1. Ang Bundok (2)

189 18 4
                                    

"Ando'n pa siya sa baba, alam mo naman 'yon, maraming nakikita," sagot ni Chase. 

Noon ko ito tinawag. Sinabi ko rito na umakyat na rin siya at baka mapalayo pa siya sa amin ni Chase. Mabigat pa naman ang dala nito. Lagi lang naman niyang dala ang bulky niyang kamera kasama na ang iba't ibang klase ng lente na mayro'n siya. Halos 'yun na yata ang laman ng buong bag nitong si Matt. At totoong mahusay siyang kumuha ng mga retrato. Ang simpleng mukha ng isang babae kapag nahagip ng lente niya ay nagkakaroon ng makabuluhang kuwento. Napapalabas din niya ang mga natatagong ganda ng mga bagay-bagay sa mga kuha niya. 'Yun nga lang, madalas din siyang naiiwan sa paglalakad. Hindi niya rin kasi pinalalampas ang lahat ng magagandang tanawin na makikita niya sa daan. Doon namin ito mas nakikilala, kapag sinimulan na niyang ipakita sa amin ang mga obra niya. Tulad ko, tahimik ito at nagiging madaldal lang 'pag kami ang kasama.

Kabaligtaran namin si Dieg na maingay at maraming kuwento. Wala itong pinipiling lugar. Ang nakalulungkot, mas nakikilala namin ito hindi dahil sa mga kuwento nito kundi dahil sa bawat babaeng nagiging kasintahan nito. Sa tuwing may bago kasi itong kasintahan, isinasama niya lagi sa lakad ng barkada. At pagkatapos naming makalagayan ng loob itong babaeng pinangakuan niya ng pag-ibig ay saka naman mawawala itong mabuti naming kaibigan. Kaya ayon tagaamo na lang kami ng mga babaeng sinasaktan niya. Minsan hindi ko talaga siya maintindihan, kung bakit ang dali niyang magsawa sa mga babae. Kung bakit kailangang iba't iba lagi ang babae niya. "Ang ganda, hanep," sigaw ni Dieg. Natatanaw na namin sila sa tuktok.

"Hoy, Matt, bilisan mo na d'yan, piktyuran mo na ako," tawag naman ni Kerr. Kasabay na naming maglakad si Matt ngayon at tulad namin ni Chase ay napapailing na lang siya.

Mas matarik na rin ang binabagtas na trail dahil inaakyat na namin ang mga taluktok ng bundok at masakit na sa tuhod ang bawat hakbang. Napangiti ako nang mapatingin kay haring araw. Tamang-tama nga pala ang akyat namin. Abot na abot namin ang pinaka-aasam na takipsilim.

Pagdating namin sa tuktok ay hinayaan muna naming mag-pictorial sina Kerr at Matt. Ngayon ko na lang muling isinuot ang glasses ko para mas malasap ang kakaibang view sa tuktok. Pagkatapos mag-pictorial nina Kerr ay nagtulong-tulong na kami para sa pagse-set up ng mga tent namin. Nahirapan pa nga kami dahil malakas ang hangin. Nang maitayo na ang tatlong maliliit na tent ay nagsimula na silang maghanap ng mga tuyong kahoy na para raw sa bonfire namin mamayang gabi. Ako ang naiwan sa camp site at nagbantay sa mga gamit namin. Siguro, alam nilang lahat na gusto ko munang mapag-isa. Alam na alam ko kung anong iniisip nila ngayon. Ako na ang emo, ang sumpungin, at ang dakilang introvert. Na ako ang pinakamaraming drama at arte sa buhay. Na napakaraming bagay pa ring gumugulo sa utak ko. Na ako naman talaga ang dahilan kung bakit kami umakyat ng bundok ngayon. Hindi man nila sabihin, alam kong nag-aalala sila sa akin. Marahil, ito talaga ang mukha ng tunay na pagkakaibigan na dapat kinakabisa ko rin.

Pagbalik ng apat ay naghanda na kami ng hapunan. Nakapagtago na rin si haring araw. Kanya-kanya kami ng dalang pagkain at lahat ay inilibas at tinipon namin sa gitna. Pinapalibutan namin ang mga ito tulad ng pagpapalibot sa amin ng mga itinayong tent. Nang mapasiklab na ang bonfire ay nagsimula na si Dieg sa pagbubukas ng mga canned goods na baon niya.  

"Ilang beses ka na nga bang nakaakyat sa bundok na ito, Kerr?" ungkat ko rito.

"Siguro pang-apat ko na 'to."

Natawa si Dieg.

"What's wrong?" sikmat ni Kerrin.

"E kasi kung magpa-picture ka kanina, parang first time mo lang sa bundok na ito," asar ni Dieg dito. Sadyang malapit ang dalawa sa isat-isa at hindi matatapos ang araw na 'di sila nag-aasaran.

"Para namang 'di ka nagpa-picture kanina. S'yempre iba 'yong dati sa ngayon. Parang mga babae lang 'yan," pagmamatuwid pa ni Kerr.

"Hay. Ayan na naman tayo Kerr sa pagiging chickboy mo. Gagaya ka pa kay Dieg," natatawa kong sabi rito. Sadyang minsa'y nasa mood rin akong sumali sa asaran nila. Kahit papa'no naman ay nagiging extroverted din ako, at s'yempre nangyayari lang 'yon 'pag ang barkada ang kasama ko.

"At least hindi ako ang iniiwan, 'di ba, Kerr?" napabiglang sabi ni Dieg habang tumatawa ito. Napatingin tuloy ang tatlo sa akin. Alam kong hindi niya intensyong makasakit sa sinabi niya pero mas masakit pala talaga 'pag galing sa kaibigan mo ang katotohanang hinding-hindi matanggap ng sistema mo. "What I mean, hindi dapat natin pinag-aaksayan ng panahon ang mga taong 'di deserve ang pagmamahal natin, ang oras natin," bawi niya.

Tahimik pa rin ang tatlo. Mukhang ayaw nilang ipahalatang nagulat sila sa naturan ni Dieg. "That's okay. Guys, we're not here to talk about Perrie. Dapat ini-enjoy lang natin ang bundok, ang gabi. At saka, excited na akong batiin ang Milky Way mamaya," sabi ko na lang.

"Tama," pagsang-ayon ni Chase. Tinapik ni Dieg ang likod ko at saka muling sumubo ng kinakain niyang tuna paella.

Muntik na akong mabulunan nang biglang magsalita si Matt, "'Oy, teka, nakita n'yo 'yon? May dumaan bang bulalakaw?" 

Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon