Wakas

206 14 11
                                    

A/N: Hello! Sobrang na-appreciate ko ang inilaan ninyong oras para patapusin ito. Hindi ko alam kung sakto lang ba ang pananakot ko, kung epektibo ba ang ginawa ko o epic fail at hindi napanindigan ang genre niyang ‘horror’. Gayunpaman, maraming salamat pa rin sa pagbabasa at umaasa akong nagustuhan n’yo pa rin ito. Ang mababasa ninyong news report dito ay totoo—nangyari sa totoong buhay at kinuha ko lamang ang laman ng balita sa 24 oras. (Credits to 24 oras for the news report.) Siyempre, iniba ko ang pangalan ng lahat at siguro naman hindi ako makakasuhan nito, ano? Ang nasabing lugar din ay walang kinalaman sa istorya at isiningit ko lamang upang maging makatotohanan pa rin naman siya. Muli, salamat!

---

BIGLA AKONG napalingon sa gawi ng aming telebisyon sa sala nang maagaw ng isang balita ang atensyon ko. Itinuloy ko ang paghakbang pababa sa hagdan at lumapit ako sa kinauupuan nila mama at papa sa sofa upang panoorin iyon. Nakaawang ang bibig kong itinuon ang mga mata sa news anchor na si Mel Sanchez.

“Nahulog na sa mga kamay ng awtoridad at itinuturing na most wanted sa lalawigan ng Cabuyao, Laguna na may napakaraming kaso ng rape, murder at nasa drug’s watch list, arestado! Si Emil Aguinaldo, nakaalerto bente kuatro, exclusive,” wika ni Mel Sanchez. Bahagya akong napangiti nang matipid sa naulinigan.

Dalawang araw na rin ang dumaan simula noong maglakas-loob akong magsumbong sa istasyon ng pulis dito sa amin. Akala ko ay sasabihan nila akong nantri-trip lang dahil first time kong dumulog ng ganitong sitwasyon kaya abot-abot ang pagkabog ng puso ko noong mga oras na iyon. Ipinakita ko lamang ang pitsur ni Nona na nahanap ko sa facebook, maging ang facebook post na rin na hinahanap siya at ipinabasa ko ang huling mensahe nila nang mabuksan ko ang cellphone niya.

Nagsinungaling akong may nagbigay sa akin ng cellphone na iyon bilang regalo at napagtantong hindi lang pala siya second hand dahil may kakaiba akong napansin dahilan para makuryuso ako binutingting ang laman noon. Hindi ko gaanong matukoy kung epektibo ba ang pagsisinungaling ko pero walang pagdududa naman nilang kinuha sa akin ang bagay na iyon bilang ebidensya.

“Sa bungad ng isang kainan sa Cabuyao nadakip ng mga operatiba ng CIDG ang suspek.” Pinagmasdan ko ang bidyong lumapat sa telebisyon kung saan kitang-kita ang pagdapa ng nakaputing t-shirt na lalaki sa semento at may lakas ng loob pang magsabing, “Wala akong kasalanan.”

Ipinagpatuloy ng reporter ang sinasabi, “Isang naka-hostler at loaded na kuwarenta’y singkong kalibre ng baril ang nahulog mula sa kaniyang baywang nang padapain siya ng mga pulis sa bangketa. Ito ang bidyo ng aktuwal na pag-aresto ng mga pulis kay Lance Pangilanan Jr., limampu’t apat na taong gulang. Ayon sa CIDG Cabuyao, Laguna Provincial Office numero uno sa listahan ng mga pinaghahanap ng alagad ng batas si Lance Pangilanan Jr. dito sa lalawigan.”

Naitikom ko nang mariin ang bibig sa sobrang panggigigil. Walanghiya talaga ang demonyitong ito!

“Nagpunta ito sa Nueva Ecija at dito naman natin nahuli,” sambit noong pulis sa balita.

Ipinakita nilang muli ang bidyo niyang nakadapa sa semento habang sinusuotan ito ng posas sa kamay. “Taong 1997 hanggang 2020 nasangkot sa mga nabanggit na kaso si Pangilinan. Sinasabing lumamig ang manhunt operation sa kaniya matapos magsilbing body guard ng dating maimpluwensyang political figure sa probinsyang ito.”

“Sobrang tagal at mabuti naman nahuli na!” Bakas ang panggigigil sa boses ni mama. Sino ba naman ang hindi manggigigil sa ganiyang balita, ‘di ba? Partida! Ilang taon nagtago at marami siyang nabiktima!

“Iyang animal na ‘yan hindi lang dapat sa kulungan ang bagsak niyan. Dapat pinapatay!” singhal ni papa. Mabilis kong sinang-ayunan iyon ng pagtango kahit hindi niya nakita dahil nakatayo ako sa likod nilang dalawa ni mama habang nakaupo sila sa sofa.

“Ayon sa aming mga impormante, mayroon pa raw siyang involvements na mga murders. So, ini-encourage namin iyong mga tao sa Nueva Ecija at Cabuyao na baka kakilala nila itong si Lance Pangilanan Jr.,” pahayag ng police officer na kanilang kinukuhanan ng panayam.

Naikuyom ko ang aking kamao. Tama si papa, hindi lang dapat sa kulungan ang bagsak dahil kulang pa iyon sa mga ginawa niya. Kung ako ang pagpipiliin mas gusto kong iparanas din sa kanila iyong ginawa nila sa mga biktima para maramdaman din nila kung gaano kahirap ang pinagdaanan noong mga inosenteng biniktima nila. Maaari mang magbago sila pero hindi mabubura ang krimeng ginawa nila. Bakit ba may ganitong tao sa mundo? Mas masahol pa sa hayop.

“Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek. Mula dito sa Cabuyao, Laguna, Emil Aguinaldo, nakaalerto bente-kuwatro oras!”

“Kulang pa ang habambuhay na pagkakakulong n’on!” singhal ni papa matapos ang balitang iyon.

“Hayaan mo na dahil patong-patong namang kaso ang isasampa sa kaniya,” saway ni mama na nanggigigil pa rin. Naramdaman ko ang pagsulyap sa akin ni Loraine kaya tumingin ako sa kaniya. Tumango lang ito saka nakangiti niyang iniangat ang maliit niyang hinlalaki.

Alam niyang ako ang may gawa noon dahil sinabi ko sa kaniya. Siya pa nga ang nagtulak sa aking isumbong ko iyon sa mga pulis at ginawa ko. Sa nangyari ay nakahinga ako nang maluwag. Nabunutan na ng malaking tinik na nakabara sa aking paghinga. Nasa maayos na kalagayan si Grace—Francesca nang mag-chat siya sa akin. Panatag na ang loob niya sapagkat wala ng gagambala sa kaniya at hindi na ito matatakot pa. Sinabi rin niya sa aking alam na ng mga magulang niya't gustong sumugod ng papa niya para bugbugin ang tiyo nito, pero hindi makalabas dahil istrikto sila sa kanilang bayan. Nakakakapagtaka tuloy na paanong nakapasok ang demonyitong iyon sa Nueva Ecija? May koneksyon siguro.

Alam ko ring nakarating na kay Nona ang ginawa kong ito. Hindi ko man siya nakikita at kahit wala na iyong mabigat na pakiramdam sa tuwing uupo ako sa sulok ng bahay, alam kong masaya siya sapagkat nakamit na niya ang hustisyang inaasam niya—lahat ng mga nabiktima ng demonyitong Lance.

May ngiti sa labing pumihit ako patalikod at ipinagpatuloy ang naudlot kong pagpanhik sa aking kuwarto para matulog na sana. Habang nagmamartsa ako sa makipot na eskinita para makapasok sa kuwarto ko ay narinig ko ang pamilyar na yabag, sumusunod sa akin.

Hindi pa ako nakakapasok sa aking kuwarto ay biglang bumukas na ang pinto ko at kusang bumukas na rin ang ilaw. She’s here.

Sinundan ng mga mata ko ang putik na bakat ng mga paa niya sa sahig. Dinala ako niya ako sa tapat ng aking bintana. Napayakap ako sa sarili ko nang wala sa oras noong umihip ang malamig na hangin at humaplos sa aking kanang braso. Nahuli ko ang tila aninong kamay na kumalabit sa akin.

“May your soul rest in peace, Nona.”

Hindi iniwasan ng aking paningin ang aninong iyon hanggang sa maglaho ito bigla. Buntonghininga kong ipinatong ang magkabilang kamay sa hamba ng aking bintana ngunit namilog ang mga mata sa pagkagulat. Nakatukod ang braso nito sa hamba ng bintana, nakaharap sa akin ang bilog niyang mukha habang nanlilisik ang mga maitim nitong mga mata, tila papatayin ako at hindi nawala ang nakakakilabot pa ring ngisi niya sa labi. “Salamat.” Dinig kong bulong niya.

“Pero gusto kong makipaglaro bago manahimik. Gusto mo ba?” Kumiliti sa aking tainga ang nakakainsultong hagikgik nito. Iniangat ang kamay niyang amba akong hahawakan ngunit napaatras ako. Nawala ang ngisi nito, napalitan ng isang simangot. Hihingi sana ako ng paumanhin sa naging reaksyon ko nang bigla niyang hilain ang kanang kamay ko. Ramdam na ramdam ko ang gaspang nito at lamig. Binalingan ko ito ng tingin at hindi ko nagustuhan ang ngisi niyang may masamang balak. Mapaglaro ito’t mas lalong humigpit ang hawak niya sa kamay ko dahilan para mapangiwi ako’t tila mababali ang buto ko sapagkat pahigpit nang pahigpit.

“Nona, huwag!”

W A K A S

Meet Me (CHAT SERIES #7)Where stories live. Discover now