Kabanata 12: Shunyi

117K 4.7K 441
                                    

Shunyi

Limang minuto na ang nakakaraan pero wala pa rin ang ambulansya. Nanghihina pa rin si Cooper at paminsan-minsan itong umuubo. Habang tumatagal ay mas lalo akong kinakabahan, "H'wag kang matutulog, okay?"

Huminga siya nang malalim. Namumutla na ang mukha niya habang pilit niyang idinidilat ang mga mata niya, "Sino ang lalaki na nasa likuran mo kanina? Bakit bigla siyang nawala?"

Gustuhin ko man na sabihin kay Cooper ang totoo pero hindi ito ang tamang oras. Hinang hina na siya at kailangan niyang ipunin ang lakas niya habang wala pa ang mga rescuer. Isa pa baka hindi rin naman siya maniwala sa mga sasabihin ko.

Narinig ko na sa malayo ang tunog ng ambulansya. Hindi ko na muna sinagot ang tanong niya at kinausap ko na lang siya na h'wag pumikit at lumaban.

Simpleng pagtulak lang ang ginawa ni Scion pero dahil may kakaiba siyang lakas at kapangyarihan ay parang isang sixteen wheeler na truck ang tumama sa likod ni Cooper.

Ito ang dahilan kung bakit natatakot ako na makita siya ng mga tao. Baka kung anong hindi maganda ang magawa niya. Alam ko naman na nagbabago na siya pero kaunting pagbabago pa lang ang nakikita ko sa kanya. Marami pa siyang bigas na kakainin. As in limang sako pa.

Ilang minuto ang nakalipas ay dumating na ang mga rescuer.

"Ano pong nangyari sa kanya?"

Napahinto ako sandali. Paano ko ba sasabihin sa kanila ang nangyari? Paano magkakaganito ang isang tao dahil lang isang pagtulak? Napapikit ako at huminga ako nang sobrang lalim. Ang hirap talaga ng sitwasyon ko ngayon. Mas mahirap pa 'to kaysa sa mga exam ko sa Statistics.

"Uhm, na out of balance kasi siya tapos masama 'yong pagkabagsak niya sa sahig," 'ayan ang palusot ko.

Hindi ko alam kung pasok na sa banga pero wala, eh. Sabaw na sabaw na ata ako ngayon. Sana kagatin nila at sana walang cctv malapit sa area na 'to kung hindi ligwak na ako.

"Paki tignan na po siya please, baka mapaano pa siya, eh."

Lumapit sila kay Cooper. Tinignan nila ang mga mata niya gamit ang flashlight. Mukhang okay naman siya pero dumudugo pa rin ang ilong niya kaya nilagyan nila ito ng bulak.

"Kayo mo bang gumalaw, sir?" Tanong ng isang rescuer.

Iginalaw ni Cooper ang ulo niya para umiling. Nanghihina pa rin siya hanggang ngayon.

Inalalayan na si Cooper ng mga rescuer para ilagay sa stretcher.

"Kaano-ano po kayo ni sir?" Tanong ni kuya rescuer.

"Kaibigan po niya ako," sagot ko.

"Sumama na lang po kayo sa amin sa hospital. Kailangan pa siyang matignan nang mabuti dahil tumama ang ulo niya sa sahig, baka magsagawa po kami ng CT scan."

"Kuya, susunod na lang ako. May kailangan lang akong gawin. Kayo na po ang bahala sa kaibigan ko."

Pumayag naman si kuya rescuer. Mabait naman sila kaya alam kong nasa mabuting kamay ang best friend ko.

Lumapit ako kay Cooper, "May kailangan lang akong gawin pero susunod ako sa'yo sa hospital, okay? Magiging okay ka rin."

Ngumiti lang siya sa akin. Nanghihina talaga siya kaya nakakapanlumo. Gusto ko man na samahan siya pero hindi ko pwedeng pabayaan si Scion na mag-isa sa kalsada lalo na at gumamit na naman siya ng shunyi. Panigurado ako at nanghihina siya ngayon.

Nang makaalis ang ambulansya ay nagsimula na akong hanapin si Scion.

Saan na naman ba siya pwedeng magpunta?

Polaris (Published under IndiePop)Where stories live. Discover now