panglimang liham: kasagutan [ 3 / 3 ]

115 10 89
                                    

Doon naman unti-unting nawala ang ngiti sa kanyang mga labi at tumikom ang kanyang bibig. Kung maari lang sana na kung umibig siya sa isang tao ay wala nang kaakibat na sakit sa damdamin. Wala nang kailangan gawin kundi maging masaya lamang sa piling ng iniirog.

Mukha namang nahimigan ng kanyang Ina ang kanyang pananahimik at saglit na hindi ito nagsalita. Hanggang sa parang nakuha nito ang mga patlang na hindi niya nilagyan ng salita. "Pole... Hindi ba natin kaparehas ng estado si Manuela?"

Hindi siya sumagot. Hindi siya makasagot. Nanahimik lamang siya at naramdaman niya naman ang masuyong pagpisil ng kanyang Ina sa kanyang mga kamay. Napapiksi siya. Sasabihin rin ba ng kanyang Ina na sukuan na lang niya si Manuela?

"Apolinario..." mahinang usal ng kanyang Ina. Nanlamig ang kanyang kalamnan. Hindi siya tatawagin nito sa kanyang buong pangalan kung wala itong mabigat na sasabihin. Itinaas niya ang mga mata para salubungin ang sa Ina. Mapait ang ngiti na sumilay sa mukha nito. "Pasensya ka na, anak. Pasensya ka na at hindi tayo mayaman."

Para siyang nagkaroon ng bikig sa kanyang lalamunan. Paulit-ulit siyang napailing. "Hindi po. Wala po kayong kasalanan. Hindi ko po kayo ikinahihiya, Inang. Ayos na po sa akin na hiwalayan ang aking nobya dahil--"

"Pole..."

Hinawakan ng kanyang Ina ang magkabilang pisngi niya. "Naniniwala ako sa'yo, anak. Alam kong mahirap na iwan mo ang iyong minamahal. Alam kong hindi mo gusto iyon. Wala na akong maitutulong sa iyo bukod sa pagpayo nito... Kung mahal mo ang isang tao, lumaban ka hanggang sa kaya mo. Mahal mo naman siya, di'ba, Pole?"

At sa kauna-unahang panahon nang kawalan ng luha sa kanyang mga mata, lumalam iyon at isa-isang tumulo na para bang binuksan na gripo. 

Sa Inang ko lamang naikwento ang lahat ng tungkol sa atin Manuela. Ni hindi iyon alam ng aking Ama at ng aking mga kapatid. Alam mo ba na nagustuhan ka niya at gusto ka talaga niyang makilala? Nagawa niya nga akong paluin sa tuhod nang isinalaysay ko ang panliligaw mo sa akin. Ang sabi niya sa akin ay bakit hindi ako nahiya. Sinabi ko naman sa kanya na hindi ko naman inaasahang gagawin mo iyon.

Dahil sa aking Ina, nabawasan ang bigat ng aking paglisan at nagbilang ako ng araw kung kailan ako makakabalik. Gusto ko 'pag bumalik na ako ay malakas na ang aking paniniwalang kaya na kitang harapin at kaya ko nang ipaglaban ka. Subalit, hindi rin nagtagal ay binawian rin ng buhay ang aking Ina. Labis ang aking pighati ng araw na iyon at gustong-gusto kitang makita, gustong-gusto kong humingi ng lakas sa iyo. Ngunit, wala ka sa aking tabi at hindi naman ako makakabalik pa.

Dumaan ang oras at hindi pa rin kita nagawang kalimutan. Parang multo ang habilin ni Inang na laging nakabuntot sa akin at sinasabihan akong 'wag sumuko.

Kaya mas lalo akong nangulila sa iyo, sadyang ginawa ko na lamang positibo iyon. Isa ka sa ginawa kong inspirasyon upang matapos sa pag-aaral sa huling taon ko sa pang-sekondaryang edukasyon. At ang araw-araw ay binibilang ko hanggang sa magawa ko na ring magpakita sa iyo.

Hindi ako nag-isip na baka ako'y huli na o baka wala akong madadatnan sa aking pagdating. Ang alam ko lamang ay gusto kitang makitang muli, Manuela.

NAGULAT si Apolinario sa ginawang pagsampal sa kanya ni Manuela. Mukha kasing yayakapin siya ng dalaga nang magtama muli ang kanilang mga mata at handa pa sana siyang gumanti ng yakap dito. Hindi naman niya alam na sampal pala ang igagawad sa kanya ng iniirog. Napasapo siya sa pisngi at iniisip kung paano niya makukumbinsi ang dalaga gayong mukhang namumuhi na ito sa kanya.

"Akala mo ba yayakapin kita kapag nakita kita ulit? Hindi pa ako baliw, Apolinario," nagtatampong wika ni Manuela, narinig niya rin ang paghikbi nito. "Bakit ba nagpakita ka pa? Itinuloy mo na lang sana ang iyong pagkawala sa aking buhay!"

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon