Kabanata 22

12 4 0
                                    

Nicolas

" Nico!" Kita ko sa mga mata ni Louie ang takot at gulat dahil sa bigla kong pagtigil. Mabilis na tumibok ang puso ko nang marinig ang malakas na pagbusina ng paparating na sasakyan. Nang malapit nang dumaan ang sasakyan ay ramdam ko ang mabilis na paghila sa akin ni Louie kaya naman ay napayakap ako sa kanya at napunta na kami sa gilid ng kalsada.

" Putcha naman Nico!" Hinampas ako nito sa aking dibdib nang kumawala na ito sa aming pagkakayakap. " Anong iniisip mo at tumigil ka sa gitna ng kalsada?!"

Napayuko naman ako dahil sa nagawa. Hindi ko rin alam kung bakit ako huminto sa paglalakad. Sa sobrang takot ata o dahil sa mahinang pagkirot ng puso ko. " Pasensya na hindi ko na uulitin."

" Malamang! Malalagot ka sa'kin pag inulit mo 'yon,"saad nito at pagkatapos no'n ay inabot na nito ang kamay ko.

Dumiretso na kami sa malaking kulay asul na gusali na nasa harapan namin kanina. Nang makapasok ay kamangha-mangha ang napakalamig na simoy ng mabangong hangin sa loob. Akala ko noong una ay isang malaking tindahan lamang ito ngunit may maliliit ring mga tindahan sa loob nito. May mga kainan, tindahan ng damit at iba pa. Si Louie naman ay piniling dito pumunta sa tindahan ng mga gamit para sa eskwelahan.

Habang naghahanap siya ng mga kwaderno ay naglilibot rin ako sa iba pang parte nitong tindahan. The Notebook, parang maganda ang librong ito. Kinuha ko iyon at tinitigan ang pabalat. Tungkol saan kaya ang kwentong ito? Sana kaya ko itong basahin kaso mukhang matagal-tagal pa bago mangyari iyon.

" Gusto mo 'yan?"biglang tanong ni Louie na nasa tabi ko na ngayon. Ibinalik ko naman na sa lalagyanan ang libro dahil alam kong hindi ko masyadong maiintindihan ang kwento. Nakasulat kasi ang mga iyon sa wikang Ingles at kaunti pa lamang ang mga napag-aaralan kong mga salita doon.

" Hindi, tinitingnan ko lamang ito,"sagot ko rito.

Pagkatapos noon ay may pinakita naman ito sa aking dalawang kwaderno. Isang kulay rosas na may disenyong maliliit na puting bulaklak sa gilid at isang kulay lila na may isang nakaguhit na ibon sa gitna.

" Anong mas maganda?"tanong nito sa akin.

Matagal akong napaisip dahil pareho naman iyong maganda. Hindi ko naman inaasahan itong naisip ko pero gusto ko itong sabihin sa kanya.

" Ikaw,"sagot ko habang nakangiting tinuro ang ilong niya. Kita ko naman ang pagngiti nito.

" Shunga! Dito kasi sa dalawa," saad nito at mahina namang hinampas ang kamay kong nakaturo sa kanya. Napangiti rin naman ako nang magawa ko iyon.

" Maganda pareho pero mas gusto ko itong kulay rosas,"sagot ko sa kanya. Tumalikod naman siya sa akin at ibinalik sa lalagyanan ang kulay lilang kwaderno.

Nagpunta na kami sa kahera pagkatapos mamili upang bayaran ang mga pinamili ni Louie. May binili rin akong ilang mga pangpinta at malalaking papel. Sinabi kasi sa'kin ni Kris na isama ko na raw iyon kapag bumili kami ni Louie ng mga gamit nito sa pasukan. Ang mga iyon daw ay gagamitin para sa patimpalak na sasalihan ni Louie.

Pagkatapos mamili ay naglibot din kami ng ilang oras sa loob ng gusali bago bumalik sa bahay. Marami kaming pinuntahan kahit sumasakit na ang paa ko ay patuloy pa rin si Louie na umiikot dito sa gusali kahit hindi naman siya bumibili.

Nang makauwi naman ay bagsak kong inihiga ang aking katawan sa aking higaan dahil sa pagod. Nagising na lamang ako nang maggagabi na dahil sa paggigitara ni Louie. Nasa may sala ito ngunit pumunta rin siya sa may balkonahe kinalaunan.

Mula sa may pintuan ng balkonahe ay pinagmasdan ko ang likuran ni Louie habang inaayos ang kanyang gitara. Ilang minuto pa ay nagsimula na itong kumanta at ito na naman ang puso kong sumasabay sa himig ng boses niya. Hindi ko magawang alisin ang paningin ko sa babaeng naggigitara at mukhang mahihirapan nga talaga akong maalis ang paningin ko sa kanya. Sa totoo niyan ay wala akong balak na gawin iyon dahil ang pagtingin ko ay para sa kanya lamang.

Universe:The Unparalleled FateWhere stories live. Discover now