Kabanata 16

28 14 13
                                    

Nicolas

Kakaiba ang kinikilos ni Louie. Pagkagising ko pa lamang ngayong umaga ay nagpatugtog agad ito ng kanta at inaya akong sumayaw sa may kusina. Sabi niya para daw maalala niya ang panaginip niya kagabi. May kasayaw daw kasi siyang lalaki at pakiramdam niya mahalagang malaman kung sino iyong kasayaw niya. Hindi ko man gusto ay napilitan na ako dahil ang kulit-kulit niya.

Sa ngayon ay alas-singko pa lamang ng umaga at halos mapuno na ng mga kanta ang bahay ni Kris. Mabagal kaming sumasayaw dahil nanlalambot pa rin ang katawan ko. Naalimpungatan kasi ako dahil sa panggigising ni Louie kaya naman wala pa ako sa wisyong magsayaw.

Playing: Eroplanong papel

Nakatingin lamang ako sa mga mata ni Louie at ganoon din siya. Alam kong pilit niyang inaalala ang panaginip kung saan may kasayaw siyang lalaki. Sino naman kaya ang lalaking ito at nagawa niya pa akong gisingin ng madaling araw para isayaw siya? Sana ay ako ang kasayaw niyang 'yon at hindi ibang lalaki.

Teka! Kung sabagay nagkasayaw na rin kami ni Ria noon sa Parke Beatrisimo. Hindi kaya ay unti-unti nang napupunta sa alaala ni Louie ang alaala ni Ria? Naaalala na ba niya ako?

Hintay, maghintay ka Kulas. Hahayaan ko na munang siya ang makaalam. Hahayaan kong siya ang makaalala. Ang kailangan ko lamang gawin sa ngayon ay iparamdam sa kanya ang aking naramdaman noong kasama ko siya sa lugar na aming pinuntahan ni Ria. Kasiyahan.

"Siguro ibang kanta 'yong sinasayawan namin," daing ni Louie habang malalim na nag-iisip. Magkalapit pa rin ang aming mga katawan habang nagsasayaw. Saglit siyang tumingin sa akin at hinawakan ang aking mukha gamit ang dalawa niyang palad. Pinaling niya ang ulo ko pakaliwa tapos pakanan. Ano ba naman iyan Louie! Bakit kung anu-ano ang ginagawa mo sa akin? Nakikiliti na ang loob ng tiyan ko. Ano itong nangyayari sa akin? Siguro namumula na rin ang aking mukha.

Pinaling ko naman ang ulo ko sa gilid upang hindi niya makita ang nakakahiyang mukha ko. Bakit niya kasi ginagawa ito sa akin? Hindi ba niya alam kung ano ang epekto niya?

"Feeling ko talaga ikaw 'yon eh," mahinang sambit nito kaya nakangiting napatingin ako sa kanya. Naaalala mo na ba?

"Ako nga ata iyon,"mahina kong saad.

Umiling lamang siya bago muling magsalita na parang hindi napakinggan ang aking sinabi."Pero parang hindi. Bakit naman mapupunta ka sa panaginip ko? Hays tama na nga muna."

"Baka kasi dahil sinabi mo sa akin noon na panaginipan kita pero bumalik lamang sa iyo ang mga sinabi mo." Pinanlakihan niya ako ng mata at napatakip pa siya ng kanyang bibig ngunit parang hindi naman siya nagulat sa halip ay para pa siyang nang-aasar.

"Shunga hindi naman 'yon tunay. Sinasabi ko lang ang 'dream of me' sa mga ka-chat ko bago ako matulog." Napaltan na ng pagkaseryoso ang mukha niya. Sabi na nang-aasar lamang siya.

Bumitaw na ito sa pagkakayapos sa akin at pinaltan ang kanta. Pumunta siya sa may pridyeder at naghanap ng pwedeng lutuin. Hawak-hawak ang ilang pirasong pakpak ng manok, dinala nito iyon papuntang lamesa. Kumuha na rin siya ng ilang mga pampalasa para ihalo sa manok.

Umupo ako upang panoorin siya sa kanyang ginagawa. Nakatali ang mahaba niyang buhok at hindi alintana ang ilang mga harinang napunta na doon. Napakaganda lamang niyang tingnan sa mga pagkakataong ito. Hindi ko na rin namalayang nakatulala na pala ako habang nakatitig sa kanya kaya naman nang nilingon niya ako agad akong yumuko at nagkunwaring may ginagawa sa lamesa. Nakangiti naman siya nang mahuli akong nakatitig sa kanya.

Ilang minuto pa ay tumayo na ako para tulungan siyang balutin sa harina ang mga manok na lulutuin niya. Habang ako ang naglalagay ng harina, siya naman ang nagpiprito nito. Magkatabi lamang kami kaya madali niyang nakukuha ang kakatapos ko lamang gawing parte ng manok.

Universe:The Unparalleled FateWhere stories live. Discover now