panglimang liham: kasagutan [ 2 / 3 ]

Start from the beginning
                                    

Kaya hindi ako nagpakita, hindi ako nagpaalam, dahil nais kong huwag nang makaabala sa'yo. Ayoko nang mangarap na maaring maging tayong dalawa panghabang buhay. Alam kong masasaktan kita sa ginawa kong iyon. Alam kong hahanapin mo ako kahit mahirap. Alam kong maghihintay ka.

Sa ginawa ng iyong mga kapatid, nawa'y napatawad mo na sila. Sila lamang ay nag-aalala sa iyo. Hindi man maganda ang ginawa nila ay kailangan mo pa rin silang intindihin sapagkat sila ang iyong pamilya. At ako rin ay matagal ko na rin silang pinatawad.

Ang mga sugat na iniwan nila sa akin ay naglaho rin naman.

Hindi ka rin nag-iisa, Binibini. Marami na akong naitagong papel ng mga liham na nais ko sanang ibigay sa iyo. Marami akong sinimulan na hindi ko rin naman tinapos. Natatakot ako na kung sakaling iyon ay aking tapusin ay baka tubuan ako ng lakas ng loob. Baka kahit na alam kong maaring hindi makarating ay ipadala ko pa rin. Kaya, hindi ko na lamang tinapos at itinago ko na lamang ang mga papel.

Kung ikaw ay sinubukan mong ibaling ang atensyon sa iba, ang ginawa ko ay ang alam kong mas madaling gawin: ang mag-aral. Nasisiguro ko rin kasi na hindi ko naman kayang magmahal ng iba. Ikaw lamang ang may kakaibang epekto sa akin, mahal ko. Ikaw lamang ang gusto kong makapiling.

Ang akala ko nga ay hindi ko na maiisipang balikan ka. Ngunit, ilang buwan bago mamatay ang aking butihing Ina ay may sinabi siya sa akin na nagpabago sa aking isipan.

"POLE," tawag kay Apolinario ng isang boses na pamilyar sa kanya. Iniwan niya ang ginagawa saka tumayo at nagmano. Kararating lang kasi nito mula sa pamimili ng mga gulay sa pabilihan sa bayan.

"Ako na ho ang bahala riyan," kinuha niya ang mga dala-dala nito at siya na mismo ang naglagay niyon sa kusina. "Ano pong iluluto niyo, Inang?"

Narinig niyang tumawa ito at nagtatakang napatingin siya sa Ina. Nagulat siya nang makita ang rason kung bakit. Hawak-hawak kasi nito ang isang papel na itatago niya sana mamaya. Habang nagbabasa kasi siya ay naisipan niyang magsulat muli sa kanyang iniirog.

"I-Inang," nasabi niya na lamang at ibinalik ang sarili sa upuan. Nahihiyang napakamot siya sa kanyang batok.

"Ano ka ba? Bakit hindi mo man lang sinabi sa iyong Ina na may nobya ka na pala?" giliw na tanong nito. "Mukhang mahal na mahal mo ang swerteng dilag at ang ganda ng kanyang pangalan."

Nahihiyang napatingin siya sa papel na hawak ng Ina. Hindi niya sana gustong pag-usapan ang kanyang nobya dahil malulungkot lamang siya. Ngunit, mukha namang gusto talagang marinig ng kanyang Ina ang tungkol kay Manuela. Huminga siya nang malalim.

"Opo, Inang. Simple lang po siya sa ganda at sa pag-uugali," napapangiti niyang sabi habang inaalala ang mukha ni Manuela. "Natural pong kayumanggi ang kanyang balat, kakulay ng lupa ang kanyang mga mata, mahaba ang kanyang mga pilikmata..." Napapikit siya at inisip na kunwari'y nasa harap niya ang nobya. Patuloy niya itong isinalarawan sa kanyang Ina at sa kanyang imahinasyon, hawak-hawak niya ang pisngi ng dalagang nakangiti naman sa kanya.

Nang iminulat niya ang mata ay wala na ito, ang nasa harap lamang niya ay ang kanyang Ina na mukhang natuwa sa ginawa niya. Nagniningning rin ang mga mata nito at mukhang wiling-wili sa narinig.

"A-Ah... iyon lamang po," marahan siyang natawa para pagtakpan ang kanyang hiya. Ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na pag-usapan ang tungkol sa nobya sa ibang tao. Ni hindi niya nga ikwinento kay Padre Malabanan ang ukol roon kahit na nagtanong ito. Pati si Eustacio ay walang alam sa nangyari.

Masayang kinuha naman ng kanyang Ina ang kanyang mga kamay. "Pole, mahal na mahal mo talaga siya. Ang akala ko hindi mo maiisipang magkaroon ng nobya gayong mas uunahin mo pa atang matapos ang iyong pag-aaral. Hindi naman sa ayaw kong gawin mo iyon sadyang hindi ko lang inaasahan...

"Kung hindi ka man naniniwala sa akin ay tignan mo ang sarili mo sa salamin. Namumula ka, Pole. Randam ko rin mula sa iyong kamay ang malakas ang pintig ng iyong puso," malawak ang ngiti ng kanyang Ina. "Kailan ko maaring makilala si Manuela? May balak ka bang ipakilala siya sa amin o wala?"

 "Kailan ko maaring makilala si Manuela? May balak ka bang ipakilala siya sa amin o wala?"

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Where stories live. Discover now