s: si Senyor Salazar [ 1.2 ]

81 8 52
                                    

[ 1880 - isang linggo matapos ang piging ni Eustacio ]

"Ako'y iyong samahan na, Kuya," kanina pang sinasabi ni Samaniego kay Isidro. Naririndi na siya kahit hindi halata sa kanyang mukha. Wala kasing makitang ekspresyon mula roon. Ang sabi nga ng mga magulang niya ay iisa lang ang ekspresyon niya sa lahat ng emosyon.

Sinusubukan niya kasing intindihin ang binabasa niyang libro at marami pa siyang isasalin sa Latin. Ngunit, ang magaling niyang kapatid ay nais lumabas at magpahangin na naman kay Socorro. Gayong hindi naman lingid sa kanilang kaalaman na nobyo na ng dalaga ang anak ni Senyor Marcias na si Eustacio.

Ang sabi naman ng kapatid niya ay hangga't hindi kasal ang dalawa ay may pag-asa pa ito.

Huminga siya nang malalim. Kahit naman hindi niya ito pansinin ay mukhang maghapon siya nitong kukulitin. Kaya isinara na lamang niya ang libro bago hinarap ang kapatid na halos mapunit na ata ang mukha sa lawak ng ngiti dahil sa pagsuko niya.

"Bakit ba laging kailangan mo akong isama sa pagpapapansin mo kay Socorro?" nababagot na tanong niya habang sinusundan ito palabas ng kanilang bahay.

"Itinatanong pa ba 'yan, Kuya," natutuwang wika nito sabay pagtawag kay Mang Sandoval, ang kutsero nila.

Hindi na nga niya kailangang itanong. Sa tuwing nasa harap kasi ni Samaniego si Socorro ay kung ano-ano ang lumalabas sa bibig nito. Kaya ang trabaho niya ay siguraduhing wala itong sasabihing nakakahiya. At kailangan nga talaga siya nito kung magkakaroon man ito ng tsansa kay Socorro.

Napailing siya at sinundan ito sa pagsakay sa kalesa.

"Saan po tayo, mga senyorito?" tanong ni Mang Sandoval. Nakangiti ang butihing matanda sa kanila. Binati niya ito ng isang tango na ibinalik naman nito.

"Doon po sa bahay ng mga Guevarra, Mang Sandoval," masayang wika naman ng kanyang kapatid, mukha itong binilhan ng sorbetes.

"Masusunod po, Senyorito Samaniego," pinaandar na ni Mang Sandoval ang kalesa. At wala nang ibang narinig si Isidro kundi ang pagtapak ng kabayo sa lansangan. May sinasabi pa ang kanyang kapatid ngunit hindi na siya nakikinig.

Namalayan niya lang na naroroon na sila nang tumigil ang kalesa at tinapik siya ng kapatid. "Hindi ka na naman nakinig sa akin," nakasimangot na wika ni Samaniego pagkababa nila.

Nagkibit-balikat lamang siya at napabuntong hininga na lang ang kapatid. Ito na rin ang naunang pumasok sa bahay ng mga Guevarra at sakto namang namataan sila ni Manolo, ang unang anak ni Senyor Narciso Guevarra at siyang pinsan ni Socorro.

"O, naririto ka na naman, Samaniego," pabirong ginulo ni Manolo ang buhok ng kanyang kapatid at nagpagulo lamang naman ito. Kahit kailan talaga ay mahilig sa atensyon si Samaniego. "Sinong inaakyat mo ng ligaw? Ang kapatid ko ba? Binabantaan kita, hindi pwede ang kapatid ko. Bata pa siya."

Alanganing ngumiti si Samaniego, "Mayroon ka po palang kapatid, Kuya Manolo."

Hindi naikwento ni Samaniego sa kanyang may kapatid palang babae si Manolo. Sa katunayan, ang tanging ikwinekwento lamang naman talaga nito ay ang tungkol kay Socorro. Kung ilang beses niya itong nakita, kung ilang salita ang naging palitan nila, at kung ano-anong mga bagay na pati siya ay hindi niya alam kung kailangan niya bang malaman.

Nagsasawa na siya at kahit ipinapakita niya ay hindi maintindihan ng kapatid kaya hinahayaan na lamang niya. Kahit naman ganito iyon ay lagi naman itong tumutulong sa kanya kung kailangan.

"Aba, mayroon talaga, hindi lang laging lumalabas kaya hindi mo rin siya mapapansin. O, siya, kung hindi ang kapatid ko... si Socorro?"

"Siya nga po, Kuya. Nariyan po ba siya?"

"Oo, hindi pa umaalis. Nagbuburda siya sa kwarto kasama ang mga kapatid ko. Ngunit, hindi kita masusuportahan doon. Mahal na mahal noon si Eustacio. Hindi ko nga alam kung ano bang espesyal sa lalaking iyon."

Idinaan lang naman ni Samaniego sa biro ang sagot kay Manolo.

Pati naman siya ay nasabi na niya ang mga katagang iyon. Paulit-ulit na nga siguro. Sadyang baliw na baliw ang kanyang kapatid at mukhang hindi ito susuko.

Iginaya naman sila ni Manolo sa isang kwarto kung saan naroroon rin si Montego, ang pangalawang kapatid ni Manolo. At sa kwartong iyon, bukod kay Socorro, ay may isa pang babae. Ito na siguro ang kapatid na tinutukoy ng nakakatandang Guevarra.

"O, Samaniego, bumisita ka na naman," pagbati ni Montego, sabay palo sa balikat ni Samaniego.

Nagpapalo lang naman ang kanyang kapatid kahit alam nilang pareho na magrereklamo ito mamaya na masakit iyon. Malapad pa naman ang kamay ni Montego at marapas rin.

Tumingin naman sa kanila ang mga babae. Mistula namang nawalan siya ng pandinig nang magtama ang mga mata nila ng nakakababatang kapatid ni Manolo at Montego. Simple lang ang ganda ng dalaga at hindi ito mapapansin kung hindi ito titignan nang mabuti. Hindi ito katulad ni Socorro na kahit sinong tao ay mapapalingon nito. Tumango sa kanya ang dalaga at simpleng ngumiti bago nito ibinalik ang atensyon sa binabasang libro.

Napasapo siya sa dibdib, bumibilis ang tibok niyon sa hindi niya malamang dahilan. Hindi naman siya bago sa mga babae. Dahil lagi siyang sinasama ni Samaniego sa kung saan at dahil ipinapakilala na rin siya ng Ama sa kung sino-sinong unico hija ay marami na siyang nakilala. Marami na ang mas maganda rito. Marami na rin siyang kinausap para lamang maging magalang ngunit hindi niya naman talaga naiinteresan.

"Titig na titig ka, ah, Isidro," komento naman ni Manolo na nagpabalik sa kanya sa paligid. Naririnig na niya ang pag-uusap ni Samaniego at ni Socorro. Ngayon pa lang ay alam na niyang dapat niyang pigilan ang kapatid. Naririnig niya rin ang pagputol ni Montego sa mga tela at ang paghinga ni Manolo sa kanyang tabi.

Hinarap niya ito. Binalaan man nito si Samaniego ngunit mukhang hindi ito galit sa kanya.

Ibinuka niya ang bibig para sana magsalita ngunit ni isang salita ay walang lumabas. Tumikhim siya. "S-Siya ho ba ang nakababatang kapatid na iyong tinutukoy?"

"Oo, si Manuela. Mas bata iyan sa iyo ng dalawang taon."

Nagtatakang tinignan niya ito. "Hindi niyo ho ba ako pagbabantaan tulad ng ginawa niyo sa aking kapatid?"

"Bakit? May balak ka ba?"

Tinignan niya muli ang dalaga. Mukha na itong wala sa pisikal na mundo. Halatang kahit subukan niya sigurong kausapin ito ay hindi siya nito papansinin. Nag-iwas siya ng tingin. "Hindi ko alam."

Una lang naman niya itong nakita at hindi naman siya sigurado kung ano ba talaga ang kanyang nararandaman. Kilala siya bilang isang praktikal na tao. Magaling rin siyang magplano kaya alam ng lahat na hindi siya basta susuong sa laban ng walang armas.

Ngunit, bago sila umalis, hindi niya napigilang tapunan muli ng tingin ang dalaga. At tulad nga nang napansin niya ay wala pa rin ito sa pisikal na mundo. Iniisip niya, kung ano kaya ang pakiramdam na mabigyan ng ganoong klaseng atensyon.

 Iniisip niya, kung ano kaya ang pakiramdam na mabigyan ng ganoong klaseng atensyon

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Where stories live. Discover now