9. Ang Barkada

687 42 14
                                    

"Alam kong kailanma'y hindi tayo
magtatagpo. Gusto kong mahawakan ka.
Gusto kong masanay ang mga kamay ko
sa init ng mga palad mo.
At kahit alam kong hindi na darating
ang araw na 'yon, naniniwala ako
na ang pag-ibig, kung kaya nitong maghintay,
kaya rin nitong maglakbay
patungo man
sa mga hindi pa nararating
na daungan.
Kaya patuloy kong lalakbayin
ang mga daanan
at lagusan
na mas piniling maghintay
Kahit may takot o hindi sigurado
Naniniwala ako sa mga lihim ng gabi.
Tulad ng pag-aasam
kong dalawin mo ako
sa mga panaginip ko.
Tulad ng mga kuwentong nabuo
sa magdamag
Habang wala ka pa
Umaasa pa rin ako
na sana'y nakarating sa 'yo
ang mga kuwentong sana'y
nalakbay ang panahon
marating lang
ang kinaroroonan mo ngayon,
ang mga kuwentong sana'y kuwento
nating dalawa. Totoong
may mga bagay
na kahit hindi pa natin nahahawakan
alam na nating hindi natin iyon
bibitiwan. Pero sadyang may mga bagay rin
na alam na nating kailanma'y
hindi natin mahahawakan.
Kahit sa unang beses,
kahit hindi alam kung kailan nga ba nagsimula
dahil hindi alam kung
paano nagsimula
sadyang may mga kuwentong
walang simula
pero alam na alam na nating
may wakas.
Pero ito na nga ang
hindi matapos-tapos kong kuwento.
Patuloy kong hahanapin ang sarili
sa mukha, larawan at katawan ng ibang tao.
Kahit hindi naman talaga ako nawawala
o naliligaw
dahil sigurado naman ako
na naroroon lang ako
sa pagitan
ng mahal kita at mahal mo pa siya.
Sa pagitan ng mga araw na hindi
pinagtatagpo. Kaya kung marating ka man
ng mga salitang ito, masaya na ako.
Dahil ang salita ng isang tulad ko
na ilang araw
at oras ang layo sa 'yo
sa wakas
nagawa rin nitong maglakbay.
At hindi man
dumaong sa aking katawan
ang mga haplos na magsasabing
mahal mo rin ako, hindi mo man
isigaw ang pangalan ko
sa pagitan ng iyong paghinga,
patuloy kong sisimulan
nang may ngiti sa mukha
ang mga darating na linggo, buwan, at taon
na pareho nating lalakbayin.
Hindi man magkasama, hindi man sabay.
Dahil alam ko nang
minsan sa mundong ito
ay may isang ako
at may isang ikaw
na natutong magmahal.
Masaya na ako
na kahit sa isang linya
ng tulang hindi mo
mababasa ay nagkasama tayo.

“Ang Tula ni Lunes Para Kay B," ang huling linyang binitiwan ni Chase. Malinaw ang bigkas sa mga salita. Para bang nag-uumapaw ang mga emosyong kalakip ng mga binitiwan nitong salita na unti-unting nanunuot sa puso ko. Kahit simple lamang ang mga salitang ginamit, maraming gustong ipahiwatig ang mga talinhagang ginamit nito.

“Mahusay, Chase,” narinig kong papuri ni Ms. Jayne dito, ang siyang dahilan kung bakit natuto akong magbasa ng mga tula at kung bakit may konti akong ideya sa balangkas ng isang tula. Si Ms. Jayne ang professor namin sa Philippine Literature, isa sa mga asignaturang pinipilit kong hindi tulugan. Madalas, inaantok ako sa mga lesson niya kahit gaano siya kagaling magturo. Siguro dahil hindi ko lang maintindihan kung bakit may ganito pa kaming subject e hindi naman ito related sa kurso ko. "As usual, Chase, may puso ang mga write-up mo. Wala na akong masabi. Sana'y di ka magsawang magsulat," patuloy nito. Halata namang paborito niya si Chase. Well, everybody likes Chase, it's given. Maning-mani rin sa kanya ang Algebra, at kahit sa English department ay nangunguna siya.

Tinapik ko ito sa balikat nang makabalik na siya sa kanyang upuan. "Sa'n na naman galing 'yung mga sinabi mong 'yun?" may paghangang untag ko rito. Wala na sa loob ng kuwarto si Ms. Jayne at nag-aalisan na rin ang iba naming mga kaklase. Tuwang-tuwa rin sila sa nasulat ni Chase bukod sa excited nang umuwi. Ito kasi ang huling klase namin 'pag araw ng Lunes.

"Wala lang 'yun. Lunes kasi ngayon. Manic Monday."

"Pero ang dami mo ngang nasabi e. Ang dami mong alam," asar ko pa rito.

"Alam mo naman si Ms. Jayne, basta nilagyan mo ng hugot ang mga write-up mo, bebenta sa kanya."

"Sabagay."

Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon