s: si Senyor Salazar [ 2.1 ]

93 9 61
                                    

[ 1882 - Halos dalawang taong pagkawala ni Pole ]

Nang nakaraang taon pa ipinakilala si Manuela sa kung sino-sinong unico hijo. At marami na itong naging manliligaw, ngunit iilan lang talaga ang tumatagal. Isa na sa mga naging manliligaw nito ay ang kanyang kapatid na si Samaniego. Ngunit, katulad ng mga ibang sumuko ay iisa na rin ang nirereklamo ng kapatid patungkol sa dalaga.

"Hindi ko man lang siya makausap nang hindi lalampas ng tatlong minuto."

"Magalang siya ngunit hindi man lang niya ako matignan."

"Laging parang may sariling mundo."

"Para akong pumunta roon para lang kausapin ang aking sarili."

Ngayon nga'y malapit nang sumuko ang kapatid, nagrereklamo na naman kasi ito sa kanilang Ama na ayaw naman talaga nitong puntahan ang bahay ng mga Guevarra at ligawan si Manuela. Sinabi na rin nitong kaya lang naman nito ginawa iyon ay gusto niya lang magpapansin pa rin kay Socorro. At baka sa pamamagitan ni Manuela ay mapapaselos nito ang dalaga.

Ngunit, dahil hindi naman tumatalab at hindi na kaya ni Samaniego ay ito ngayon, ngumangawa sa Ama. Napapailing lang naman ang nakakatandang Salazar.

"Ako na ang pupunta," walang ekspresyong prisinta ni Isidro sabay kuha ng buslo ng mga kahel mula kay Samaniego.

Mukha namang nagulat ang kapatid at pati na ang kanilang Ama sa ginawa niya. Ang alam nila ay kasalukuyan niyang nililigawan si Senyorita Mirabella, ang anak ng kasosyo ng ama sa tubuhan.

Iyon nga ang ginagawa niya ngunit parehas lang na alam niya at ni Mira na wala talaga siyang interes sa dalaga. Sadyang pumayag lang ito para wala nang ireto rito ang sariling ama. Hindi kasi ito katulad ng matalik na kaibigan nitong si Luciana na palagi na atang nagkakanobyo kada tatlong buwan.

"Hindi ba magagalit si Mirabella kung ikaw ang pupunta, anak? Alam mo namang wala tayong lahing babaero, Isidro," nahimigan niya ang pagbabanta ng kanyang Ama sa tono nito.

Tinitigan lang siya ni Samaniego. Alam niyang kilala siya ng kapatid at alam rin nito ang rason kung bakit siya nagprisinta. Kulang na lang ata ay sumuntok pa ito sa hangin at sabihing tama ito sa hinala. Ngunit, dahil ayaw niyang aminin at alam nito na kung nanahimik siya ay mananahimik rin dapat ito.

Umiling siya. "Ihahatid ko lamang naman po ang buslo para kay Samaniego. Mukha ngang may sakit ho siya kaya kung ano-ano na naman ang sinasabi." Tinignan niya naman nang makahulugan ang kapatid na biglang umaktong hinihigit ng ubo.

"T-Tama po si Kuya. Mukhang lalagnatin po ako ngayon," pagdagdag naman ni Samaniego sa kanyang palusot. Sinapo pa nito ang noo.

Napaamang naman ang bibig ng kanilang Ama at nagpalit-palit ng tingin sa kanilang dalawa. Bago sumusukong itinaas ang mga kamay. "Imelda, bakit ba hindi mo ako binigyan ng anak na babae?" malakas na tanong nito sa Ina nilang kasalukuyang nagbuburda sa kabilang kwarto. Natawa naman ang kanilang Ina sa sinabi ng Senyor.

"Aba'y hindi ko na 'yan kasalanan, Fernando."

Umalis naman ang kanilang Ama at pumunta na lamang sa kinaroroonan ng kanilang Ina. Ang ibig sabihin noon ay wala na itong pakialam sa gusto nilang gawing magkapatid. Nang masigurong hindi na sila maririnig ng Ama ay inabot pa siya ni Samaniego para suklayin ang kanyang buhok.

"Ano ito? Kakagising mo lamang ba, Kuya?"

Kakagising niya nga lang talaga. Nakatulog kasi siya habang sinusubukan niyang tapusin ang pagsasalin ng kanyang takdang-aralin sa Pransya. Plano na siyang papuntahin ng Ama sa naturang bansa sa susunod na linggo. Tutal naman raw ay makapaghihintay naman si Mirabella.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora