Kabanata 39: Matalik na kaibigan

Start from the beginning
                                    

"Tapat sila sa aking lahat kaya kung anong iutos ko at susundin nila. H'wag kayong mag-alala."

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Kinakabahan ako na baka ipaki-usap ni Scion na ilabas ko rin si Weiming sa libro.

"Mabuti naman, bukas natin sila ilalabas sa libro. Gusto namin na bigyan ng panahon si Serenity para makapaghanda." Sambit ni Kuya Sanchi. "Ayon lang ang anunsyo ngayong umaga. Tayo ay magsalo-salo na mga kapatid."

Pinagmamasdan ko sila habang kumakain. Kahit na hindi sila magkakadugo ay parang pamilya na ang turingan nila rito sa isa't isa. Kung matatapos man ang lahat ng ito nang maayos ay gusto ko tumira rito kasama sila.

Biglang pumasok sa isip si Auntie. Sa kwarto malapit kay Kuya Arnold siya nakatago. Ano na kaya ang mangyayari sa kanya?

"Kuya Arnold, maibabalik lang ba natin si Auntie sa dati kapag natalo natin si Haring Midas?" bulong ko sa kanya. Katabi ko siya sa aking kanan.

"Matagal nang nagtayo ng Casino sila Jun para makalikom ng mga kaluluwang ganid sa pera at kapangyarihan, doble kasi ang bilang nito para kay Yama. Isa ang tiyahin mo sa mga biktima. Isinangla niya ang kanyang kaluluwa para makautang ng maraming pera kaya nang hindi niya maibalik ang pera sa itinakdang oras, ay nakuha ang kanyang kaluluwa. Maililigtas lang natin siya kapag tuluyan ng mawala si Haring Midas."

Nakasalalay na pala rito ang buhay ni Auntie. Ang buhay niya at ang milyong taong walang kalaban laban. Mas lalong bumibigat ang pakiramdam ko.

Hinawakan ni Scion ang kaliwang kamay ko, "Maililigtas natin ang tiyahin mo at sana kapag naibalik na ang kaluluwa niya at bumait na siya sa'yo." Ngumit na lamang ako sa sinabi niya.

Hindi ko aasahan na babait siya sa 'kin. Ang importante ay mabuhay siya. Kahit gaano pa siya kasama ay naging tiyahin ko pa rin siya.

Tinapos namin ang agahan at agad din kaming bumalik sa pagsasanay namin.

Inihahanda naman ni Kuya Arnold ang mga pana at palaso na gagamitin nila. Mayroon din silang mga espada na may sukat na malaki at maliit.

Binigyan nila ako ng katahimikan upang magsanay sa tabi ng lawa, sa punong sagrado kung na saan ang Polaris.

Hindi ko alam kung kaya ko na ulit siyang hawakan pero kailangang gawin. Pagkatapos naman nang lahat ng ito ay babalik na rin ang lahat sa dati.

➖➖➖➖➖

ILANG oras na akong nagsasanay. Paunti-unti ay nakakabisado ko na kung paano palabasin at gawing pananggal ang puting enerhiya ng Yang. Mas naiintindihan ko na rin ang mga hiss ng mga puting ahas. Sinusubukan ko silang utusan maya't maya at hindi nila ako binibigo.

Pati ang pagsasanay para lumakas ng pisikal ay ginawa ko na rin. Pinag-aralan ko kung paano hawakan ang balisong. Isinantabi ko muna ang takot na nararamdaman ko. Isa akong anak ng puting salamangkero kaya hindi dapat ako matakot. Hindi ko dapat biguin sila Itay.

"Sssss... Serenity," bulong ng isang ahas sa akin. "Kailangan nila si Scion para sa matinding pagssssa-sanay. Papuntahin mo siya roon. Wala na tayong oras."

Nakita ko sa malapit si Scion. Ayaw niyang mawalay sa tabi ko dahil baka may mangyaring masama sa akin pero sa tingin ko naman ay protektado kami rito sa loob ng sanktuaryo ng mga Yang.

"Scion!" Sigaw ko. Agad niya itinigil ang ginagawa niya at dali-dali siyang lumapit siya sa akon. "Pwede ka bang tumulong sa pagsasanay nila Kuya Sanchi? Marami silang matutunan sa'yo lalo na makikisabay sila sa hukbo mo."

Polaris (Published under IndiePop)Where stories live. Discover now