pangpitong liham [ 1 / 2 ]

146 14 110
                                    

ika-limang araw ng Hunyo, 1887

Naalala ko pa ang araw kung kailan ka nakipaghiwalay sa akin. Pitong araw lamang naman ang nakalipas. Pitong araw na mas nalaman ko kung ano nga ba ang naging problema. Pitong araw kung saan naalala ko ang mga masasaya at masalimot nating mga alaala.

Isang araw nakapagtapos ka sa Kolehiyo. Dalawang taon tayong nanatili sa Maynila para doon. At pasekreto pa akong pumunta dahil gusto kitang makitang sinasabitan ng mga medalya. Gusto kong makita ang mga kaklase mo, ang mga guro mo, at pati na ang iyong paaralan. Kaya kahit sinabi kong hindi ako pupunta ay dumating ako.

INAYOS ni Manuela ang suot na belo para hindi siya makita ni Pole. Ito na ang tinawag papunta sa plataporma at kasalukuyan na itong pinapangaralan ng mga medalya. Napangiti siya sa nakikita. Hindi nga naman imposibleng hindi nito makamit ang mga iyon.

Si Pole na ang pinakamasipag na tao na kilala niya. Ang alam niya nga ay ang tanging araw na medyo nagpapahinga ito ay kung nagkikita sila. Sinabi na rin kasi ni Eustacio na nag-aaral din sa parehas na eskwelahan ay wala nang ibang ginawa ang iniirog kundi ang mag-aral. Ayon sa nobyo ng pinsan niya ay hindi na raw nito masyadong maimbintahan si Pole sa mga ibang aktibidades na nakakaya nitong ipilit dito noon.

Ang tanging pokus na lamang ni Pole nang dalawang taon nito sa Kolehiyo ay ang pag-aaral. Ito na nga raw ang pinakaseryosong estyudante na nakita ni Eustacio na minsan pati ito ay nahihiya at nag-aaral na rin. Gusto niya itong ipagmalaki at magpakita ngayon din.

Si Socorro nga ay sa harap pa nakaupo at nang tinawag si Eustacio bago si Pole ay tumayo ito at pumalakpak kahit na wala namang ibinigay na medalya sa nobyo. Hindi naman nahiya si Eustacio dahil kumaway pa ito sa nobya bago bumaba ng plataporma.

Hindi naman sa nagrereklamo siya sa estado ng kanilangn relasyon. Dalawang taon rin naman ang nakalipas at wala namang nangyaring kahit ano. Ngunit, kahit sana sa araw lang na ito ay magawa niya itong maipagmalaki. Mabuti na lamang at may mga pumalakpak rin kaya nagawa niyang patagong sumabay.

Ang hindi niya inaasahan ay ang pagtingin naman ni Pole sa kanyang direksyon. Kung mukha itong hindi makangiti noong una ay mabilis na gumuhit ang ngiti nito. Hindi niya napigilang mag-iwas ng tingin at umubo sa kamao na alam niyang magpapabuking sa kanya. Parang nahimigan naman nitong ayaw niyang bigyan siya nito ng pansin kaya nawala rin ang tingin ni Pole sa direksyon niya.

Mukha namang mas gumaan ang pakiramdam ng nobyo sa buong programa ng dahil sa nakita siya nito. Hindi niya maiwasang mapangiti dahil nakatulong na naman siya rito kahit na sa maliit lang na paraan. Kahit sa simpleng presenysa niya lamang. Alam niyang hindi siya maaring magtagal roon, kaya bago siya umalis ay bumili siya ng isang bulaklak ng puting orkidyas sa naglalako noon at pinasabing ibigay sa kanyang nobyo.

Nagtataka naman ang tindera kung bakit gusto niyang magbigay ng bulaklak sa lalaki ngunit hindi na ito nagtanong. Sa halip, tinanggap nito ang bayad niya at sinabihan siyang mag-ingat sa daan. Tumango siya at binalingan ng huling tingin ang nobyo bago tuluyang umalis.

Makalipas ang isang buwan dahil sa kagustuhan mong kunin ang eksaminasyon para maging Profesor de Segunda Enseñanza ay bumalik tayo sa Batangas. Nanatili tayo sa Lipa at naging guro ka sa Kolehiyo ni Ginoong Sebastian Virrey. Isa kang magaling na guro at sobra ang pagtitiwala sa'yo ng butihing Ginoo. Pati ako ay naging isa sa mga estyudante mo. Sa gabi naman ay pinagpatuloy mo ang pag-aaral. Dalawang taon muli ang lumipas mula noon.

Apat. Apat na taon tayong patagong nagsama. Ang tatag pala natin, ano?

Isang buwan, sinabi mo sa aking gusto mo akong pakasalan. Na dadalaw tayo sa amin para pormal mong hihingiin ang aking kamay. Masaya ka. Niyakap mo ako. Hinalikan mo ako ng ilang beses ng sinabi kong 'Oo'.

Nang araw na iyon, tayo na naman ang pinakamasayang tao sa mundo. Nang araw na iyon, sabay tayong lumabas sa ating pinagtataguan, magkahawak-kamay na hinarap ang mga taong alam nating huhusga sa atin.

Wala tayong pakialam dahil sa ating mga mata, ako lamang si Manuela at ikaw lamang si Apolinario. Ang isa ay isang pintor na nagsisimula pa lamang makilala. Ang isa ay isang guro na nais maging abogado sa hinaharap at pagandahin ang estado ng Pilipinas. Simpleng tao lamang na naninirahan sa simpleng mundo.

Ang saya natin ng araw na iyon ay mabilis ring nawala sa loob lamang ng isang araw. Ang araw kung kailan bumisita tayo sa amin.

"POLE! Hintayin mo ako," nag-aalalang tawag ni Manuela sa nobyo. Dali-dali kasi itong umalis matapos nang naganap sa kanilang bahay. Hindi tinanggap ng kanyang Ama ang kagustuhan nitong siya'y pakasalan. At dahil na rin sa pagbisita nila ay nalaman ng kanyang mga magulang ang ginagawa niya sa loob ng apat na taon.

Sigawan. Batuhan ng salita. Batuhan ng mga gamit. Sa dami nang mga boses na narinig niya ay si Pole na lang ang pinakinggan niya at sinubukan niyang tulungan ngunit, nawala lang rin ang mga sinasabi niya sa ulan ng mga paratang ng kanyang mga magulang sa nobyo.

Masakit.

"Ano sa tingin mo ang ipapakain mo kay Manuela? O sa magiging mga anak niyo?"

"Dahil sa'yo, nagsinungaling sa amin ang anak namin! Apat na taon, Apolinario. Apat na taon na akala namin ay ang ginagawa lang niya sa Maynila ay nag-aaral magpinta!"

"Anong nakain mo at naisip mong basta basta naming papayagan na pakasalan mo ang aming anak?"

"Ano naman ang maibubuga mo sa mga manliligaw ni Manuela?"

Hindi pa roon natapos ang litanya ng kanyang Ama, marami pa ang isinisi nito kay Pole. Hanggang sa nagbitaw ito nang salita kung saan parang binuhusan ng tubig ang binata.

"Sino ka ba para isipin na nararapat ka para kay Manuela?"

Itinikom agad ng nobyo ang bibig at nawalan ng emosyon ang mga mata nito. Hinawakan niya naman ang kamay nito ngunit mabilis itong umiwas bago tahimik at nagmadaling umalis. Sinundan pa ito nang masasamang salita at sumpa ng kanyang Ama. Hindi na siya nag-isip, basta sumunod siya rito sa kadiliman ng gabi. Nagawa niya pang itulak ang mga Kuya niyang sumubok na siya ay pigilan.

Gabi. Laging masaya at payapa ang gabi sa kanilang dalawa dahil doon, walang taong manghuhusga. Siya, ito, at ang kalangitan lang na puno ng mga bituin. Ngunit ngayong gabi, pakiramdam ni Manuela ay unti-unting nadudurog ang kanyang puso habang sinusubukan niyang habulin si Pole.

Ilang beses siyang nadapa at tumayo para lang makahabol at nagawa niya pang itapon ang sapatos nang dahil sa desperasyon. Kung hindi pa ito ang tumigil ay baka kanina pa mas lalong dumugo ang kanyang mga tuhod at mga paa.

Walang tao sa paligid. Tahimik. Napakatahimik.

 Napakatahimik

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Where stories live. Discover now