32. Ang Boses

434 28 25
                                    

November 2, 2015

Hindi pala talaga kami nakarating sa Camp Sabik. 'Yung akala kong experience ko ro'n, bahagi lang din pala ng mga panaginip at imahinasyon ko habang nasa coma ako. Wala ring time traveling na naganap. Kaya naman pala gano'n na lang ka-imposible ang mga pangyayari, kasi hindi naman ito nangyari.

"Okay ka lang ba 'toy," rinig kong tanong ng lolo sa tabi ko. At kung hindi pa niya ako tatapikin ay hindi ko pa sana ito tuluyang mapapansin. Gusto kong isipin na panaginip pa rin ang lahat. Lalo na ang pangyayari sa bus nang papunta pa lang kami sa Camp Sabik. Sa ngayon, hindi ko pa kayang tanggapin ang katotohanang iyon. At siguro sa ganitong sitwasyon, wala kang ibang magagawa kundi ang umiyak. Pilit kong pinigil ang paghagulhol pero may manaka-nakang tunog pa rin na nakapupuslit.

Naramdaman ko ang pag-usod ni lolo sa tabi ko sabay abot nito ng panyo niya sa akin. "Ijo, kung gusto mo ng kausap, 'andito si lolo? Aaminin ko, naalala ko sa 'yo ang apo ko. Ano bang nangyari sa 'yo? 'Yang galos sa katawan mo, dahil ba 'yan sa isang aksidente?" Mukhang mayaman si lolo at siguro may maayos itong trabaho noong kabataan pa nito.

Tumango ako.

"Mapalad ka at iyan lamang ang natamo mo. Dapat 'wag mong sasayangin ang second chance na ipinagkaloob sa 'yo. Weeks ago, nadamay rin ang apo ko sa isang car accident. Nasa kolehiyo pa lang ito, graduating. Kaso hindi na niya nahintay ang diploma niya, agaw-buhay na siya nang dinala sa ospital na ito, at siguro isa na rin iyon sa mga dahilan kung bakit ako na-stroke at na-coma. Ang kawawa kong apo, na-coma nang tatlong araw pero katawan na niya mismo ang sumuko. Matindi ang tama nito. Hindi ko na kaya pang alalahanin at ako lamang ay lalong nalulungkot... at nanghihinayang. Kaya inis na inis ako sa driver ng sinakyan nitong bus. Sabi ko, bakit hindi muna niya tsinek ang brakes ng sasakyan bago gamitin? Bakit kailangang madamay pa ang mga inosenteng bata," kuwento nga ni lolo sa nanginginig na boses at bakas sa mukha nito ang labis na pighati.

"Ang unfair nga po talaga, 'lo. Ang dami pa niya sigurong pangarap. Sobrang taas pero ang ikli ng buhay para sa kanya... para... liparin ang pangarap na 'yon. Papunta rin po ba siyang Batangas?"

Tumango si lolo at sinabi sa akin na nag-volunteer daw sa isang event sa Anilao ang apo niya. Naisip ko ang Camp Sabik at naisip ko rin na baka nga kasama ko rin ito sa bus na sinakyan, ang bus na naaksidente. Ramdam kong bumilis na naman ang kabog ng dibdib ko.

Lalo akong kinalabutan nang sinabi nito ang itsura ng apo niya. John daw ang ngalan nito. Kinuwento ko tuloy kay lolo ang isa sa mga panaginip ko nang nasa coma ako, nang makilala ko ang apo niya na isa nga sa mga naging staff ng Camp Sabik. Si John na siyang sumalubong sa aming tatlo nina Mira at Matt.

"Naniniwala ako d'yan sa kuwento mo," sabi ni lolo sa akin. "Sabi nga nila, when people die unexpectedly, their souls continue to wander until they realize they're already dead. Especially if they're going to a certain place. Papasok sa work, sa school o may pupuntahang isang event. Siguro dahil naka-set na sa inyo na pupunta kayo sa camping na 'yon, 'yun na rin ang unang goal ng naliligaw n'yong souls. Tapos, nagkita pa nga kayo. Ang sarap marinig mula sa 'yo, na kahit wala na ang apo ko, may naiwan pa rin siyang kuwento."

Lalo akong naiiyak dahil kay lolo. Bago ko ito iniwan sa bench na inupuan namin, nagpasalamat muna ako rito at sinabing masaya na ang apo niya kung saan man ito naroroon ngayon.

Kahit kabado akong bumalik sa kuwarto ko, wala akong ibang choice kundi ang simulan ang mahaba-habang paglalakad dahil alam ko na nasa loob ng kuwartong iyon ang sagot sa marami kong tanong. Ramdan ko pa rin ang panlalambot ng katawan. Takot na takot akong malaman ang katotohanan. Baka hindi ko iyon kayanin. Sana mali ang mga iniisip ko.

Nang marating ang harap ng kuwarto, nag-alinlangan pa akong pumasok. Siguro mahigit isang minuto ako na nakatitig lamang sa door knob. Pero sabi ko sa sarili ko, kailangang kong maging matapang.

Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon