.

Bumalik na ako sa kainang iyon at bumili ng tinatawag nilang adobong baboy. Nang madala ng babae ay agad akong namangha sa napakabangong amoy nito. Mas lalo lamang akong bumilib sa sumasabog na lasa sa aking bawat pagkagat sa karne nito. Naghahalo-halo ang asim, alat at kaunting tamis sa pagkaing ito. Halos mabilaukan pa ako dahil walang tigil ang aking pagnguya dahil na rin sa sobrang pagkagutom. Mabilis akong natapos at ilang minuto pa ay lumapit na muli ang empleyadong nagdala nito sa akin kanina.

"85 pesos po sir,"saad niya habang inaayos ko ang patas ng aking mga pinagkainan.

Inabot ko naman pagkatapos ang isa sa mga perang hawak ko. Pumunta muna siya sa kahera at kumuha ng panukli.

Universe:The Unparalleled FateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon