unang liham

870 45 133
                                    

ika-tatlumpong araw ng Mayo, 1887

Magandang gabi sa iyo, Ginoong Mabini. Naalala mo pa ba ang una nating pagkikita? Isa iyon sa hindi ko makakalimutang pangyayari sa aking buhay. Ipinapasalamat ko sa araw-araw na nangyari iyon, na nakilala kita. Ginoong Mabini, ito ang inaalala ko ngayon dahil nalulungkot ako. Alam kong hindi mo na babawiin ang iyong sinabi. Naiintindihan kita.

Gusto ko lang isulat ang liham na ito at ikwento ang mga nangyari. Isusulat ko lamang ang lahat para tuluyan na akong makalimot. Ibabahagi ko sa papel at sa papel na ito lamang. Sisiguruhin ko ring ito'y maitatago at kung may makadiskubre man, pakiusap, huwag ninyong ibahagi sa iba na minsan, si Ginoong Mabini at ako ay nagmahalan.

KANINA pa gustong umuwi ni Manuela. Bukod kasi sa wala siyang kakilala sa piging na iyon ay wala naman siyang balak talagang pumunta. Ni hindi nga siya mahilig sa mga piging at hindi rin siya mahilig lumabas ng bahay.

Pagdating nila roon ay iniwan siya ng kanyang pinsan upang puntahan ang nobyo nito. Dahil alam ng mga magulang nila ang panaka-nakang pagkikita ng dalawa ay minabuti na lamang ng Tiyo niya na dapat kapag aalis si Socorro ay siya'y kasama. At dahil hindi na nakatanggi si Manuela ay pinaunlakan na lang niya ang utos ng tiyuhin.

Ngunit, ang pinsan lang ang kakilala niya sa naturang piging. Puro mga kaklase ng nobyo ng pinsan niya ang mga naririto at ang iba naman ay mga kaklase nito. Dahil mas bata siya ng isang taon ay wala na siyang iba pang kilala.

Napabuntong hininga siya at lumapit na lang sa handaan para kumuha ng maiinom. Wala ng taong lumalapit doon dahil lahat ng mga imbitado'y nagsasayawan o nagkukumpulan sa isang gilid para mag-usap. Namataan niya na lang ang pinsan na halos sobra na ang pagkakakapit sa nobyo nito.

Napapailing na kumuha siya ng baso at pumunta sa isang sulok kung saan wala masyadong tao at kung saan maitatago siya ng isang matangkad na halaman. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin kung sakaling may sumubok mang kausapin siya att hindi siya sanay na makihalubilo sa iba.

Nanatili siya sa isang sulok at pasimpleng umiinom ng tubig. Inonti-onti niya iyon para hindi niya na kailanganin pang bumalik sa hapagkainan. Kahit nagugutom na ay ininda na niya lamang at pinanood ang mga sumasayaw na magkakapareha.

Maingay. Masyadong maingay.

Pumikit siya at inisip na lamang ang kanyang kwarto. Inisip niya ang mga gagawin niyang takdang-aralin pagkauwi na pagkauwi niya. Marami ang ibinigay sa kanilang kailangan nilang basahin. Pilit niyang inaalala ang mga aralin, ngunit dahil sa ingay ng paligid ay walang ni isang pumasok sa kanyang isipan.

"Mukhang andami mong iniisip, Binibini," sabi ng isang boses na agad nagpamulat sa kanyang mga mata. Nalingunan niya ang isang binata na mukhang maari na atang maputol sa sobrang payat. Bukod doon, mukhang napaglumaan na ang suot ng lalaki dahil sa kupas nitong hitsura. Ngunit, kahit ganoon ay maganda pa rin ang ayos ng binata. Ang buhok nito ay parang nakalagay lang nang maayos sa tuktok ng ulo nito. Wala rin siyang mamataang dumi rito.

At kanina pa pala siya nakakatitig sa lalaki.

Dahil sa hiya ay pasimple siyang umubo sa kanyang kamao. "Hindi naman gaano, Ginoo. Iniisip ko lamang kung ano ang mas magandang gawin kaysa sa panoorin sila."

"Ganoon ba? Ngunit, bakit hindi mo na lang pagkaabalahan ang pagkain? O ang hardin? May nakita akong isang hardin sa labas. Kung iyong nanaisin ay maari kitang samahang pumunto roon, Binibini." Maganda sa pagdinig ang boses nito. Malumanay lamang iyon at parang hindi ito sanay na magtaas ng boses.

Napailing siya. "Hindi ako nagugutom at hindi ko maaring iwan ang aking pinsan."

"Hindi ka naman niya pinapansin. Hindi siguro masamang magpahangin ka muna. Mukhang ayaw mo nang manatili rito nang matagal, Binibini."

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓حيث تعيش القصص. اكتشف الآن