pangpitong liham [ 2 / 2 ]

135 15 77
                                    

Nabibingi si Manuela sa lakas ng pintig ng kanyang dibdib. Kinakabahan siya. Kilala niya si Pole. Kilala niya ito kaya alam niya na kapag ito ang umalis sa bahay na iyon, ito ang sumuko.

Hindi niya alam ang sasabihin, kung ano ang gagawin. Nanatili siyang nakatitig sa likod nito habang ito'y dumadaing. Tahimik ang pag-iyak nito katulad ng dati. Gusto niya itong yakapin at aluin. Ngunit, pati siya ay nasasaktan, pati siya ay lumuluha, at pati siya ay kinakabahan. Hindi niya gusto ang maaring sabihin nito. Hindi niya gustong marinig. Gusto niyang manatiling bulag.

"Apolinario..." Nagawa niyang bigkasin nang makasagap na ng lakas ng loob. Sumasakit ang kanyang lalamunan sa pagpigil niyang umiyak. Gusto niyang lumuhod, magmakaawa. Pakiusap, o, pakiusap. "Ipaglaban naman natin ito... Apat na taon na tayong nagtatago...." sa basag na boses ay pakiusap niya. "Huwag mo naman akong iwan. Pakiusap, Pole... hindi ko kakayanin."

Humihinga ako ng dahil sa'yo. Lumalaban ako ng dahil sa'yo.

Hindi nagsalita si Pole. Tahimik lamang itong umiiyak habang mahigpit na hinahawakan ang laylayan ng damit. Nagpipigil.

Alam niyang gusto nitong sumigaw. Magalit. Magdabog.

Ngunit hindi ganoon si Pole. Marunong siyang magpakumbaba. Pasensyoso siya. Mabait. Masyado siyang mabait.

At tulad nang laging nangyayari sa kanya, hindi na siya nakapagsalita. Namatay ang mga salitang gusto niyang sabihin. Gusto niya ring dumaing na parang ibong namatayan ng anak. Gusto niya ring magwala at magdabog.

Ngunit, bumagsak lang ang kanyang mga balikat at naghintay na lamang siya. Hinintay niya ang alam niyang sasabihin nito.

Matagal silang ganoon sa dilim. Nagtatagis ang mga damdamin. Nalulungkot. Hindi mayakap ang isa't isa dahil mas lalong magiging masakit.

Isang araw lang iyon. Apat na taon silang magkasama. Isang buwan silang puno ng saya. Ilang oras silang nakangiti bago sila nakarating roon.

Tahimik. Napakatahimik.

Walang sasagip dahil hindi marinig ang kani-kaniyang paghingi ng tulong.

"Manuela... Patawarin mo ako ngunit sa tingin ko tama sila..."

Sila. Bakit sila ang kailangang magdesisyon? Bakit hindi pwedeng tayo?

"Pole..."

"Makinig ka muna sa akin, Manuela. Kahit ngayon lang."

At doon, doon ka nagsalita. Sinabi mo ang lahat ng iyong mga hinaing. Sinabi mo ang lahat nang matagal mo nang gustong sabihin. Binusog mo ang mga tainga ko ng mga sagot sa mga tanong na hindi ko tinanong. Gusto mo sanang bumawi sa akin. Gusto mo akong pakasalan upang bumawi sa akin. Para sana ayusin natin ang mga naging problema natin.

Ngunit sa mga narinig mo sa aking mga magulang, binuksan nila ang mga bagay na iyong kinimkim. Sinabi mo sa akin na pinagsisihan mo na sumama ako sa iyo. Pinagsisihan mong naging makasarili ka. Pinagsisihan mo ang lahat at nasasaktan kang bitawan ako ngunit kailangan.

Hindi ako nagsalita. Inabot lamang kita at niyakap. Walang nagrehistro sa aking isip. Ang alam ko lang ay mawawala ka na sa akin at kahit hawakan kita nang mahigpit ay hindi rin iyon magtatagal. Kaya humawak na lamang ako sa iyo habang sumusuko kang lumuluha sa akin.

Dapat ba nagtago na lang tayo? Dapat ba nagpakasal na lang tayo sa halip na humingi pa ng permiso? Kinaya naman natin ng apat na taon, hindi ba? Hindi naman ako naging pabigat sa iyo.

Subalit hindi ka natinag. Nang araw na iyon, kahit nasasaktan ka at lumuluha, hinalikan mo lamang ako sa huling pagkakataon. Ramdam ko ang pinaghalong lungkot at pagmamahal mo. Pati na ang init ng iyong buhay at presensya hanggang sa unti-unti kang bumitiw. Tumalikod ka at nagsimula kang maglakad. Hindi kita hinabol dahil alam kong may isa kang salita. Kung sinabi mong tapos na, tapos na.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon