18. Ang Bahay

424 26 12
                                    

October 3, 2015 ang petsa noong isinama ako ni Mira sa Camp Sabik. Pero ayon sa binabasang dyaryo ngayong Linggo ng umaga, August 9, 2015 ang kasalukuyang petsa—ang parehong petsa sa calendar ng mobile phone ko. Ang akala ko, 'yung tulog ko kagabi ay sapat na para ngayong umaga ay magising ako sa tamang araw at panahon. Sa tamang pag-iisip. Hindi ko maipaliwanag ang nangyayaring ito sa akin. Time travel ba ang tawag nila rito? 'Di ba't sa mga pelikula lang naman iyon nangyayari? O baka naman, ito na ang afterlife na tinatawag nila. Naalala kong bago ako nagising kahapon sa kuwarto ko, nilulubos ko lang ang unang gabi sa Camp Sabik pero aksidente akong nahulog sa kung anong hukay na hindi ko matandaan ang lalim.

Inilibot ko ang mga mata sa loob ng bahay na naipundar ni mama dahil sa pagtatrabaho abroad. Malawak ang salas kung saan ako kasalukuyang nakahilata. Mataas ang kisame, makakapal ang mga kornisa sa bawat sulok nito, at maringal ang nakasabit na chandelier. Malinis tingnan ang kulay ivory na granite sa sahig. Bukod roon, halos kulay puti at itim na lang na tema ang makikita mo sa paligid. Tulad ng ngayon ay beige na ulit na kulay ng walls. Minimalista daw kasi ang gustong interior design ni mama. Kapag umakyat ka naman sa ikalawang palapag kung nasaan ang kuwarto nina mama at Twinkle, masisilayan mo ang magandang view ng Bulkang Taal mula sa pabilog na balkonahe kung saan mas gustong mag-kape ni mama. Hindi naman ako naiinis kung sa ground floor ang kuwarto ko. Mas madalas kasi sila sa 2nd floor kaya naman mas tahimik sa baba. Katulad ngayon, hindi pa rin sila bumababa.

Naalala ko si lola. Ang lumang bahay ni lola. May taas din iyon. Doon na kasi ako lumaki. Doon ako mas komportable. At kung papipiliin, mas gusto kong doon na lang ulit tumira. 'Miss ko na si lola. At kahit ang mga kakaiba niyang kuwento. Siguro, kaya ako may weird side ay dahil kay lola. Superstitious kasi ito. Bigla ring sumagi sa isip ko ang nasabing hiling nang may biglang dumaan na bulalakaw nang nasa tuktok kami ng Mt. Gulugod Baboy. Ang sabi sa akin ni lola noon, darating daw ang shooting star ko sa panahong mas kailangan ko ito. Pero nilinaw niya na isa lang daw ang shooting star na nakalaan para sa isang tao. So ang ibig sabihin, in a lifetime, may isang hiling ka lang na kaya nitong tuparin. At kung nagawa nang tuparin noong unang shooting star ang hiling ko rito noong umakyat nga kami sa tuktok ng Gulugod Baboy, bakit pa niya kailangang tuparin ang pangalawa kong hiling?

Ang dami kong tanong sa utak ko ngayon. At pakiramdam ko si lola lang ang makakasagot do'n. Si lola lang ang makakaintindi sa akin. Gusto ko ng matinong kausap. Habang ako'y nakahilata sa wooden sofa na in-order pa raw ni mama sa Malaysia at habang pinagmamasdan ang dyaryo sa harapan ko, nanatili ang petsang nakasulat dito at nanatili rin ang pangungulila ko kay lola. Napatingin ako sa horoscope section ng dyaryo na nasa harapan ko dahil may naiwang marka roon. May guhit ang salitang Leo, ang Zodiac sign namin ni mama. Kaya kahit hindi na ako naniniwala rito, binasa ko na rin ang nakasulat:

LEO: You tend to get stuck in a routine, and this can often be a problem when you wish to move on and do something different. Consider some new and very different options in order to meet new people and opportunities.

At timing talaga na tumawag si Chase dahil sabik na sabik na ako sa kausap na masasabi kong ka-wavelength ko. Tinanong niya ako kung ayos na raw ba ako. At tulad ng pag-uusisa ko kay Matt, tinanong ko rin dito kung kilala niya si Mira. Pero ayon sa sagot niya, hindi rin daw niya ito nakikilala. Tama, kung nagbalik ako sa nakaraan sa araw na hindi pa namin nakikilala si Mira, dapat alam ko na ang magiging sagot nito. Pinagmasdan ko ang koleksyon ng mga tulang sinulat ni Mark Jin sa ilalim ng center table sa harapan ko. Hindi ko alam kung sinong bumili nito at kung bakit kami may kopya ng gano'ng klase ng libro sa bahay. Naalala ko si Berna at ang tula ni Chase para rito kaya agad kong tinanong si Chase kung posibleng naka-save pa ba sa phone niya ang number ni Berna. Gusto ko sana itong kontakin para malaman kung nasaan na ngayon si Mira.

Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon