Epilogo

830 45 87
                                    

August 29, 2017

Nag-ring na naman ang phone ko habang nakatitig ako sa group photo namin noon sa Mt. Gulugod Baboy, noong unang beses naming makasama si Mira sa bundok, noong buo pa ang barkada. Nakapatong ang phone sa aking desk na agad ko namang napansin dahil sa nag-vibrate din ito.

"Oo, papunta na ako," sagot ko kay Mira at nagsimula nang lumabas ng opisina. Ikatlong tawag na niya iyon sa loob lamang ng isang oras. Ang dami ko kasing inaasikasong paperworks sa office kaya hindi ko agad ito mapuntahan. Marami rin akong kinontak at kinausap na mga tao kanina.

Bago ako umalis sa parking lot, bandang alas dos na ng hapon, ay muli siyang tumawag. Galit na ito sa akin kasi raw ang tagal-tagal ko. Para makaiwas sa galit nito, sinabi ko na lang sa kanya na nagmamaneho na ako kaya mamaya ko na siya tatawagan.

Habang nagmamaneho ay sumagi na naman si diwa ko ang mga alaalang kasama si Matt. Halos dalawang taon na ring hindi ito nakakasama. Miss ko na ito. Napalingon tuloy ako sa kanan ko, sa upuan kung saan nakapatong ang kamerang regalo sa akin ni Mira noong first anniversary namin bilang magkasintahan. 'Yun din ang kamera na nagpa-realize sa akin na kahit may day job ako, p'wede ko pang gawin ang iba kong passion. Ang passion na unti-unti na ring naging part-time job ko. Masarap din namang matawag na isang photographer lalo na kapag napapangiti mo ang mga kliyente mo.

Around 2:30pm na nang masundo ko si Mira sa Kismet Café. Suot nito ang dilaw na dry-fit shirt na nabili namin sa isang souvenir shop no'ng mag-hike kami sa Bulkang Taal noong nakaraang buwan. Naka-cargo short ito at suot ang lumang sapatos. Ilang bundok na rin ang naakyat noon. "Alam mo talaga kung paano aalisin ang init ng ulo ko 'no?" sabi pa nito sa akin nang marating namin ang paanan ng bundok na aakyatin, ang Manabu Peak. Bukod sa ipinag-take out ko ito ng paborito niyang tuna sandwich, binilhan ko rin kasi ito ng bagong hiking shoes. 'Yung katulad ng sa 'kin para pareho kami. At nang makita na itong nakangiti, saka na lang ako nag-sorry dito.

Mabilis naman itong umismid at pagkatapos ay agad na isinara ang hawak na kahon ng sapatos na bigay ko.

"Patawarin mo na ang honey Blaze mo, please," ulit ko. Sinubukan kong magpa-kyut baka lumusot.

"Corny mo. Tara na nga. Para maaga tayong makababa. Kanina pa akong akyat na akyat. E ikaw naman ang nagplano nito... tapos ikaw pa 'yung late. Ano bang pinaggagagawa mo sa office? 'Di ba naka-leave ka na naman today?"

"Alam mo naman 'yon, 'di ba? Na matatambakan ako kung hindi ako sumaglit kanina. May issue 'yung isa kong kliyente na need ng follow-up," paliwanag ko rito.

"Whatevs. Basta ang cute nitong shoes na 'to. Thank you so much, my honey Blazy," tugon nito sa akin habang pinipisil ang pisngi ko. Gano'ng kabilis, sigurado akong napatawad na agad ako nito.

"'Wag kang ganyan, baka i-kiss kita d'yan bigla," asar ko rito nang isara ko ang mga mata ko at ngumuso rito. Nabatukan niya tuloy ako.

Isang oras at kalahati lang naming inakyat ang bundok. At tulad no'ng unang beses namin itong inakyat, nakakapagod pa rin ang ilang mga pag-ahon. Established na naman ang trail at maraming mga rest station na madadaanan kaya kahit walang guide, madali mong mararating ang tuktok nito. At s'yempre pa, naka-inom pa kami ng paboritong Alamid coffee sa nadaanang kubo bago dumiretso sa tuktok.

Nang marating namin ang taluktok ng Manabu, agad akong napalingon sa kasama. Gulat na gulat ito dahil sa aming naabutan doon. "Anong meron sa taas? Ba't parang may event?" pagtataka nga nito.

"Oo nga, 'no? Ba't may malaking screen doon?" 'Yung malaking OHP kasi ang una mong mapapansin. Wala pang naka-project na image o video do'n kaya hindi mo rin agad masasabi kung ano ngang event sa taas.

"At in fairness, maraming tao. 'Wag na lang tayo tumuloy? Baka makaabala tayo sa event nila."

"Alam mo ba kung anong wish sa 'yo ni Matt noon?"

"Oo naman, " mabilis nitong sagot. Hindi na siya nagtanong kung bakit ko agad binago ang topic at naisingit si Matt sa usapan. "Hindi ko 'yon malilimutan. Sobrang gustong-gusto niyang matapos ko ang novel thesis ko at ma-publish iyon. Back then, hindi ko alam na posible pala talaga iyong mangyari, na makakahanap ako ng isang publisher na magpu-publish nito. Sa kanya ko rin sinabi na kapag nag-book launch ako, gusto ko sa tuktok ng bundok. Sayang nga lang at hindi na siya ang makakagawa ng cover nito."

Nang makalapit sa animo'y book fair sa tuktok ng bundok ay do'n na na-realize ni Mira kung ano ngang meron dito. Maraming taong nag-aabang sa harap ng malaking OHP roon. May apat na poste ng ilaw sa paligid nila. Nandoon din si Rosy J malapit sa isang poste kasama ang camera man nito para i-cover ang mga ang pangyayari sa taas. Sa tapat nito, nakalagay ang tarp na magsasabi kung kaninong event ito. May isang maliit na table malapit sa OHP kung saan may mga nakapatas na libro.

Nang masipat ko si Georgia, naalala ko nang sinabi niya sa akin dati na hinding-hindi siya aakyat ng bundok. Pero nandito siya ngayon, para sa kaibigan niya.

"Ladies and gentleman, let us all welcome," she shouted, "Zhyx Publishing's newest author, Ms. Almira Grace Sorel. The author of Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw."

Mas ikinagulat ni Mira nang magpalakpakan ang mga tao sa harapan nito, lalo na nang mapansin niyang sa kanya lahat nakatingin ang mga ito. Ang ilan pa nga sa mga ito ay close friends niya.

Tumingin siya sa akin na para bang nakagawa na naman ako ng isang malaking kasalanan. "Ikaw ba ang nag-arrange ng book launch na ito?"

Pero hindi na ako nakasagot sa kanya dahil sa hinila na agad siya ng staff ng Zhyx Publishing. Narinig ko pang sinabi nila dito na kailangan daw pumunta ni Mira sa unahan para sa isang speech. Lagot talaga ako rito. Habang naglalakad ito papunta sa unahan, muli itong lumingon sa akin at bumulong sa hangin, "Mahal na mahal kita, honey Blazy! Pero lagot ka sa akin mamaya."

Sinagot ko iyon ng isang kindat, at tulad niya, bumulong din ako sa hangin," I love you at handa akong masaktan. 'Wag mo lang akong iiwan." Agad kong hinanap si Chase para sa bilin ko rito.

"Thanks sa lahat ng pumunta. Lalong lalo na sa Zhyx Publishing. Wow. Sobrang na-surprise ako sa inspiring and one of a kind na book launch na ito. Para sa akin ba talaga ito? Maraming salamat. Posible pala siya," pauna niya. Hawak nito ang isang kopya ng libro niya. "At s'yempre sa aking Honey Blazy... na kaya siguro abalang-abala nitong nakaraan, ikaw ha! Muntik na akong magselos sa mga officemates mo. Salamat, alam mo 'yan. Ginulat n'yo naman ako sa speech na ito, hindi ako prepared," patuloy nito nang bahagyang itinaas ang mukha. "I am dedicating this book to Matthew Dizon, a very good friend of mine and whom I would always remember. To my mama and papa up there, para sa inyo 'to," sabi pa nito nang tuluyan nang tumingala sa taas. Hindi pa pansin ang mga bituin sa langit pero masarap pagmasdan ang bilog na bilog na araw. Matagal niya ring tinitigan ang araw hanggang sa paglubog nito. Hanggang sa magulat siyang nasa harapan na niya ako. Inabot ko sa kanya ang isang malaking bouquet ng mga paborito niyang bulaklak, pinahid ang luha sa gilid ng mga mata nito, at humarap sa mga taong nanonood sa amin. Suot ang aking antipara, pilit kong kinabisa ang mukha ng lahat ng mga naroroon. Gusto ko silang pasalamatan isa-isa. Pero higit sa lahat, mas gusto kong kabisahin ang ngiting nakaguhit sa mukha ni Mira at kung paano ko iyon pananatilihin.

✨💫WAKAS💫✨

Kung Pa'nong Ang Bulalakaw Ay Naging Ikaw [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon