25. Ang Barako Float

339 23 17
                                    

Alam kong gustong magsalita ni Mira pero mas pinili niya akong hamunin ng titigan. 'Yung tipong nakatitig lang siya sa akin pero ang dami na niyang nasabi. At kung totoo ngang nakapag-uusap ang mga mata, malinaw ang naging usapan namin. Ang gusto ko lang naman sana ay sabihin dito na siya na lang ang mag-comfort kay mama. Pero ayaw nito. Siguro, nahihiya pa itong mag-reach out kay mama dahil kakikilala lang naman nila sa isa't-isa. Kaya timing na naman ang pagtawag ni Perrie na agad ko ring sinagot. Nagpaalam ako sa dalawa na pupunta lang ako sa labas. Kahit na sa totoo lang hindi ko naman talaga kailangang lumabas ng bahay. Gusto ko lang talagang maiwasan ang awkward na moment sa loob. Bahala na si Mira roon.

Pagkatapos kausapin si Perrie sa phone ay agad akong bumalik sa loob. Naabutan ko pang nakayakap si Mira kay mama. At ang eksenang iyon ay nagbigay rin ng konting kurot sa puso ko. Hindi ko na maalala kung kailan ko nga ba huling nayakap si mama. Noong araw ba na umalis siya papuntang Hong Kong? Hindi noong araw na iniwan na rin ako ni lola at walang ibang taong yumayakap sa akin. Tumingala ako para walang kung ano mang likidong tumulo mula sa mga mata ko. Umiinit na naman kasi ang mga ito.

Dahil nasipat kong umiiyak pa rin si mama, biglang umurong ang mga paa ko at sa halip na puntahah ko ito, nagtago ako sa gilid ng pader na siyang naghihiwalay sa aming salas at kusina. Ang bahaging na-pintahan na niya.

"E may mga bagay akong hindi masabi sa kanya. Ang hirap," narinig ko pang sabi nito kay Mira kaya naman tuluyan nang pumiksi ang katawan ko sa naging pagkakatago. "Kung iisipin, madali lang sana kasi hindi naman siya nagtatanong. To the point na hindi na rin niya ako kinakausap. Hindi ko na rin naman siya masisisi kung bakit naging gano'n na ang relasyon namin. Kaya nga nagulat akong nagsama siya ng kaibigan ngayon. Ang ibig kong sabihin, bukod kay Perrie na kababata niya, wala na siyang ibang taong sinasama sa bahay." Naisip ko lang na wala na rin naman kasing nakakausap si mama sa bahay bukod kay Twinkle na maghapon din namang nasa eskwelahan. Dito na kasi siya nakabili ng lote. Malayo sa compound ng mga kamag-anak namin. Malayo sa lumang bahay nina lola. Kaya rin siguro gano'n na lang siyang makapagkuwento kay Mira.

"Ang swerte ko po pala at nakilala ko rin sa wakas ang mabait at magandang mommy ni Blaze," puno ng siglang sabi naman ni Mira rito.

Natuwa naman ako dahil kahit papaano ay napangiti naman nito si mama. Ang sabi pa nga nito, "Naku ikaw talaga. Nambola pa."

"Hindi naman po. Pero tita, lulubusin ko na po ang pagiging tsismosa ko, e nasan po ba ang papa ni Blaze?" Halatang natigilan si mama na dahil na nga marahil sa tanong ni Mira. 'Yan din sana ang matagal ko nang gustong itanong kay mama pero dahil matagal siyang nawala, hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon. Hanggang sa ang distansya namin sa isa't isa ang siya nang naghari. "Naku tita, sorry po. Kalimutan nyo na lang na natanong ko 'yon. Sorry po talaga," dagdag nito nang hindi agad makasagot si mama. Nakatungo pa ito at hindi na makatingin kay mama.

"Hindi 'ne. Ayos lang. Sa ikinatagal na ng panahon, ngayon pa ba akong magiging hindi handa sa sagot ko? Oo, totoong isa sa mga dahilan kung bakit ako umalis sa bansa ay para maiwan ko ang mga alaalang kasama ang papa niya. Noong una, hindi sadya ako handang kausapin si Blaze tungkol sa papa niya. Duwag kasi ang mama ng kaibigan mo." Sinabi pa niya rito na hindi naman talaga nawawala ang papa ko. And that got me. All this time, naniwala ako na 'missing person' na talaga si papa at ayaw ko nang muling umasa na makikita pa ito. Kung gano'n, nagsinungaling ba sa akin si lola? Pero pinigilan ko ang sarili ko na sumabad sa usapan ng dalawa at bagkus ay bumalik na lang sa may veranda. Sabi sa akin ni lola noon, kamukhang-mukha ko raw ang papa ko. Kaya siguro ayaw akong makita ni mama noon at mas pinili na lang niyang umalis. Pero ngayon, sa aming dalawa ni mama, ako nga yata ang totoong duwag. Siguro nga, natatakot akong malaman ang katotohanan sa likod ng pagkawala ni papa. Kung nasaan na nga ba siya ngayon. Kung bakit niya kami iniwan. Hindi ko na kaya pang magalit kay mama. At para ngang nakokonsiyensya pa ako ngayon. Naawa ba ako kay mama o sa sarili ko? Hindi ko na rin masabi.

Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon